Ang siomai ay patok sa ating mga Pinoy dahil sa mura lang at talaga namang malinamnam ang lasa. Marami ring timpla ang pagpipilian. Dahil sa patok ay ito ang negosyong napiling pasukin ni Jai Esturco ng Mandaluyong City. Hindi naman siya nagkamali sa kanyang desisyon dahil sa konting panahon lang ay naging matatag na ang kanyang negosyo na pinangalan niyang SIOMAILICIOUS. Pangalan pa lang aba’y nakakatakam na.
Ang kanyang nakababatang kapatid ang unang nagtinda ng siomai. Sumunod dito ay ang nakatatanda nilang kapatid. Parehong may computer shop ang dalawa niyang kapatid. Ang tindahan nila ng siomai ay ipinupuwesto lang nila sa harapan ng kanilang shop. Nakita niya na kumikita ang tindahan ng kanyang mga kapatid. Ang una ay nag-a-average ng 5-8 kilos kada araw samantalang ang isa ay nasa 10-15 kilos naman ang nauubos. Sa palamig pa lang ay nababawi na ng mga ito ang kanilang puhunan.
Pero hindi muna siya basta-basta pumasok sa pagsu-siomai. Pinag-aralan muna niya itong mabuti. Humahango lang ng siomai ang kanyang mga kapatid kaya’t naisipan niya na ano kaya kung sila na rin ang gumawa ng sariling siomai para makatipid sila. Pero inabot ng limang buwan bago magkaroon ng katuparan ang gawaan ng siomai na kanyang naisip. Namuhunan sila ng 150 thousand para sa mga kakailanganin sa paggawa ng siomai.
Dating construction worker sa Japan si Jai at minsan din siyang naging magbababoy. Marunong siya gumawa ng mga processed food. May karenderia rin siya dati at may tindahan pa ng baboy sa palengke. Nahinto siya sa negosyo niyang ito dahil tumindi ang kumpetinsya sa palengke na kanyang pinagtitindahan. Kaya nag-aral siya ng photography para maging isang professional photographer. “Yung pagsu-siomai naman natutunan ko ‘yan sa tiyahin namin. Siya ang unang nagtimpla ng siomai sa lugar namin, sa Calentong, Mandaluyong. Inupgrade ko na lang. ” aniya.
May bahay sa Talayan, Quezon City ang isa niyang kapatid at kumuha sila rito ng maliit na puwesto para sa kanilang pagawaan. Nagtitimpla sila ngayon, tapos bukas ay wala. Ang kanyang mga kapatid lang naman kasi ang kumukuha. Nagsimula lang sila sa 35 kilos. Sa sampung kilo, ang nabubuo nila ay nasa 480 piraso ng siomai. Kung kukuwentahin ay nakakagawa sila ng 1,700 na siomai kada araw. Makaraan lang ng dalawang linggo ay may umuorder na sa kanila. Kaya nagdagdag na sila ng kung ilang kilo para mapunan ang mga order sa kanila.
Sabi ni Jai ay madali lang namang gawin ng siomai. Ang kakailanganin mo lang ay laman ng baboy, extender, accord, bread crams, sibuyas at carots. Kailangan din ng condiments at konting preservatives. Lalamasin mo lang ang giniling at ihahalo mo. Balutin lang ng mono wrapper at i-steam, presto may siomai ka na! Pero siyempre, importante ang pagtimpla ng condiments dahil ito ang nagpapasarap sa siomai. Sa obserbasyon niya kaya mahilig sa siomai ang mga Pinoy dahil mura nga lang ito. Pero naniniwala siya na kahit mura dapat ay may quality. Isa pa kahit anumang panahon binabagayan ng siomai. Mainam na pampalipas gutom. Puwedeng may kanin at puwede ring wala. Puwede pang gawing pulutan.
Sa ngayon ay may limang puwesto ng tindahan ng siomai si Jai. Nag-a-average siya ng 30 hanggang 40 kilo kada araw. May puwestong malakas at may puwesto ring mahina. Para sa kanya ay maganda ang negosyong ito. Sabi niya, “Napakaliit ng capital dito. Mas mabilis bumalik ang pera ikumpara mo sa malaki na matagal ang return of investment.” Kapag ‘di ka kumita sa puwesto mo ay puwedeng lumipat lang ng ibang puwesto. Dapat ay sa mataong lugar puwesto. Mas maganda kung sa terminal, palengke at eskuwelahan.
Freelance photographer si Jai kaya’t di sa lahat ng oras ay nasa pagawaan siya at nakakaikot sa kanyang mga tindahan. Pero may sistema siyang sinusunod. Sa tindahan niya, mayroon siyang runner na taga-dala ng lahat ng kailangan sa mga puwesto niya. Meron din siyang taga-bilang ng mga napagbentahan. Madali lang itong i-audit dahil per piraso ang siomai at per cup ang palamig. Kapag may problema ay nagti-text lang ang kanyang mga tauhan. Sa gawaan naman, salitan ang kanyang dalawang kapatid sa pamamahala rito. Kapag may problema ay tinatawagan siya ng mga ito.
Hindi nagpapa-franchise si Jai. Pero kapag kumuha ka sa kanya ng paninda ay puwede ka niyang gawan ng foodcart sa halagang 15 thousand. May kasama na itong sampung kilo ng siomai at tuturuan ka pa niya kung paano gumawa ng condiments. Kapag magtatanong ka sa kanya ay mas gusto niya ang negatibong aspeto. Ang lagi kasing iniisip ng mga tao ay positibo agad. Gayung mas magandang pag-aralan muna ang mga negatibong bagay para makaiwas sa panganib ng papasuking negosyo. Natutuwa siya dahil marami agad ang nagtitiwala sa Siomailicios. May mga humango sa kanila na may puwesto sa Pasig, San Juan, Antipolo at kung saan-saan pa. “Wala pang kumukuha sa amin na huminto magtinda. Maganda naman ang resulta dahil lumalakas ang order nila,” nakangiting sabi niya.
May payo si Jai sa mga gustong pasukin ang pagnenegosyo ng siomai. Kung gusto mong umasenso tutukan mo ang iyong negosyo. Huwag mong iaasa sa mga tao. Kailangan asikasuhing mabuti ito at laging bisitahin. Maging praktikal din, huwag ibubuhos ang lahat ng puhunan. Para kung sakali mang bumagsak ay hindi ka masisilat. “Una, mag-retail ka. Pangalawa, pwede ka ng mag-wholesale at the same time kumita ka ng konti,” pangungumbinse niya.
Ibinahagi rin ni Jai ang isa sa ideya niya. Ayon sa kanya, kahit pa ang mga may full time na trabaho ay puwedeng pumasok sa ganitong uri ng negosyo. Puwedeng kumausap ng may-ari ng bahay na naiisip mong puwedeng paglagyan ng iyong produkto. Alukin ang mga ito na magtinda sila at makakakuha sila ng para ka na ring empleyado sa isang kumpanya na nabawas na ang dapat sa iyong mabawas. “Halimbawa, sasabihin mo na pasasahurin kita ng 1,500 a month. Tapos kada kilo ng siomai na maubos, may 20 pesos ka pa. Kung makakasampung kilo s’ya may 250 pesos a day siya. Para ring ahente, the more na nagsisipag ka lumalaki rin ang incentive mo,” paliwanag niya.
No comments:
Post a Comment