Kanina pa nagkakalkal ng basura sa tambakan si Totoy. Pero hindi pa rin napupuno ang kanyang sako. Minamalas yata siya, kailangan niyang makarami para ayos ang butu-buto. Ito lang naman ang alam niyang paraan para kumita ng pera. Sa murang gulang na dose anyos ay batak na siya sa trabaho. Hindi naman siya inutusan ng kanyang mga magulang na ganito ang gawin. Pero dahil pa-ekstra-ekstra lang naman bilang padyak boy ang kaniyang ama kaya’t nag-boluntaryo siya na mamumulot na lang ng basura. Kaysa naman wala siyang ginagawa habang nakikitang problemado sa pera ang kanyang pamilya.
Nakailang ikot na rin siya pero wala na talaga siyang mapiga sa mga tambak ng basura. Mauutak na rin ang mga tao dahil imbes na itapon ang mga bagay na maaari pang pakinabangan ito na lang ay kanilang iniipon at sila mismo ang nagbebenta sa junkshop o ‘di kaya’y sa mga naglilibot ng magbobote. Mabuti na lamang at ‘di pa naman ganun ang mentalidad ng lahat ng tao. Dahil kung hindi ay wala na ring pagkukunan ng kabuhayan ang gaya niyang nangangalakal. Wish nga ni Totoy ay ipaubaya na lang sa kanila ang mga basura.
Alam din ni Totoy na kahit ang ilang mga pamahalaang lokal ay batid din ang kahalagahan ng basura kaya’t mayroon na ring nagsipagtayo ng Material Recovery Facility. Kung saan ay sila ang kumukuha ng mga basurang puwede pang pakinabangan para makadagdag sa pondo ng kanilang kabang-yaman. Napapabuntong-hininga na lang siya habang iniisip ang mga ganitong bagay. Imbes na nag-aaral heto siya’t kapiling ng bunton ng basura at mga langaw! Pakiramdam niya ay parang may orchestra ang mga ito lalo na’t sabay-sabay na lumilipad papunta sa kanya. Pakiramdam tuloy niya ay parang sinasabi sa kanya ng mga langaw, “Totoy Basura, si Totoy ay basura!” Pero buti pa ang langaw nilalapitan siya, ‘di tulad noong minsang nasa bayan siya may aleng naka-postura na napadikit lang siya ay agad na nagtakip ng ilong. Para bang may nakakahawa siyang sakit kaya’t diring-diri sa kanya. Naipangako tuloy niya sa kanyang sarili na baling-araw ay aasenso rin siya. Sa ngayon, magbabasura lang siya, pero pagdating ng araw ay magiging may-ari rin siya ng junkshop. May kilala siya na yumaman dahil sa ganitong uri ng negosyo at ‘yun ang gusto niyang gayahin.
Hustler na sa pagkakalkal ng basura si Totoy. Nasisipat agad niya kung mayroon siyang matitisod na kalakal. Para kay Totoy ang pagkakalakal ay parang paghihiwalay din ng mga basurang nabubulok sa hindi nabubulok. Siyempre, ang kailangan ay ‘yung ‘di nabubulok para ma-recycle uli. Bagama’t hirap nang makakita ng basurang pakikinabangan pa ay ‘di pa rin nasisira ang kanyang diskarte. Kalkal dito, kalkal doon. Presto! May naispatan siyang plastik na punung-puno ng laman. Agad niya itong binuksan. Pero putsa pagbukas niya ay may binalot sa papel, ‘di na niya kailangan pang hulaan kung ano ‘yun. Sa amoy pa lang, alam na niyang may kasama itong ebak. Sa inis ay inihagis na lang niya ang plastik sa may ‘di kalayuan. Baka sakaling makita ng aso ay dilaan pa nito ang mina. Kung tutuusin ay karaniwan na lang para sa kanya ang makakita ng ganito. Pero sino ba siya para mag-inarte? Kasama na talaga ang dumi ng tao man o hayop sa ganitong larangan. Bawal dito ang mahina ang sikmura dahil siguradong ‘di ka tatagal.
Minsan nga ay patay pa ang kanilang natatagpuan. Kung hindi salvage victim, ang itinapon ay fetus. Kapag nakakakita ng patay na tao sa tambakan si Totoy ay napapapikit na lang ito ng mata. Para kasi siyang binabangungot ng gising ng mga ganitong tagpo. Naitatanong tuloy niya sa kaniyang sarili na basura rin ba ang mga ito at kailangan sa tambakan pa inilalagay ng ilan? Siguro nga, basura lang ang turing ng mga may kakagawan ng krimen. Pero tao sila kaya’t sigurado si Totoy na may halaga ang buhay ng tao. Hindi ito nilikha para patayin lang ng kung sino.
Nagpasya na ring umalis si Totoy nang mapagtanto niyang ‘di na talaga niya mapupuno ang kanyang sako. Iniisip niya kung sa magkanong halaga niya lang kaya ‘to mabebenta? ‘Di bale babawi na lang siya sa susunod. Baka inaalat lang talaga siya sa araw na ito. Naglalakad na siya pauwi nang biglang makaramdam na may kung ano’ng matulis na bagay na tumusok sa kaniyang mga paa. Kung bakit kasi sobrang nipis lang ng kanyang tsinelas, eh. Kung alam lang niyang matutusok siya eh ‘di sana ay nagbota na lang siya. Pero ayaw niya ng ganun dahil nabibigatan lang siya. Napapaiyak sa sakit si Totoy. Tiningnan niya ang paa niya, natusok ito ng malaking pako na may kalawang pa. Patay! Baka matetano siya tapos maimpeksiyon pa. Wala pa naman siyang panduktor. Agad niyang binunot ang bumaong pako. Kitang-kita niya kung gaano karami ang kalawang nito, habang panay naman ang agos ng kanyang dugo. Nakasunod pa rin sa kanya ang mga langaw at Parang gusto pa yatang pagpiyestahan ang kanyang sugat. Pakiramdam niya ay para uli siyang sinasabihan ng, “Totoy Basura! Si Totoy ay basura!”
No comments:
Post a Comment