Monday, November 10, 2014

Biyaheng Bente



Sa buhay natin ay minsan lang tayong makakatagpo ng tunay na kaibigan, 'yun bang hindi mo malilimutan kahit magkalayo man kayo.

Siya si Cornelio, naging kaklase ko noong haiskul. Masiyahin siyang tao at palaging nakatawa kaya naman masaya siyang kasama. Magaling din siyang makisama, para sa kaibigan kahit ano game siya. Paano kami ‘di magkakasundo eh pareho kaming maloko. Maraming inuman na rin kaming pinagdaanan. Andun 'yung isinama ko siya sa inuman ng mga barkada ko. Kung iwanan sa ere ang pag-uusapan hindi marunong mang-iwan sa ere si Cornelio.

Naalala ko pa nung minsang nagulpi ako sa paaralan namin. Nagkataong wala ang mga kadikit ko at wala rin si Cornelio. Biyernes kasi 'yun, alam n'yo naman na kapag Friday uso ang tinatawag na Friday sickness. Kaya't ayon nabugbog ako ng tatlong katao with free pukpok ng hollow block sa likod ko. Pero kahit nagulpi ako nakasuntok naman ako sa kanila. Walandyo dati ko pang kaklase ang tumalo sa akin, samantalang noong hindi pa siya humihinto ng pag-aaral ay nangongopya lang siya sa akin 'pag may quiz. Nayabangan yata bigla sa akin dahil pormang metal ako nun(me-taliling). Sadya yatang ang mayabang ay galit sa kapwa mayabang, ha ha ha. Pero 'di naman talaga ako mayabang, sa porma lang. 'Yun kasi ang panahon kung saan naghahanap ka ng sariling pagkakakilanlan.

Kina-Lunesan pumasok na si Cornelio. Mainit pa rin ako sa mga mata ng nambugbog sa akin. Paano 'di iinit eh dinala ko ang mga barkada ko nung araw na 'yun. Sayang hindi sila nagpakita, eh ang mga 'yun pa naman lumalaban ng sabayan. Oo kahit tagaan lumalaban ang mga 'yun, promise! Kaya't kinabukasan nila uli ako inabangan pero malakas ang loob ko dahil andun na ang mga kaibigan ko na may tapang, kasama na si Cornelio. At ang mga ayaw madamay ay nauna nang umuwi. Naglalakad ako nang biglang may sumuntok sa batok ko. Pero nasapak ko ang loko. May susugod pa sanang isa kaso sinapak ni Cornelio kaya't may sumapak din sa kanya. Salamat na lang at may mga barangay tanod na dumating. Nung ginugulpi ako hindi sila nagsipagdating. Pero salamat na rin at dumating sila kaya't sapak lang ang natikman ko at hindi na bugbog. Pero ayon nga sa gawa-gawa kong kasabihan, "'Di baleng gulpihin, h'wag lang papatayin.”  Kasi 'pag pinatay ka 'di ka na makagaganti. Sa barangay na kami pinagharap-harap at pilit pinagkasundo kaming magkabilang-panig. Wala akong magawa kundi ang pumayag para na rin sa katahimikan ko. Baka sumakit na naman ang katawan ko kapag nagulpi uli ako. Pinagkamay kaming dalawa ng dati kong kaklase, mahigpit ang pagkakakapit namin sa kamay ng isa't isa. Hindi dahil sa nababading kami sa isa't isa o dahil mainit ang pagtanggap namin sa pakikipag-kasundo. Kundi gusto lang naming iparamdam na asar na asar pa rin kaming pareho. Pero pagkatapos nun hindi na nanggulo ang mga loko. Baka ayaw nang mahampas ng alpombra sa mukha ng barangay tanod na tiyo pala ni Cornelio.

