Monday, November 10, 2014

Ang Mga Tagapagligtas



"Ngiiyaww! Ngiiyaww!,” nanginginig na boses at pagsusumamo ng kuting na payat na nahulog sa mataas na kanal. Maraming nagdaraang mga tao pero wala man lang pumapansin sa nilalang na ito. Kasalanan ba niya kung nahulog siya sa mataas na kanal? Sukat bang mahulog na lang siya roon. Pero 'di naman siguro ginusto ng pusa na mahulog sa kanal. Saka wala namang konsepto ng katangahan sa mga pusa. 'Di ko alam kung naligaw lang ba ang pusang ito. Kung mayroon pa man siyang ina marahil ay hinahanap na siya nito. Pero baka naman itinapon lang siya ng kanyang amo dahil marami ng pusa sa bahay nila. Ah, alam ko na pusang gala yata 'to! Kung tutuusin nga naman mahirap mag-alaga ng pusa dahil kapag hindi nasanay tumae sa labas ay sa loob ito ng bahay dudumi. 'Di ba't nakakaasar? Tulad na lang ng nanay ko na mahilig mag-alaga ng pusa. Kahit namimerwisyo na eh ay 'di pa rin magawang itapon ang mga pusa namin. Palibhasa ay maawain sa mga hayop. Kapag tumatae sa loob ng bahay ang mga pusa namin maiinis lang 'yun. Pero kapag sinabi kong,"Ipagtatapon n'yo na kasi ang mga pusa 'yan.” Tatahimik na lang ito tapos dadakutin na ang tae ng mga pusa tapos parang walang nangyari. Tulad ni Mathama Gandhi, naniniwala kasi ang nanay ko na kapag malupit ka sa hayop ay ganito rin ang pagturing mo sa iyong kapwa.

Kawawang kuting wala man lang pumapansin sa kanya. Malapit lang kasi sa mall ang kanal na kinalaglagan ng pusa. Natural baka maputikan nga naman sila. Ano nga ba naman ang mapapala nila sa pagliligtas ng pusa? Hindi naman sila mabibigyan ng pabuya nito. Hindi nito masasabi,"Salamat sa pagliligtas sa buhay ko, ito ang sampung libo tanggapin mo.”  Ni hindi rin sila maibabalita sa radyo, telibisyon at dyaryo. " Isang lalake ang walang takot na marumihan at bumaba sa mataas na kanal para iligtas ang isang kahabag-habag na kuting. Ang pangalan po ng bayaning ito ay si...” Pero kapag ang hayop ang nagligtas sa amo nito ay siguradong maibabalita ito. Saka mahirap nga naman ang maging bayani sa panahong ito. Tulad na lamang ng mga OFW na sinasabing bagong bayani dahil sila ang nagsasalba sa ating ekonomiya sa pamamagitan ng ipinapadala nilang dolyar. Pero hanggang doon lang 'yun dahil sa totoo lang ang kawalan ng opurtinidad ang nagtutulak sa kanila para magtrabaho sa ibang bansa. 'Di ba't gobyerno mismo ang nang-eengganyo at nagsasabing maraming inaalok na trabaho sa ating bansa? Kasi dito nga naman sa atin ay kulang na kulang.

Halos mawalan na ng resistensya ang pusa pero pilit pa rin siyang lumalaban.Pilit niyang ikinakampay ang kanyang mga paa sa putikan para 'di tuluyang malunod sa tubig na puro putik. Mahirap mamatay na ang laman ng sistema ng katawan mo ay puro putik. Parang 'yung mga sinalvage na ibinaon na lang sa putikan. Whew! Parang tao rin pala ang pusa pilit na lumalaban sa panahong halos mamatay na siya dahil sa hirap na nararanasan. Pero iba siya, ayaw niyang ibaon sa putik ang kanyang sarili. 'Di tulad ng ibang tao na tuwang-tuwang habang nagbababad sa putikan! Ngiyaw pa rin siya ng ngiyaw. Kumbaga, ilang bulate na lang ang 'di pa pumipirma siguradong kakalawitin na siya ni Kamatayan.

Pero sa gitna ng depresyon at oras ng pangangailangan ay biglang may dumating na super hero! 'Di lang iisa kundi tatlo. Tatlong kaluluwang nakahandang sumagupa sa panganib mailigtas lang ang kawawang nilalang! Wala silang espesyal na kapangyarihan. 'Di tulad ng mga super hero na likha lang ng guni-guni. Pero ito ang astig dahil totoo silang mga tao. Wala silang espesyal na kasuotan, mga nakayapak nga lang at marurumi pa ang kasuotan. Paano ito hindi mangyayari eh sila ay mga batang kalye o batang palaboy. " Dalian n'yo tulungan natin ang pusa,kawawa naman!,” sigaw ng isa sa kanila. Hindi na sila nag-aksaya ng panahon. Dali-dali silang kumilos. Napagkasunduan nilang isa ang bababa sa kanila para abutin ang pusa. Makapigil hininga ang sumunod na mga eksena. Kumapit nang husto ang batang aabot sa pusa.Ganun din ang ginawa ng isa kumapit din sa isa, mahigpit na mahigpit. Ang tingin ko sa kanila ng sandaling yaon ay para silang mga lubid na pinagkabit-kabit. 'Di puwedeng maputol ang isa dahil siguradong may sasamain. Pero ang kakatwa napapailing lang ang mga taong dumadaan at nakakakita sa kanila. Samantalang ang iba ay natatawa lang kasi halos mahubuan na ang isa sa kanila habang nakakapit sa kasamahan. Pero alam ko hindi 'yun ang iniilingan at pinagtatawanan nila kundi ang pagbibigay ng pansin ng mga ito sa pusa. Nakatatawa pala ang tumulog sa hayop. Kunsabagay, pati ang pagtulong sa kapwa tao ngayon ay pinagtatawanan lang iba, hayop pa kaya?

Ang mga batang ito na nangangailangan din ng mga taga-pagligtas ay nagawa pang magligtas? Kailangan silang iligtas sa panganib ng lansangan, masamang impluwensiya at kawalan ng kinabukasan. Marahil ay naiuugnay ng mga batang ito ang kanilang sarili sa pusang payat? Tulad ng pusang 'yun halos walang pumapansin sa kanila. 'Di ba't madalas ay kinaiinisan lang sila at iniingus-ingusan ng iba? Kung dungis lang ang pag-uusapan ay walang dudang madungis rin sila. Pare-pareho lang silang mga gala. Kaya't ano'ng pinagkaiba ng pusang gala at mga batang gala? Walang ibang magdadamayan kundi ang nakakaunawa sa isa't isa dahil pareho sila ng kalagayan.

Sayang at wala akong dalang kamera o cellphone na may video para nakuhanan ko man lang ang nasaksihan ko. Eh 'di sana ay may ilalagay ako sa You Tube para maraming taong makapanuod ng kanilang kabayanihan. Pero ayos lang, nagmarka naman sa isip ko ang tagpong ito. Kumbaga sa kuwento ito ay lantay, kasing lantay ng puso ng mga batang ito. Naramdaman ko na lang na may kalmot pala ng pusa sa aking gunita.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...