Saturday, November 8, 2014

Halaga ng Documentary Film

Mahalaga ang pagkakaroon ng mga programa se telebisyon na may kinalaman sa dokyu o dokumentasyon gaya ng Eye Witness, Reporter’s Notebook, Dokumentado at iba pa. Dahil maraming isyu ang nabibigyan ng pansin o nabibigyan ng linaw.  

Mas malawak  ang dokyu kumpara sa balita dahil ang balita ay maiksi lang. Isa pa, ‘di rin ito naluluma gaya ng balita na napapanis.  Kung may pagkakatulad man ang dalawa, ito ay ang pagsandig sa realidad at hindi kathang-isip lamang. Hindi ito basta kuwento lamang dahil sumasalamin ito kung ano’ng klaseng lipunan ang mayroon tayo. 

Sa mga dokyu, malalim na sinisiyasat ng mananaliksik o tagapag-ulat kung ano ba ang nasa likod ng isyu. Halos lahat ng anggulo ay sinisilip para mahimay nang husto ang istorya. Pilit na tinitimbang ng nag-uulat ang mga bagay-bagay para hindi masabing bias lalo na’t kung ang paksa ay hinggil sa salungatan. Halimbawa kung ang paksa ay tungkol sa naglalabang paksiyon gaya ng sa pulitika o ng mga tao na magkaiba ang paniniwala. 

Hangad ng dokyu na suriin ang isang pangyayari kung bakit nagkaganito o nagkaganun ang mga bagay-bagay. Para higit na maunawaan ng mga manonood ang isang isyu. Katunayan, maraming katanungan na sinasagot ang dokyu. Pati ang ugat ay pilit na kinakalkal para malaman kung saan o paano ba ito nagsimula. Madalas nga lang ay hindi ito natutuldukan dahil patuloy pa rin itong nangyayari. 

Hangad din ng dokyu, kung hindi man makapagpamulat o makaimpluwensiya ay nais nitong maihatid ang mga ito sa kinauukulan. Marami kasing mga dokyu na ang pinapaksa ay patungkol sa kahirapan. Hindi sapat na makapag-antig lang ng damdamin ng mga nasa puwesto kundi para makakuha rin ng aksyon mula sa kanila. Yamang ang pangunahing responsibildad ng mass media ay makapagbigay ng serbisyo-publiko bukod sa pagbibigay ng impormasyon. At ang dokyu ay isang mabisang paraan para maiparating ito sa nakararami.

Ang maganda sa dokyu ay hindi limitado ang maaaring paksain. Kahit tungkol sa buhay-buhay ay pupuwede basta interesanteng pag-usapan. Isa sa dokyu na napanood ko ay tungkol sa mga taong grasa. Sa nasabing dokyu ay ipinakita kung paano mamuhay ang taong grasa. Hindi nga lang makausap ng maayos dahill mga wala sa sarili. Ngunit may isa roong nakausap pa ng matino. Dati itong nalulong sa ipinagbabawal na gamot. Naging palaboy hanggang matagpuan na lang niya ang kanyang sarili na nasa kalsada.

Inalam ng ng programa kung saan nagmula ang taong grasa at napag-alaman nilang may kaya pala ang pamilya nito. Nagpabalik-balik na pala ito sa rehab, hanggang isang araw ay bigla na lamang itong nawala sa paningin ng pamilya. Ipinapakita lang ng nasabing istorya na walang buting idinudulot ang paggamit ng bawal na gamot.



No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...