Monday, July 14, 2014

Juan, Puwedeng Maging Stock Holder?



  Ang kinabukasan ay dapat na pinaghahandaan at hindi binabalewala dahil hindi sa lahat ng panahon ay mayroon tayong lakas para mag-trabaho.

            Ayon kay Dr. Francisco J. Colayco, isang financial expert at awtor ng best seller na librong, "Pera Mo, Palaguin Mo," 'di maghihirap ang isang tao kung marunong lang itong mag-invest ng kanyang kinikita. Ang pera na nanggaling sa pawis ay hindi dapat ginagastos sa mga bagay na ‘di kailangan o yaong kagustuhan lang natin. Ang dapat lang na gastusin para rito ay ang perang tutubuin mula sa iyong kinikita. Nasa iyo na ito kung paano mo gagawin. Maaaring ang kinita mo ay ipuhunan sa maliit na negosyo para magdagdagan ang pera mo. Binigyang diin ni Dr. Colayco na 80% ang dapat gastusin sa pangangailangan at 20% lamang para sa kagustuhan lang. Marami kasing mga tao na puro palabas lang ang ginagawa, walang papasok. Kumbaga, gastos ng gastos kahit walang katuturan ang pinagbibili. Kung ang mga ito lang daw ay ating iniipon eh di sana di ito nasasayang.

            Ipinapayo niya na ugaliing mag-ipon kahit 30 pesos lang sa isang araw depende kung kakayanin, pero mas maganda kung mas malaki pa rito. Ipagpalagay nang may isang libo ka sa loob ng isang buwan o dose mil sa isang taon. Iminumungkahi niyang bumili ng sapi o share sa stock market, ahensiya ng gobyerno o sa malalaking kumpanya. At hayaan lang na ang pera mo na roon ay lumago dahil kikita ito ng 105% kada taon lkumpara sa bangko na 1% lang. Siguradong ito ay palaki ng palaki basta tuloy-tuloy lang ang paghuhulog. Hindi naman diumano kailangan na maging milyonaryo ka para makabili ng sapi rito tulad ng inaakala ng iba. Ang hulog mo ay kasinlakas ding ng bilyong pondo na rito ay nakalagak. Huwag daw matatakot sa pagbabago ng inflation rate bawat taon dahil natural lang ito. Makalipas ang maraming taon, depende kung gaano katagal ang paghuhulog ay magugulat ka dahil aabot sa ilang milyong piso ang iyong pera, depende rin kung gaano kalaki ang inihulog. Samantalang kung susumahin lahat ay di hamak na malaki ang iyong tinubo kaysa inihulog.

            Marahil para sa iba ay napakatagal ng ganitong proseso para lumago nang husto ang iyong pera. Ngunit ito na rin ay para sa paghahanda ng iyong kinabukasan gaya ng kanyang ipinupunto. Kaysa nga naman walang pinuntahan ang pera mo na inaksaya lang para sa mga kagustuhan. Ayon nga kay Dr. Colayco, "The quickest way to get rich quick is to get rich...slow.
(Nalathala sa librong Diskarteng Pinoy, Psicom Publishing)

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...