Friday, November 7, 2014

Balaw-Balaw Restaurant: Kultura ng Pagkain at Sining

  
Balaw-Balaw Restaurant

            Mayroong patok na restaurant sa bayan ng Rizal at ito ay ang Balaw-Balaw. Ito ay matatagpuan sa bayan ng Angono na kinikilala bilang Art Capital of the Philippines . Dahil na rin sa maraming mahuhusay na mga alagad ng sining  rito partikular na sa larangan ng pagpipinta. Ngunit hindi lamang sila may ‘taste’ kundi sa panlasa pagdating sa pagkain.

            Ang kahulugan ng salitang “balaw-balaw” ay pagkaing sawsawan ng sinigang na isda at gata sa burong hipon na may angkak na pula. Paborito itong sawsawan ng mga taga-Angono. Sadyang dinarayo ito ng mga taga-iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Minsan na rin itong nadalaw ng TV personality sa Estados Unidos na si Andrew Zimmern ng programang "Bizarre Foods"  nang magtungo ito sa bansa para maitampok sa kanyang programa.

          Naiiba ang restaurant na ito dahil mga exotic food ang kanilang iniaalok. Kabilang sa mga inihahain nila rito ay fried crickets, palaka, karne ng buwaya, uok, tamaro at kung anu-ano pang pagkain na bihira pa lang ang mga nakatitikim. Ngunit bukod dito ay naghahain din sila ng mga pagkaing tatak Pinoy gaya ng Sinigang, Lechong Kawali at iba pa. Nagpapatunay lang ito na napapahalagahan dito ang mga pagkaing katutubo sa atin.

        Ang Balaw-Balaw ay itinayo ng mag-asawang sina  Luzviminda at ng namayapang pintor na si Perdigon Vocalan noong Disyembre 1982. Si Perdigon ay isa sa mga kinikilalang pintor ng bayan ng Angono at nabansagang isa sa mga taga-pagmana ng pambansang alagad ng sining na si Carlos “Botong” Francisco dahil na rin sa kanyang husay sa pagpipinta. Minsan niya rin itong naging guro. Samantalang si Luzviminda naman ay dating guro sa eskuwelahan subali’t nang matatag ang kanilang restaurant ay huminto siya sa pagtuturo para ituon ang kanyang buong panahon dito.

           Masasabi talagang artistic ang Balaw-Balaw dahil sa disenyo pa lang ng lugar ay maganda na at makatawag-pansin. Bakit hindi? Dahil bukod sa isa itong kainan ay isa rin itong museum. Naka-display sa ground floor at second floor ng Balaw-Balaw ang mga obra ni Perdigon pati na rin ang iba pang gawa ng mga local artist sa Angono. Bukod sa makukulay na mga pinta ay mayroon din ditong mga naka-display na samu’t saring mga sculpture. Kaya’t kapag nandirito ka ay hindi lamang ang tiyan ang mabubusog kundi pati ang iyong mga mata.



No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...