Friday, October 31, 2014

Dark Tourism, Ano 'to?

               Mahilig ka bang magbiyahe o isa kang adbenturista? Siguro naman ay marami ka nang napuntahang magagandang lugar sa Pilipinas. Pero ngayon, may bagong uri ng pamamasyal na talaga namang kakaiba kaya’t dapat mo itong masubukan. Ito ang tinatawag na ‘dark tourism’. Hindi masama ang kahulugan nito, ito lang ay tumutukoy sa pagpasyal sa mga nakakatakot na lugar. Tama na muna ‘yang pagsakay sa mga horror ride sa mga karnabal. Naiiba talaga ‘to dahil ang pupuntahan ay mga weirdong lugar gaya ng haunted house, mga abandonadong simbahan at iba pa. Basta ‘yung tipong maninindig ang balahibo mo kapag nandun ka.


                 Sinasabing ang konsepto ng dark tourism ay nagmula sa Western countries. Mayroon lang nagdala nito sa Pilipinas para maranasan din naman sa atin ang ganitong klase ng adventure. Hindi lang ‘yung mga paranormal expert o ghost hunter ang nagpupunta sa ganitong uri ng mga lugar. Kahit sino ay pupuwede basta malakas lang ang loob.

                Sa bayan ng Cavite ay mayroon history professor na itinataon ang kanilang tour kapag malapit na ang araw ng mga patay para sa eksakto sa okayson, ‘ika nga. Pinupuntahan nila ang mga bayan sa Cavite na mayroong nakatatakot na mga kuwento. Hindi lang naman ito para manakot kundi para rin kapulutan ng aral o alamin ang kasaysayan sa likod ng lugar. Gaya na lamang ng lumang simbahan sa Marigondon na mayroon diumanong paring Kastila na pinugutan ng ulo ng mga paring Pilipino dahil na rin sa inggit nila rito. Inilibing nila ang bangkay ng paring pinugutan nila sa harapan mismo ng pintuan ng simbahan. Ayon sa katiwala ng nasabing simbahan at sa iba pang nakakita na sa paring pugot; talaga namang nahintakutan sila matapos nilang makita ang multo nito.

                Mayroon ding mga travel agency na nag-aalok na pumunta sa mga nakakatakot na lugar kabilang na nga rito ang haunted house. Siyempre, may kasamang espirit questor para maging safe ang mga bisita. Baka mamaya ay masapian na lang sila ng masamang espiritu tapos di nila alam ang kanilang gagawin. Take note, mayroon na rin park na idinesenyo para sa kakatatakutan. Noong 2013 ay itinayo sa bansa ang tinatawag na Scream Park na matatagpuan sa Maynila. Kapag bumisita ka rito ay hahabulin ka ng mga kunwa-kunwariang mga zombie. Siyempre, nakakasindak ang kanilang mga histsura.

            Ayos ang dark tourism, basta ba tandaan lang na kapag gusto mo itong masubukan kailangan ay wala kang sakit sa puso. Mahirap na at baka biglang atakehin. Imbes na mag-enjoy ay maghatid pa ito ng bangungot sa iyo. Mapapaaga ang pamamaalam mo sa mundo...


No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...