Bata pa lang ako noong una kong nakita si Mang Ben na may akay-akay na aso. Siyempre, nakatali ito at mistulang ang tali ang nag-uugnay sa kanya at sa kanyang alaga. Hindi ko nga lang alam kung ano ang eksaktong edad niya basta’t puro uban na ang buhok niya ngayon. May katangkaran siya, kayumanggi at medyo payat ang pangangatawan.
Hindi pangkaraniwang dog lover si Mang Ben dahil isa siyang isip-bata. Pero ang tingin sa kanya ng iba ay loko-loko o sira-ulo. Kung ano man ang iniisip sa kanya ng tao ay siguradong hindi n’ya ‘yun naiintindihan. Basta’t para sa kanya ay maligaya siya sa piling ng itinuturing niyang kaibigan. Kung mayroon nga lang award bilang loyalty award sa mga aso tiyak na mangunguna sa listahan ang pangalang “Ben.” Siya ang larawan ng kasabihan na ang aso ay “man’s best friend.” Bakit hindi? Eh, mula noon hanggang ngayon ay nananatiling ito ang lagi niyang kasa-kasama.
Sa dami na ng taong nagdaan buhat nang una kong nakita si Mang Ben ay iba’t ibang klase na ng aso ang kanyang naging kasama. Mayroong kulay orange, brown, puti at itim. Mayroong malulusog, katamtaman ang pangangatawan at mayroon ding payat. Natatawa nga ako sa kanya dati nang makita ko siyang may akay-akay na asong sobrang payat tapos para pang hirap sa paglalakad dahil iika-ika pa ang aso. Pero hindi marunong magtangi si Mang Ben. Pantay-pantay lang naman ang tingin niya sa mga aso. Take note, malilinis tingnan ang kanyang mga alaga. Hindi ko na nga mabilang kung ilang aso na ang dumaan sa kamay ni Mang Ben. Ang sigurado lang, lahat sila ay nagtagal sa piling niya. Siguro hanggang sa huling hibla ng hininga ng mga ito ay si Mang Ben ang kanilang nasa tabi. Nai-imagine ko tuloy na habang nag-aagaw-buhay ang isa niyang alaga ay umiiyak ito dahil sa sobrang lungkot.
Mabuti na lang at suportado siya ng kanyang pamilya sa kaisa-isang libangan ni Mang Ben. Dahil kung hindi ay walang makikitang pagala-gala sa kalye na may kasa-kasamang aso sa lugar namin. Mas gusto pa siguro niyang magpagala-gala kaysa manatili lang sa loob ng bahay. Baka ayaw niyang maging isang homeboy lang. Kung tutuusin ay ‘yun at ‘yun din lang naman ang kanilang pinupuntahan kaya’t kung sa iba ay magsasawa rin ang mga ito. Mabuti na rin ang ganun dahil kapag napalayo siya at ng kanyang alaga ay baka maligaw lang sila. Kahit katirikan ng araw ay makikita kong naglalakad ang magkaibigan. Kung titingnan ay parang walang kapaguran si Mang Ben. Pati ang aso niya ay tila gustung-gusto rin siyang kasama. Paminsan-minsan ay humihinto rin naman si Mang Ben para magpahinga. Minsan ay naabutan ko pa itong pinapakain ang kanyang kaibigan ng baon niyang tinapay habang hinihimas-himas pa niya ito. Ang aso naman nakatutuwang tingnan dahil kakawag-kawag pa ang buntot. Palatandaan lang ito na masaya ang aso at parang nagpapasalamat sa kanya. Kumbaga sa mag-syota ay ang sweet nilang tingnan.
Kapag naglalakad-lakad si Mang Ben ay iba’t iba ang reaksyon ng mga tao. Mayroong natutuwa at mayroon din namang naaawa sa aso. Kasi minsan ay nakikita nilang hinihingal ang aso. Sus, bakit hindi sila mag-alok ng maiinom kung talagang naawa sila. Pero tingin ko ay ayos lang naman ‘yun sa aso. At least, kahit nakatali ay nakagagala naman. Hindi tulad ng ibang aso na nakakulong lang. Baka nga inggit na inggit sa kanya ang ilang mga kabalahibo. Saka kung ako ang aso, kakagatin ko si Mang Ben kung gusto ko talagang makawala. Ano’ng laban niya sa akin, sa tulis ng pangil ko? Mabuti nga ang aso sinasamahan si Mang Ben. Eh, sila ni hindi nila magawang makisimpatya sa kanya bagkus ay nangungutya pa kung minsan. Na akala mo ay kung ano’ng kasalanan ang nagawa sa kanila ng tao. Ang masaklap pa, may mga tao talaga na walang magawa sa buhay pati ang walang kalaban-laban na si Mang Ben ay nagawa pa nilang pag-tripan. Minsan ay nabalitaan ko itong binugbog ng mga lasing na construction worker sa isang subdivision na kanyang pinuntahan. Mabuti na lang at hindi naisipan ng mga ‘yun na katayin ang kanyang kaibigan. Baka nahataw ang aso kung kaya’t hindi na nagawa pang ipagtanggol ang amo. Naisip ko tuloy, sila ang mga tunay na sira-ulo, hindi ang tulad ni Mang Ben na inosente sa mundo at isa lamang dog lover.
Hmm, bakit kaya mas gusto pang makipagkaibigan ni Mang Ben sa aso kaysa sa tao? Wala akong ideya dahil ‘di ko naman alam ang kanyang iniisip. Pero ang maganda sa aso, hindi ito kagaya ng tao na mabilis manghusga ng kapwa tulad ng mga kumukutya sa kanya. Saka ang aso bigyan mo lang ng buto makukuntento na. Hindi kagaya ng tao minsan mong mapagbigyan ay umaabuso. Kung minsan ikaw na nga ang tumulong, sa bandang huli ay ikaw pa ang sasakmalin. Masakit maikumpara ang tao sa hayop dahil para sa iba ay mabababang nilalang lamang ang mga ito. Pero kahit hayop tulad nga ng aso ay mayroon ding magandang katangian. Kagaya rin ni Mang Ben na bagama’t isip bata ay may pagmamahal din sa hayop. Hindi ko naman sinasabing sa aso na lang din tayo makipag-kaibigan gaya ni Mang Ben. Ang sa akin lang, hindi ko masisisi kung sa aso man niya natagpuan ang kahulugan ng isang tunay na kaibigan. Masarap ding magkaroon ng kaibigan na kasama mo sa lahat ng lakaran, sa hirap man o ginhawa. Ano mang yugto ng panahon ay laging nariyan para sa iyo at hinding-hindi ka iiwan. Tulad ng kaibigan ni Mang Ben. Sana ay makita rin natin ang katangian ng kaibigan ni Mang Ben sa itinuturing nating mga kaibigan.
No comments:
Post a Comment