Marami pa kaming pinagdaanan ni Cornelio. Noong dumalo kami ng party sa ibang eskuwelahan. Siyempre tulad ng dati, dye-jeprox-jeprox na naman ang porma ko. Nagkataon ba o sinadya na may nakabangga ang isa naming kasamahan na nagpulis-pulisan at nagpakita pa ng tsapa-tsapahan. Nayabangan kasi siya sa pagsasayaw ng mga ito at naki-pag-show down pa na akala mo'y Abstract Dancers o Manuevers. Kaya't ang resulta naging mainit ang grupo namin sa grupo nila. Pero nang mag-uwian ay nagkahiwa-hiwalay kami dahil sa dami ng tao. Mukhang minamalas kami na lang ni Cornelio ang naiwan at ang isang kasama namin na babae. Papasakay na kami ng dyip nang biglang may sumapak sa akin. Blag! Plakda ako, ang lakas ng suntok, ala-Manny Pacquaio. Susugurin ko sana kahit alam kong marami itong kasamahan. Buti na lang hinila ako ng kasama naming babae kaya nagpaawat ako. Saka nagmamatapang lang naman ako para bumilib ang kasama naming babae. Nasarapan din ako sa paraan ng pagkakahila niya kaya akyat na rin ako sa dyip. Nang nasa loob na kami ng dyip may pahabol pang suntok sa mukha ko! Ambagal kasing magpaandar ni Manong. Kaya't gumitna na lang kami sa loob ng dyip para 'di na ako makanti. Pero bago 'yun may pumaso pa ng sigarilyo sa akin. Tandang-tanda ko pa kung ano'ng brand ang ipinaso sa braso ko. Marlboro 'yun kaya't mula noon ay 'di na ako nangyoyosi ng kulay pula. Ayoko na ng Marlboloks! Blue seal na lang, joke lang pang-sosyal lang 'yun samantalang ako kahit Balasang nun niyoyosi ko. Ako lang naman talaga ang pinag-initan nila dahil si Cornelio ni pitik ay 'di nila pinatikim. Pero bibib ako sa kanya dahil 'di na naman niya ako iniwan sa ere.

Matalik talaga kaming magkaibigan ni Cornelio kaya't noong nagtayo siya ng grupo(frat-fratan) at meron din kaming grupo(sini-Gang) sa lugar namin ay nagsanib puwersa kami. Pero 'di nagtagal sa 'di malamang dahilan ay itinawalag nila si Cornelio samantalang siya ang nagtatag nun. Baka nagkaagawan ng posisyon sa pagka-presidente; parang pulitika rin no? Eh, may kasunduan pa naman ang magkabilang grupo na ang sinumang itiwalag ay hindi na namin ituturing na kasangga. Siyempre, mabigat sa loob ko ang ganun dahil marami na kaming pinagsamahan. Pero walang nagbago sa amin ni Cornelio kahit bihira na lang kaming magkausap. Dumating ang oras na nag-away si Cornelio at isa sa mga dati niyang ka-grupo. Basagan lang naman ng nguso. Gusto ko sana silang awatin man lang pero 'di ko magawa dahil sa letseng kasunduan na 'yun. Isa pa, alam ko namang kayang-kayang niyang makipagsuntukan. At may usapan namang walang makikialam, ang makialam panget! One on one lang talaga sila. Hindi ko na alam kung paano natapos ang labanan nila. Nakita ko na silang silang dalawa na parehong may dugo sa mukha. Ikaw ba naman ang makipagsuntukan ng matagal, hindi ka maduduguan? Pakiramdam ko para rin akong sinusuntok ng mga oras na 'yun, masakit isiping walang akong nagawa para matulungan si Cornelio kahit man lang taga-cheer. Dahil magagalit sa akin ang mga ka-grupo ko at kabatak at sabihan nila akong balimbing. Eh, totoo naman.

Noong minsan namang may nag-trip uli sa akin ay walang nagawa ang mga itinuturing naming mga kabatak. Siguro ayaw nilang makatalo ang mga kalugar nila. Samantalang kapag dumadayo sila sa lugar namin todo protekta kami sa kanila. Kahit kalugar katalo namin 'pag may umaway sa kanila. Nanumbat ba? Kaya't matapos akong mabendisyunan ng maraming suntok ay nagmagandang loob naman sila na itakas ako. Pinadaan nila ako sa damuhan, sa may bakanteng lote na mayroon pang guwardiya. Pero 'di ako nakita ng guwardiya, sunga-sunga kung kalaban niya lang ako nadale ko na siya dahil 'di man lang niya naramdaman na may gumagapang na tao sa damuhan. ‘Yun bang ala-gorilya type este gerilya type pala. Nang magkita uli kami ni Cornelio, sinabi niyang alam pala niya ang nangyari sa akin. Pilit niya raw akong inaarbor sa mga gumulpi sa akin na mga kapitbahay pa man din niya pero 'di siya pinakinggan. At least nag-effort siya para iligtas ako sa gulpi at sa loob-loob ko ay nagpapasalamat din ako sa kanya dahil iniisip pa rin niya ang kabutihan ko. Ganun nga siguro kapag tunay ang kaibigan.

