Sikat ang Baguio, tinaguriang City of Pines dahil sa pagkakaroon nito ng magagandang tanawin at malamig na klima. Walang puwang dito ang aircon at electric fan. Hindi nakakapaso rito ang sikat ng araw. Kaya naman ito binabalik-balikan ng mga turista na nais makatakas saglit sa mainit na siyudad. At isa ako rito sa mga bumisita sa Baguio nito lang buwan ng Enero, taong kasalukuyan.
Mula Cubao ay mahigit anim na oras ang biyahe bago makarating sa Baguio. Napakatagal na paglalakbay pero kapag paakyat na sa Baguio ay nakapapawi ng inip. Nakaaaliw kasing pagmasdan ang tanawin. Mistula kang nasa tuktok ng mundo habang pinagmamasdan mo ang bangin sa ibaba ng zig zag road o 'di kaya ang Mines View Park. Mistula ka ring binabati ng naggagandahang produktong inukit na kahoy na nakalatag sa nakapuwesto sa may gilid ng kalsada. Ang mga obra ay pawang nagtatampok ng kultura at kaugalian ng mga taga-Baguio.
Sadyang buhay na buhay dito ang daloy ng kalakalan mapa-araw man o gabi. Karamihan ng rasyon ng gulay ay nanggagaling sa Baguio kaya mura lang ang mga gulay dito. Sa kalsada nga sa kabisera ng Baguio tuwing gabi ay naglipana ang samu’t saring paninda. Nangunguna na rito ang jacket pati na rin ang sombrero. May sombrero pa na mistulang pambata ang disenyo. ‘Yun bang ulo ng hayop gaya ng tigre, lion at kung anu-ano pa. Mayroon ding bag, t-shirt, silver at iba’t ibang klaseng palamuti man sa katawan o sa bahay. Siyempre, sino ba naman ang galing sa Baguio na makalilimutang bumili ng strawberry jam, peanut brittle, choco flakes, lengua de gato at marami pang masasarap na pagkaing tatak-Baguio. Puro pagkain nga lang ang nabili ko sa pamamasyal sa Baguio.
Kung ipinagmamalaki ng Maynila ang Luneta. Hindi pahuhuli ang Baguio, mayroon din silang Burnham Park. Masarap ditong mag-jogging tuwing umaga. Kapag pamamangka ang hanap mo ay mayroon namang ‘man made lagoon’ dito kung saan ay naaarkila ang bangka. Puwede ring magbiseklita, magpiknik at kung anu-ano pang aktibidades na maiisip mo. Ngunit isa man sa mga ito ay hindi ko nagawa. Pagsapit ng gabi, kumukiti-kutitap ang ilaw sa Burnham Park na animo’y krismas tri. Romantiko ang paligid kaya’t ‘di na nakapagtatakang maraming magkasintahan na ginagawa itong tagpuan.
Kaakibat na ng pamamasyal sa Baguio ang paghahanap nang makakainan kapag inabot na ng gutom. Walang problema dahil maraming mga restawran na nagkalat sa paligid. Nakakain ako sa may Solibao Restaurant na nag-aalok sa mga kostumer ng mga pagkaing lutong Pilipino tulad ng pinakbet, lechon kawali, kare-kare, boneless bangus at iba pa. Maganda pa ang disenyo ng lugar dahil ipinapakita nila ang tatak ng kanilang lahi. Katulad ng esklutura ng mga Igorot. Kumbaga, hindi lamang tiyan ang mabubusog kundi pati na rin ang mga mata dahil sa ganda ng disenyo ng nasabing restawran.
O, kay sarap maging turista sa bayan. Bakit ka pa pupunta ng Amerika o Europa kung pagpapalamig ang hanap mo? Gayung sa Baguio pa lang ay sulit na. Nakatulong ka pa sa lokal na turismo sa bansa. Sayang nga lang at ‘di ako nakapaglibot masyado. Maiksi lang kasi ang pamamasyal ko sa Baguio dahil trabaho ang pinunta ko rito. Naisingit lang ang pamamasyal. Pero isa lang ang sigurado babalik ako rito para makita pa ang iba pa nilang tourist attraction.
No comments:
Post a Comment