Monday, June 2, 2014

Suportahan ang Hilig ng Mga Bata

            Ang bawat bata ay may kanya-kanyang sariling interes o hilig. Maaring nakuha niya ito dahil may nakaimpluwensiya sa kanya at maari rin namang kusa na lang itong umusbong.
Mahalagang maobserbahan ng mga magulang ang hilig ng anak para matukoy kung ano mang taglay nitong talento.

            Hindi dapat na ipinipilit ng magulang ang anak kung ano man ang gusto nitong ipagawa sa bata. Dahil lang sa ito ang nakikita sa ibang bata at gustong matulad dito ang anak. Dapat isa-isip na may kanya-kanyang kakayahan at katangian ang mga bata. Kapag ganun kasi ay maaaring mauwi lang ito sa pagkakaroon ng depresyon ng bata. Gagawin niya lang ito para mapagbigyan ang magulang. Ngunit hindi rin naman mapapagbuti ang ginagawa dahil sa kawalan na rin ng interes. Dapat tandaan ng mga magulang na ang  bata mismo ang nakaaalam kung ano ang gusto nilang pag-aralan.

            Imbes na pigilan ang bata sa hilig ay dapat itong suportahan ng magulang para madebelop nang husto ng bata ang kanyang talento. Halimbawa, kung hilig nito ang pagsasayaw, pagkanta, pagpipinta o kung ano pa man ay hikayatin pa ang bata na ituloy lang ang kanyang hilig. Lalo na’t kung nakikita naman na may angking husay ang bata sa kanyang kinahihiligan. Kung may sapat na pondo ay makabubuting i-enroll ang anak sa sa mga espesyal na paaralan na makatutulong para malinang ang kanyang talento.

            Lagi ding pupuruhin ang bata para mahikayat pa itong lalo na pagbutihin ang kanyang ginagawa. Ngunit hindi naman ‘yung tipong nang-uuto lang. Magbigay din ng suhestiyon o mga puntos para maging kapansin-pansin ang talento ng bata. Kung may napansin mang sablay sa ginagawa ng anak ay sabihin ito sa maayos na paraan para hindi ito panghinaan ng loob. Tandaang ang suporta sa anak ay dapat na magmula sa magulang at hindi sa ibang tao.


No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...