Monday, July 14, 2014

Mga Istilo sa Pagpili ng Business Name



  Wala ka pa bang naiisip na pangalan para sa iyong negosyo o produkto? Aba’y umpisahan mo ng mag-isip dahil  sa pangalan nakikilala ang isang produkto o serbisyo. Kahit maganda pa ang iyong produkto kung walang dating ay ‘di rin ito mapapansin. Pero ang tanong, anu-ano ba ang dapat isaalang-alang sa pagpili ng business name?

    Una, kapag pipili ka ng pangalan kinakailangang  maiksi lang ito at madaling bigkasin para madaling tandaan ng mga tao. Mahirap kasing kabisaduhin kapag mahaba dahil nakabubulol at nakalilito. Siyempre, dapat din ay 'yung something unique at wala pang kagaya. Hindi ‘yung karaniwan na lang katulad ng Nene’s Carenderia, Totoy’s Bar, Alex Café atbp. Wala namang masama sa paggamit ng pangalan mo kung gusto mo itong ikabit sa iyong negosyo. Kaso, pangkaraniwan na lang ito at isa pa maraming taong magkakapangalan.

    Mas okey kung medyo nakatutuwa ang pangalan. Kapag ganito kasi ay madaling mapansin at masasapul mo ang kuryusidad ng mga tao. Katulad na lamang ng mga nakita kong tindahan ng okoy na ang tawag ay “Okoy ni Kolokoy.” Meron ding tindahan ng footlong na ang pangalan ay “Lafangan ni Balong.” ‘Di ba’t medyo catchy? Pero kung gusto mo ng instant popularity ay mag-ispoof  ng mga pangalan ng kilala ng brand. Ito ang istilo ng iba para mai-associate sila sa mga kilala ng brand. Ihalimbawa natin ang Mang Donald na hinalaw sa Mc Donald. Kung mayroong Sony ay mayroon namang Suny. Pero hindi naman kinakailangang laging nakatatawa, ang importante ay maging bago ito sa pandinig ng iba.

    Kung gugustuhin mo naman ay puwede ring maging simple tulad ng isang barber shop na nakita ko minsan sa may Pasig City , na ang pangalan ay Anyo. Napakasimple at maiksi kaya’t madaling tandaan at very logical pa. Natural, kapag nasa barber shop ka ay ang magiging anyo mo ang  kanilang binabago sa pamamagitan ng paggugupit ng iyong buhok.

    Puwede rin namang pagsama-samahin ang pangalan ng inyong pamilya katulad ng sikat na tindahan ng handmade paper na Papemelroti. Basta’t gawin lang artistic ang pagrarambol ng una o hulihang pantig ng mga pangalan n’yo. Ibig sabihin, kapag pinagsasama n’yo ay maging tunog kakaiba ang mga ito. Ang kagandahan sa istilong ganito ay napapatibay  ang samahan ninyong magkakapamilya o magkakasosyo sa negosyo. Simbolo kasi ito ng pagsasanib-puwersa at maaari ring ihalintulad sa pagsasama ng pangalan ng mag-asawa sa kanilang bagong panganak na sanggol.

     Sa pagpili ng pangalan ay iwasan ang paggamit ng geographical name o pangalan ng inyong lugar sa iyong produkto. Dahil kapag lumipat na kayo ng lugar ay ‘di na ito uubra. Kung mahal mo ang inyong lugar ay maaari namang tatakan na ito’y gawa sa ganitong bayan. Ipaubaya na lang natin ang ganitong istilo sa mga taga-Pancit Malabon na kahit saang lugar ay mayroon silang tindahan. Bukod sa pancit ay mayroon na ring Goto ng Malabon na makikita rin kung saan-saan.

    Kapag marami ka ng naiisip na magandang pangalan ay isulat mo ito sa kapirasong papel at magsagawa ng survey sa iyong mga kakilala. Alamin ang kanilang pananaw kung alin ang pinakamagandang pangalan na swak sa kanilang panlasa. Halimbawa namang may napili ka nang pangalan ay mag-research ka dahil baka mayroon ng unang gumamit ng napili mo. Kapag ‘di mo kasi ito ginawa mapagbibintangang nanggaya ka lang at magkakaroon pa ng kalituhan sa mga kostumer. Puwede lang maging magkapareho ang inyong pangalan kung magkaibang produkto o serbisyo ang inyong iniaalok. Kapag siguradong wala kang kagayang pangalan ay iparehistro agad ito sa DTI para ‘di na makopya pa ng iba.

    Last not but the least, kapag may business name ka na, mahalaga na maging seryoso at dedicated ka sa papasukin mong negosyo. Hindi ito biru-biro ika nga. Dahil bukod sa pangalan, ang dedikasyon sa iyong negosyo ang pinakamahalaga sa lahat.
(Nalathala sa librong Diskarteng Pinoy, Psicom Publishing)

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...