Tuesday, September 29, 2009

Sa pag-ugoy ni bagyong Ondoy!







Kamakailan lamang ay rumagasa ang bagyong si Ondoy. Maraming lugar sa Metro Manila ang nalubog sa baha. Ganun din naman sa bayan ng Rizal kabilang na ang Cainta, San Mateo at Rodriguez at iba pa na binaha rin nang husto. Wala ritong kawala mapahirap man o mayaman. Katunayan ay maraming mga subdibisyon ang lumubog sa baha. Nag-iwan si Ondoy nang mahigit sa isang daang patay at pagkasira ng milyun-milyong halaga ng ari-arian.

Kahit pa ang mga lugar na dating hindi naman binabaha kapag mayroong bagyo ay binaha rin. Ang isa sa matinding dahilan, bukod sa malakas ang bagyo ay ang mga baradong kanal na dulot ng mga basura!

Iba’t ibang kuwento o eksena rin ang nalikha ni Ondoy. Nariyan ang ipinamalas na kabayanihan ng mga rescuer, na hindi nagdalawang-isip na tumulong sa mga na-trap sa kani-kanilang ikalawang palapag ng bahay o ‘di kaya’y sa bubungan. Kahit ang simpleng pag-alalay lang sa mga tumatawid sa baha at pagtutulak ng mga sasakyang lumubog sa baha ay maituturing na ring isang kabayanihan.

Marami ring na-stranded na mga pasahero kung saan-saang lugar. Kabilang na ang mga galing Cubao na pauwi sa Cogeo, Antipolo at iba pa. Nagmistula tuloy alay-lakad ang eksena, ‘yun nga lang ay sa baha! Marami namang truck ang nagpasakay kaso sa dami ng mga tao ay ‘di nila kayang isakay ang lahat. Isa pa, usad pagong din ang andar ng sasakyan kaya’t mas pinili talaga ng iba na maglakad para lang makauwi sa kani-kanilang bahay.

Ang kahabaan ng Marcos Hi-way papuntang Masinag ay nagmistulang ilog. May mga kababayan pa tayo na ginawang raket ang pagpapasakay sa kanilang balsa-balsahan. Habang ang ilan naman sa mga bata ay nagsipaglaro at lumangoy pa sa gitna ng baha. ‘Di alintana na maaari silang magkaroon ng sakit sa balat dulot ng maruming tubig.

Siyempre, bumaha rin ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyo mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Kaliwa’t kanan din ang mga isinagawang medical mission. Masarap isipin na kapag ganitong may sakuna ay nabubuhay ang diwa ng bayanihan sa ating mga Pinoy. Maging si Apple Deapp, isang Pinoy na mieyembro ng international group na Black Eye Peas ay nanawagan pa sa buong mundo na tulungan ang mga biktima ng bagyo sa atin.

Ang maganda sa atin, kapag may dumarating na sakuna ay nagagawa pa nating ngumiti at tumawa. Ang iba nga ay idinadaan sa biro ang mga pangyayari. Kahit mayroong nang nakikitang lumulutang na ahas ay idinadaan sa biro. May ilan nga lang na nakagat ng ahas. Marahil ay alam nating huhupa rin ang malakas na ulan at muling sisikat ang araw.

Isang taos-pusong pakikiramay sa lahat ng mga namatayan ng kaanak dahil sa pananalasa ni bagyong Ondoy.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...