Monday, November 10, 2014

Sakay na sa Rent a Car Business

  Si Jing ay kasalukuyang nakatira sa General Santos City pero isinilang at lumaki sa Kiamba, South Cotabato. Kumuha siya ng kursong Fisheries pero isang sem lang ang inabot. Pagkatapos ay lumipat ng Computer Technician pero isang taon lang ang kanyang itinagal. Bago malinya sa negosyo na nagpapaupa ng sasakyan ay nagtrabaho muna siya sa isang malaking farm sa may Polomolok sa loob ng limang taon. Doon niya natutunan ang pagmamaneho. Matapos umalis sa farm ay bumalik siya ng Kiamba para mamasada ng van na ang ruta ay Gensan-Kiamba. May labindalawang taon din siyang namasada bago mapasok sa rent a car.

    Kung ikukumpara ni Jing ang kanyang trabaho noon sa ngayon ay mas hirap siya dati. Dati kasi ay gumigising siya ng alas kuwatro ng madaling araw tapos makakauwi na siya ng bahay ng alas-sais o alas siyete ng gabi. Apat na balikan ang kanyang biyahe. Kaya mas pagod siya kumpara sa ngayon na medyo nakakapagpahinga siya. Hindi na niya kailangan pang pumick up ng pasahero sa kalye tulad noon. Isa pa mas nalilibang siya, “Mas maganda kasi sakay mo ang mga celebrities, mga official, business people o malalaking tao. Masaya sa rent a car.”

    Ilan lang sa ipinagmamaneho niya ay mga taga-ABS CBN at PNP. Kung sinu-sino na ang mga bigating personalidad na ang kanyang naisakay. Kagaya nina Sen. Nene Pimentel, Sen. Bong Revilla, Rep. Lani Mercado, Philip Salvador, Black Jack, Gabby Concepcion at iba pa. Ang maganda kapag artista ang kliyente, sinusundo niya ng umaga sa airport tapos sa gabi pa ang show kaya tinatawagan na lang siya ng mga ito.

    Hindi siya ang may-ari ng van na kanyang minamaneho, pero siya ang namamahala rito kaya’t parang sa kanya na rin. Naka-direkta kasi sa kanya ang mga kliyente. Marami na siyang mga naging suki kaya’t establisado na siya. Sa tingin niya ay maganda ang kanyang serbisyo kaya’t iminumungkahi siya sa iba. Madalas ay hindi siya nababakante dahil sa dami ng kumukuha sa kanyang serbisyo. Kapag nagkasabay-sabay ay tumatawag siya ng kaibigang drayber. Kahit out of town ay puwede siyang magbiyahe gaya ng Cagayan, Butuan, Surigao at iba pa. Pagdating sa bayaran ay porsiyentuhan ang sistema.

    Ang importante lang naman sa ganitong negosyo, kailangan ay maging ma-PR. Maging magalang sa lahat ng oras. Huwag kalilimutang magsabi lagi ng ma’am at sir. Huwag na huwag magpakita ng ‘di maganda gaya ng paninigarilyo at huwag magmamaneho nang nakainom ng alak. Panatilihin ding malinis lagi ang sasakyan. “Huwag malikot ang kamay, smooth lang magpatakbo. Bilisan lang ‘pag nirequest ng kliyente,” dagdag pa niya. Kailangan din ay alam mo ang pasikut-pasikot sa lugar na pupuntahan ng kliyente. Lahat ng kainan at hotel dapat ay alam mo. Kumpleto na, kailangan may number ka na sa kanila. Siyempre, alam mo dapat ang kasaysayan ng lugar kung saan ka nagbibiyahe. Kagaya niya alam niya  ang background ng General Santos City, ang tawag dito dati ay Dadiangas.

    Ipinagmamalaki ni Jing ang Gensan dahil maganda itong pasyalan ng mga turista. Unang-una  kilala ito na Capital Tuna of the Philippines. Marami rin ditong mga prutas. Dito nakatira ang 8th time division na si Mannny Pacquiao. Ito rin ang bayan nina Shamcey Supsup, Gerald Anderson at iba pa. Maganda ring puntahan ang Lake Cebu Zip Line at zip line sa Fifth Mountain of Balakayo.


     Kapag kinuha ninyo si Jing ang una niyang tinitiyak ang kaligtasan ng kanyang pasahero. Idagdag pa rito ang pagiging kumportable dahil talaga namang malinis at maganda ang kanyang sasakyan. Saka ‘di na sila mahihirapan dahil alam na ng drayber ang pupuntahan. Mararamdaman mo talaga na isa kang VIP. Kapag nagawi ng Gensan, maaari siyang kontakin sa 0917-373-8588 at 0919-500-8805.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...