Araw-araw ka bang gumagamit ng shampoo kapag naliligo? Pero marami sa atin na ganito na ang naging kaugalian, sa pag-aakalang nakabubuti ang ganito sa kanilang mga buhok. Pero ang tao ay may iba’t ibang klase ng buhok at hindi nababagay para sa lahat ang araw-araw na pagsha-shampoo.
Karaniwang kapag nasobrahan sa paggamit ng shampoo ay nakakapagpa-dry hair-dahilan para magtayu-tayo at mag-fy away ang buhok. Bukod dito ay ginagawa ring dry ang ating anit at nawawala rin ang natural na kintab at kulay ng buhok. Kung minsan pa nga ay nagiging dahilan pa ito para lalo maging oily ang ating buhok at ang masaklap ay nagiging dahilan ito para magkalagas-lagas ang buhok. May mga tao ring paiba-iba ng gamit ng shampoo at hindi rin maganda ang nagiging epekto nito sa kanila. Ang dapat lang na gamitin ay kung saan hiyang ang iyong buhok.
Kung ikaw ‘yung tipo na masyadong oily ang buhok, dapat ka ngang gumamit ng shampoo araw-araw. Pero hindi nangangahulugan na dapat mong lagyan ng shampoo ang kabuuan ng iyong ulo. Dapat lang na tumutok sa bahagi ng anit na pinagmumulan ng maraming oil. Pero kahit pa masyadong ma-oily ang anit ay nawawala o nababawasan din ito sa sandaling humahaba na ang buhok.
Kung mayroon ka namang dry hair ay makabubuting huwag araw-arawin ang pagsha-shampoo dahil lalo lang itong magiging dry. Kahit pa ang shampoo na ginagamit ay yaong para sa dry hair, hindi rin ito maganda kung madalas na gagamitin. Kapag binawasan ang pagsha-shampoo mapapansing mas maganda at makintab ang iyong buhok dahil hindi ito expose sa detergent na taglay ng shampoo.
Ngunit may mga sitwasyon na kailangan ding gumamit ng shampoo ng madalas. Ito ay kung madalas kang magbabad sa swimming pool, mahalagang mahugasan ang chlorine dahil ito ay nakakapag-dry ng buhok at nakakapagpapahina din ng kulay ng buhok. Kapag ganito ang kaso, pumili ng shampoo na walang halong chemical sulfates. Ang mga kemikal na ito ang itinuturong responsible sa pagkakaroon ng hindi magandang epekto ng shampoo sa buhok. Kapag nagsha-shampoo ay huwag ding masyadong pakadamihan ang paglagay, dapat ay ‘yung katamtaman lang. May kasabihan nga tayo na ang lahat ng sobra ay nakasasama.
No comments:
Post a Comment