Nais ng komedyanteng si Tado Jimenez na panatalihin ang tradisyon ng pagtula sa Pilipinas kung kaya’t nag-organisa siya ng ‘Poetry Reading’ na isinagawa sa may Kapitan Moy, Marikina City. Ito ay nangyari noong Nobyembre 30 ng taong kasaluyan kasabay ng paggunita sa kaarawan ni Andres Bonifacio at natapat din sa Ikalabing-walong Anibersaryo ng mga Marian o Alay kay Maria, mga deboto ng Birheng Maria. Na noong araw din na ‘yun ay nagsagawa ng programa sa harap ng Kapitan Moy.
Ayon kay Tado, “Mas maganda ang tula kung ito ay binibigkas at hindi nananatiling nasa papel lamang. Dahil dito ay mas nararamdaman mo kung ano ang ibig sabihin ng tula.” Makahulugan ang pahayag niyang ito dahil ang tula naman talaga ay hindi sapat na nakasulat lang. Mas nabibigyan ito ng buhay kapag mayroong bumibigkas. Maaari itong ihalintulad sa isang script ng dula na kailangang gampanan upang lumutang ang kasiningan ng akda.
Isa pa, mas mainam din naman na magkatipun-tipon ang mga may hilig sa pagtula. Hindi lamang para magkabigkis-bigkis kundi pati na rin ipabatid sa madla na hindi pa rin kumukupas ang mga makata sa panahong ito. Batid naman natin na tinatabunan na ng labis na komersyalismo ang sining ng pagtula. Subali’t bilang makata man o nagpapahalaga lang sa wika ay responsibilidad ng bawat isa na palaganapin at pasiglahin pa rin ang pagtula. At sa aspetong ‘yan ay maaari ring hangaan si Tado dahil sa kabila ng pagiging abala ay nagagawa pa niyang mag-organisa ng ganitong klaseng pagtitipon.
Isa ang manunulat na ito sa naimbitahan at agad na nagpaunlak yamang ang pagtula ay isa sa aking hilig gawin. Sa totoo lang, matagal na rin akong ‘di nakakapagsulat at bumibigkas ng tula dahil mas nakatuon na ang atensyon ko sa pagsusulat ng mga sanaysay. Dati na rin naman akong nakadadalo sa poetry reading noong ako pa ay aktibong kasapi ng ASFIPO o Association of Filipino Poets na dating nakabase sa may C.O.D., Cubao, Quezon City. Halos lahat ng klase ng tao ay naroon, mapa-estudyante, propesyunal at kahit out-of-school youth ay sama-samang nagbabahagi ng mga akdang tula. Ganito rin naman ang poetry reading ni Tado, binabaklas ang pagitan ng bata at nakatatanda. Ang importante ay ang makapagbahagi ng akda at talento.
Sa poetry reading ay binasa ni Tado ang isa sa mga paboritong akda ng pamosong makata na si Pablo Neruda ang, “Huwag Akong Tanungin.” Sinabi ni Tado na bukod kay Neruda ay paborito rin niya ang mga makatang Pinoy na sina Rio Alma, Lourd De Veyra, Jun Cruz Reyes at iba pa. Samantala, ang kanyang may-bahay naman na si Lei ay tinula ang komposisyon niyang may pamagat na “Kung Bakit.” ‘Di yata’t ang magkabiyak ay parehong may kinalaman sa pagtatanong ang paksa ng kanilang mga tula. Nakatutuwa rin ang mga anak ni Tado na bata pa lang ay iminumulat na nila sa sining. Ang anak nilang sina Diosa at Indi ay nagmonologo at bumigkas ng tulang Ingles. Nagpakitang-gilas din sa pagmomonologo ang batang pamangkin ni Tado na si Iyah Hermosa. Ang pamagat ng kanyang piyesa ay “Ang Dagang Taga-Bukid at Ang Dagang Taga-Siyudad.” Siyempre, ibinahagi ko rin ang isa sa mga tula ko na may pamagat na, “Pagtatalik ng Bolpen at Papel” na matagal na ring hindi ko nabibigkas.
Hindi lamang tula ang nais itampok ni Tado kundi pati na rin ang iba pang klase ng sining. Naniniwala siTado na sa pamamagitan ng pagkakaroon ng poetry reading ay magkatipun-tipon ang mga may hilig sa sining. Sinimulan muna ito ng pamilyang Jimenez at ng pamilya Hermosa na kanilang kamag-anak. Subali’t umaasa si Tado na magiging regular na ito isang beses isang buwan. Iniimbitahan ang lahat na dumalo sa susunod na poetry reading, taga-Marikina muna o hindi. O, paano ‘yan hanggang sa susunod na pagtula kasama ni Tado!
-William M. Rodriguez II
No comments:
Post a Comment