Wednesday, November 10, 2010

Parokya ni Edgar Music Fever

parokya ni edgar

             Tanging  ang Parokya ni Edgar, bandang sumikat noong early 90’s ang nananatiling aktibo sa pagbabanda.  Matagal ng buwag ang kanilang naging kasabayan tulad ng Eraserheads, Yano, The Youth at iba pa. Samantalang ang River Maya ay bago na ang mga line up. May mga banda naman na galing pa nga sa Dekada 80 na hanggang ngayon ay buo pa rin. Ngunit ang mga ito ay mga nasa underground scence. Hindi katulad ng Parokya ni Edgar na nasa mainstream at hanggang ngayon ay patuloy pa ring lumilikha ng kasaysayan sa musikang pinoy.  Sino ba naman ang ‘di nakakaalam ng kanilang mga awitin gaya ng Harana, Pizza Pie at marami pang iba?

             Minsan ay napanood ko ang bandang ito sa Marikina Riverbanks na inorganisa ng Asean Computer of Science And Technology. Habang nagpi-perform ang grupo ay buhay na buhay ang mga tao. Nagsisipagsayaw sila habang tumtugtog ang Parokya gayung kung tutuusin ay hindi naman masyadong rock ang tugtog. Halos love song pa nga ang karamihan sa kanilang mga kinanta. Nangangahulugan lamang ito na hanggang ngayon ay malakas pa rin ang dating ng grupo sa mga kabataan.  Sabi nga ni Chito Miranda, bokalista ng banda, “’90’s pa lang nagbabanda na kami. Baka di pa nga kayo pinapanganak noon. Pero salamat at nagkikita-kita tayo.” Nagpapasalamat din siya dahil kahit na marami nang nagsulputang mga banda ngayon at magagaling naman ay ‘di pa rin nila nakalilimutan ang Parokya ni Edgar.

           Ngunit bakit nga ba pumatok ang bandang ito at hanggang ngayon ay humahataw pa rin? Marahil ang sagot d’yan ay Pinoy na Pinoy ang dating ng kanilang mga awitin. Madali lang sakyan ng kahit na sino ang kanilang mga liriko. Ito ay patungkol sa iyo, sa akin, sa kanila o sa ating lahat. Isa pa, iba-iba ang paraan ng kanilang istilo sa pagtugtog. May mga banda kasing monotonous ang dating. Halos pare-pareho lang ng tono o ‘di-kaya’y ng tugtog kaya’t nakasasawang pakinggan. Hindi katulad ng Parokya ni Edgar, samu’t saring istilo ang kanilang napaglalaruan. Mula sa malumanay at maging sa mabibilis na tono ay nagagawa nila. Kahit pa ang mapa-rap o rock  ay kayang-kaya nilang gawin. Kumbaga, nakakapag-adjust ang kanilang istilo sa pagbabago ng panahon.  Kumbaga ay hindi sila natatabunan bagama’t may mga panahong ‘di in ang pagbabanda dahil pumapasok din ang panahon kung saan nauuso ang accoustic, rap, R & B at kung anu-ano pa.

            May payo si Chito sa mga kabataang nagbabanda, “Sa mga nagpa-praktis-praktis pa lang o sa mga nag-iisip pa lang ng pangalan ng banda. Ipagpatuloy n’yo lang ‘yan. Para kahit wala na ang Parokya ni Edgar ay marami pa ring banda sa Pilipinas.” Ito kaya ay pahiwatig na malapit na silang mag-retiro? Hindi naman siguro, alam lang nila na darating din ang panahon na mabubuwag sila. Nais lang ng Parokya na mananatili pa ring masigla ang pagbabanda sa Pilipinas anumang klase ng musika ang mauso.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...