Lumipas pa ang panahon, pareho ng buwag ang dalawang grupo, pero ang samahan namin ni Cornelio ay 'di pa rin nabubuwag. Isang araw nagkakuwentuhan kami at ibinahagi niya sa akin na gusto na raw niyang lumagay sa tahimik. Sabi ko sa kanya, ang bata-bata pa niya para mag-asawa. Pero wala akong magagawa kung ayon ang gusto niya. Kung saan siya masaya, masaya na rin ako. Makikiabay na lang kung saka-sakali. Malapit na rin ang kaarawan niya kaya't inimbitahan niya ako na pumunta sa kanila. Kaya noong b-day niya kahit wala akong dalang regalo ay pumunta pa rin ako. Saka 'di naman uso ang bigayan ng regalo ng lalake sa kapwa lalake, sa babae puwede pa. Kahit na marami siyang bisita ay inasikaso pa rin niya ako nang husto na para bang espesyal na bisita. Eh, ako na lang naman ito. Bente anyos na si Cornelio noong b-day niyang ‘yun, kumbaga nasa kasibulan pa rin.

Nang muli kaming magkita humiram ako ng bente pesos sa kanya. Kulang kasi ang dala kong pamasahe ko papunta sa nililigawan. Ayaw ko namang mag-123. 'Yan kasi ang hirap sa akin, nanliligaw kahit wala namang kapera-pera. Dito siguro pumapasok ang kasibihang, "Para sa minamahal lahat ay handa kang gawin.” Oo, lahat gagawin mo kahit ipangutang mo pa masunod lang ang pag-ibig na pururot. Pagkatapos nun ilang beses uli kaming nagkita ni Cornelio pero 'di ko man lang siya mabayaran. Bente na nga lang 'di pa mabayaran! 'Di ko alam kung naaalala pa niya 'yun kasi 'di man lang niya sinisingil. Samantalang ang iba kapag may utang sa akin kahit piso parang 'di ako makapagtulog. Pero gusto ko talaga siyang bayaran, lagi lang talaga akong walang pera. Hay, ang hirap talagang maging purdoy laging walang pera. Buti pa ang pulubi kahit papaano may hawak lagi na pera.

'Di ko na namalayan pa ang mga sumunod na pangyayari dahil sa bilis ng mga araw. Isang umaga, nabalitaan ko na lang na patay na raw si Cornelio kayat dali-dali akong nagpunta sa burol niya. Sinilip ko ang bangkay niya, wala na ang dating ngiti na nakasilay sa kanyang mga labi. Dahil nakaumbok na ang kanyang pisngi, palatandaang malapit na itong maagnas. Umupo na lang ako malapit sa kabaong ni Cornelio at ninamnam ang bawat sandali dahil ito na ang huling pagsasama namin. Biglang nag-flash back na parang pelikula ang mga masasaya kong alaala sa kanya. Ayon sa sabi-sabi ng mga nanduon sa burol, binangungot daw si Cornelio. Mayroon ding nagsasabing naglason ito matapos tanggihan ng kanyang gf ang alok niyang kasal. Pero 'di ganun ang pagkakakilala ko sa kanya. Hindi siya mababaw na dahil lang doon ay kikitlin niya ang sarili niyang buhay. Saka kung ayaw pa naman ng babaeng pakasal ay makapaghihintay siya dahil mahal naman niya ito. Maliban na lang kung may iba ng mahal ang kanyang nobya. Kung anu-ano na lang ang naglalaro sa isipan ko ng mga sandaling yaon. Mayroon pa ngang nagsasabi na nilason daw si Cornelio ng isa sa kanyang mga kainuman. Kung ito man ang totoo dapat na lasunin din kung sino man 'yun! Pero piniling tumahimik na lang ng pamilya ni Cornelio, siguro para na rin sa kanilang katahimikan. Anumang dahilan ng kanyang kamatayan ay siya na lamang ang nakakaalam. Dumukot ako ng pera sa bulsa ko. Bente pesos na buo ang nabunot ko. 'Yun lang kasi ang pera ko, 'di kasama ang pamasahe. Para tuloy akong maiiyak, pero salamat na rin at bayad na ako sa utang ko sa kanya. Maiksi lang ang naging biyahe niya sa mundo pero wala akong magagawa hanggang doon na lang siguro siya. Ako, gaano man katagal ang ibibiyahe ko pa sa mundong ito angkas-angkas ko pa rin ang alaala niya. Basta ang alam ko naging tunay siyang kaibigan sa akin kahit minsan ay nagkaroon ng lamat ang aming samahan…

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...