Ang Pasko ay itinuturing na pinakamasayang pagdiriwang sa buong taon. Lagi itong inaabangan ng lahat, lalo na ng mga bata, dahil ito ang tanging panahon na nakatatanggap sila ng mga regalo.
Maging tayo, noong ating kabataan, may isang persona na lagi nating inaabangan tuwing Pasko: ang pagdating ni Santa Claus. Nariyang sumusulat tayo ng mga bagay na gusto nating matanggap, at umaasang siya ay dadalaw at ibibigay ang ating mga hiling.
Minsan, naghihintay pa tayo ng hatinggabi at inaabangan ang kanyang pagdating, ngunit sa kabila ng matagal na paghihintay ay hindi man lamang natin nasilayan ang kanyang anino.
Ngunit pagsapit ng umaga, pagtingin natin sa mga medyas na nakasabit, magugulat na lang tayo sa ating makikita: mga kendi, tsokolate, pagkain, at mumunting laruan. Puno ng katuwaan, mapapasigaw tayo sa tuwa: “Yehey! Hindi ako nakalimutan ni Santa!”
Minsan naitatanong din natin,” Totoo bang may Santa Claus?” “Nakasakay ba talaga siya sa isang paragos na hila ng walong usa , na pinangungunahan ni Rudolph na may mapulang ilong?” “Totoo bang may dala siyang tsokolate galling sa North Pole?”
Ang maalamat na kuwento ng tagapagbigay ng regalong ito sa mga bata ay kilala bilang St. Nicholas, Niclaus, San Nicolaas, Sinter Klaas at ng huli ay naging Santa Claus. Ngayon ay kilala siya sa mundo sa iba’t ibang pangalan: Sa Canada, siya ay si Pere Noel o Father Christmas; sa France, Le Petit Noel; sa Germany, Christkindl o Christ child; Yule Man sa Denmark; sa England, Australia at South Africa, Father Christmas; sa Spain, Papa Noel; sa Italy, Babbo Natale; at sa China, Shen Dan Lao Ren o Christmas Old Man.
Si Santa Claus o St. Nicholas ay isang simbolo sa Pasko ng mga Amerikano. Siya ay kombinasyon ng mga tradisyong Europeo, partikular na sa Amsterdam . Ang mga early Dutch settler ang unang nagpakilala ng ideya ni Santa Claus. Ang kanyang pagkakakilanlan na snow, reindeer at North Pole ay may pinagmulang Scandinavian o Norse.
Sa America, ang kanyang pagdalaw (na pinapaniwalaang sa hatinggabi, kung saan bumababa siya sa tsiminea at nag-iiwan ng mga regalo habang tulog nag mga bata) ay mas nakikilala sa Pasko kaysa sa Araw ni San Nicholas, na ipinagdiriwang sa Europa tuwing Disyembre 6 bilang kanyang kapistahan.
Ayon sa lumang alamat, may nabuhay na isang totong Santa Claus na ipinanganak sa Parara, isang syudad ng Lycia . Ang kwento ni Santa Claus ng kasaysayan ay isang obispo ng Myra sa Asia Minor noong ikaapat na siglo.
Sa lahat ng mga Kristiyanong santo, si St. Nicholas ang pinaka-popular at iginagalang dahil na rin sa kanyang reputasyon ng pagiging mabait at mapagbigay. Sinasabing nagbigay siya ng tatlong bag ng ginto para sa dowry ng tatlong mahirap na magkakapatid na babae na ikakasal upang iligtas sila sa kahihiyan. Mula rito, si St. Nicholas ay kinilala bilang patron at bantay ng mga bata.
Si Santa Claus ay maaring isang alamat lamang para sa iba, o totoong tao para sa iba; ngunit ang kanyang mataba at masayahing pigura ay mananatiling naka-marka sa ating mga puso at isipan. Ang kanyang personalidad ay mabait, kakaiba, makulay, at mananatiling simbolo ng masayang pagbibigayan tuwing kapaskuhan.
No comments:
Post a Comment