Pasukan na naman at tiyak na
katakut-takot na gastos na naman ang mangyayari. Tuloy ay siguradong sumasakit
na ang ulo ng mga magulang dahil pilit na pinagkakasya ang badyet para sa
pag-aaral ng mga bata. Ang dami-daming kailangang bilhin, ang daming kailangang
bayaran. Narito ang ilang tips na makatutulong para kahit paano ay makatipid sa
gastusin.
Kung puwede pa namang gamitin ang mga lumang uniporme ay huwag munang
bumili ng bago. Basta ba ayusin ang paglalaba para maging maputi at hindi
magmukhang luma. Plantsahin lang palagi para maging kaaya-ayang tingnan. At
ipaala sa anak na maging maingat para huwag mamantsahan at masabit kung
saan-saan. Kahit pa ang bag basta puwede pang gamitin ay ipagamit pa rin sa
anak. Tahiin lang kung mayroon itong butas o palitan ng zipper kung sira na.
Ganundin pagdating sa sapatos basta’t walang pang butas at hindi pa naman
ngumanga ang suwelas ay huwag munang papalitan. Likas na sa mga bata ang
paghahangad ng mga bagong kagamitan. Kapag kinukulit ka nilang bumili ng bago
ay huwag maiinis bagkus ay ipaliwanag sa kanila ng maayos na kailangan ninyong
magtipid para na rin sa ikabubuti ng inyong pamilya.
Ang mga luma nilang mga notebook kung mayroon pa namang space ay
ipagamit pa rin sa mga bata. Maaaring balutan ito ng magandang disenyo para
magmukhang kakaiba at hindi halatang luma. Ipagbaon ng pagkain ang mga bata para
makatipid sa perang baon na ibibigay sa kanila. Kaysa naman panay ang bili nila
ng kung anu-ano. Makatitiyak ka pa na malinis ang kinakain nila dahil ikaw
mismo ang naghanda. Turuan din na maging masinip sa pera ang mga bata para
kapag mayroon silang gustong bilhin ay hindi na sila manghihingi pa sa iyo.
Huwag lang kalilimutan bigyan sila ng award kapag nagkakaroon sila ng
achievement sa paaralan para lalong ganahan sa pag-aaral.
Huwag ding itatapon ang mga lumang babasahin gaya ng diyaryo, magasin
atbp. Dahil magagamit pa nila ito para mapagkuhan nila ng impormasyon kapag
nagkaroon sila ng assignment man o project. Siyempre, itanim sa isipan ng bata
ang kahalagahan ng edukasyon dahil kung hindi niya ito pinagbuti bilang
magulang ay ikaw din ang mahihirapan. Mahirap yata kapag bumabagsak ang anak sa
isang subject dahil siguradong bibigyan ang anak ng special project para lang
makapasa. At ang pinakamasaklap ay kapag naging repeater ito. ‘Di ba’t doble
gastos pa?
No comments:
Post a Comment