Napakahalaga ng oras kaya’t dapat lang na ito ay pahalagahan lalo na pagdating sa trabaho. Pero bakit nga ba may mga tao na nagagahol sa oras? Simple lang ang kasagutan, dahil hindi sila gumamit ng time management. Narito ang ilang tips para ito ay maisagawa para mas lalo pang maging produktibo sa pagtratrabaho.
Gumising nang maaga at gawin na ang dapat gawin. Mas maganda kung kinagabihan pa lang ay inihanda na ang gagamiting kasuotan. Bawas abala rin ito dahil ‘di mo na kailangan pang magkalkal ng susuotin sa drawer.
Para ‘di ma-late sa trabaho ay i-adjust ng kaunti ang orasan. Kung alam na traffic dahil rush hour kinakailangang mas maagang umalis sa bahay. Mas mainam na rin ang ganito dahil mare-refresh mo ang iyong sarili bago magsimula sa trabaho. Kaysa mahuli ng dating at maging sentro pa ng usapan dahil na-late ka na naman. Alalahaning nakaaapekto ito sa iyong performance.
Ilista ang mga gawain para sa buong araw para maging organisado ang lahat. Iuna sa listahan ang pinakamahirap hanggang sa pinakamadali. Mas maganda kasi kapag ang inuuna ay mahirap na trabaho dahil puno ka pa ng enerhiya sa umaga. Kumpara sa hapon na medyo pagod ka na.Magtakda rin ng oras kung gaano ba katagal dapat na matapos ang isang trabaho. Sa pamamagitan nito ay masususkat mo pa kung gaano ka nga ba kabilis mag-trabaho. Walang problema kung mas maaga itong matapos kaysa itinakdang oras dahil mas marami ka pang magagawa.
Kung makikipag-appointment sa labas ng opisina ay itaon ito sa oras na wala kang deadline na kailangang tapusin. Maliban na lang kung mas dapat itong unahin. Dalhin na ang lahat ng bagay na kakailanganin tulad ng mhahalagang dokumento. Kung kayang tapusin ang transaksiyon sa isang appointment lang ay gawin ito para hindi na magpabalik-balik pa.
Importante rim na bilinan ang mga kasamahan sa bahay na huwag kang tatawagan sa opisina kung hindi lang ito emergency. Nang sa gayun ay hindi ka maabala sa iyong pagtratrabaho. Bukod dito ikaw mismo ang magdisiplina sa iyong sarili. Lagi dapat nakatuon ang iyong isip sa trabaho at hindi nagpapa-piteks-piteks lang lalo na’t marami pang trabaho na gagawin. Dahil kapag nagpabaya ay ikaw din ang matatambakan ng trabaho.
No comments:
Post a Comment