Pamagat na lang ang kulang ni Rico sa isinulat niyang kuwento. Tungkol ito sa isang nagbinatang mistulang hinahanap ang kanyang sarili sa kanyang mga kaibigan. Palibhasa ay lumalaki na kaya’t samu’t saring bagay ang nais na i-eksperemento. Mula sa porma, musika, lengguwahe, pagbibisyo at kung anu-ano pang mga bagay. Isang tipikal na paksa pero alam niyang masasakyan ito ng mga mambabasa. Dahil parang nakikita nila rito ang kanilang mga sarili. Kahit karaniwang kuwento ay napasukan niya ito ng mga naiibang elemento na alam niyang nagbigay buhay sa kanyang kuwemto.
Isip ng isip si Rico. Ano kaya ang magandang pamagat, “Ang paghahanap sa nawawalang sarili,” kaya? Hmm, baka naman akalain ng magbabasa na kuwento ito ng isang saykopatik. Agad na buburahin sa isip ang unang naisip na pamagat. Eh, kung ang, “Bagong Tuklas?” Mukha naman tungkol ito sa isang imbentor na nakatuklas ng bagong imbensyon. Eh, kung simplehan lang niya halimbawa ay “Pagbibinata.” Pero malawak ang saklaw nito, akalain pa ng iba na tungkol ito sa pagpapatuli at pagbibinyag ng isang nagbibinata na. Parang may kaunting sexual annotation ang dating. Kung bakit kasi nahihirapan siyang mag-isip ng pamagat. Minsan talaga ay inihuhuli niya ang pag-iisip ng pamagat. Kasi para sa kanya ay espesyal ang pamagat. Dahil sa pamagat pa lang ay maaaring pag-interesan na ng mambabasa ang isang kuwento. Kaya kailangan talagang pag-isipan, hindi ‘yung basta may pamagat lang kahit ‘di naman akma sa kuwento.
Habang nag-iisip ng pamagat ay pinagkakalkal muna niya ang mga diyaryo at magasin kung saan ay nalathala ang kanyang mga kuwento at artikulong naisulat. Hmm, marami-rami na rin pala siyang naisulat simula noong nag-umpisa siyang magsulat. Parang kailan lang ay naghahanap pa siya ng puwang sa mundo ng palimbagan. Noong una ay halos walang pumapansin sa kanyang mga isinusulat. Sino ba naman ang papansin sa isang bagito na gaya niya? Pero nagpursige siya dahil naniniwala naman siya na mayroon siyang talento. Marami na siyang napahanga noong nagbibigay siya ng kontribusyon sa kanilang school organ. Mga tula at pailan-ilang sanaynay pa lang ang hilig niyang isulat. Wala nga siyang kaalam-alam sa pagkukuwneto. Dahil para sa kanya ay nakababagot ang pagkukuwento. Pero ang ‘di niya alam, mapa-sanaysay man o tula ang kanyang isinusulat ay para na rin siyang nagkukuwento. Ito ay sa pamamagitan ng pagbabahagi niya ng kanyang mayaman at makulay na karanasan. Bilang anak, kaibigan, kapatid, kamag-aral o bilang isang indibiduwal. Napagtanto niya na ang mundo ay binubuo ng walang katapusang kuwneto. Ang kailangan lang ay i-explore ito, para siyang si Columbos na naglakbay noon sa karagatan para tumuklas ng bagong teritoryo. At ang kanyang teritoryo ay ang paglalaro sa pagitan ng creative non-fiction at fiction. Pero mas maganda kung susubukin pa niya ang ibang genre.
Mahirap ang maging manunulat, ramdam ito ni Rico. ‘Di lamang sa palaging nag-iisip. Dahil kung pag-uusapan ay ang kita ay depende ito sa kung may natapos ka o wala. Per piece ang bayad at hindi naman ganu’n kaganda ang bayad. May mga nagsasabi nga sa kanya na umiba na lang siya ng linya. Maghanap siya ng trabaho na may mataas na suweldo. Hindi ‘yung nagtitiyaga siya sa pagusulat. Kung gusto talaga niyang magsulat ay gawin na lang niya itong part time. Pero ‘di na lang pinapansin ni Rico kapag nakaririnig siya ng ganito. Ang importante sa kanya ay maibahagi niya sa iba ang laman ng kanyang pag-iisip. Na akala mo talaga ay kailangan itong mabasa ng lahat dahil sa sobrang importante. Ang pagsusulat ay itinuturing niyang isang sining. Kapag isa kang alagad ng sining at winala mo ang pagiging iyong malikhain ay parang inaksaya mo na rin ang iyong buhay. Para saan pa ang talento kung wala namang paggagamitan?
Hindi rin siya nasisira ng mga kritiko na kung makapanlait ng may gawa ng may gawa akala mo na ay monopolyo na nila ang pagsusulat. Hindi para sa kanila ang kanyang mga isinusulat. Alam naman niyang hindi lahat ng tao ay naiibigan ang kanyang mga isinusulat. Ang mahalaga para sa kanya ay marami ang nagkakagusto sa kanyang mga gawa. Hindi naman siya naghahanap ng papuri, bonus na lang ito kung mayroon man. Eh, ang pagsikat? Kung darating ay darating din ‘yan, bahala na ang kapalaran. Basta’t siya magsusulat lang siya sumikat man o hindi. Kung sumikat siya eh ‘di mas maganda dahil mas marami ang kanyang maaabot at baka sakaling maingat din ang kanyang kabuhayan sa pamamagitan ng kanyang mga isinusulat. Pero ayaw na niyang asahan pa ‘yung huli. Dahil dito sa Pilipinas bibihira lang ang yumayaman sa pagsusulat. Habang nagmumuni ay napatingin siya sa butiki na naglalakad sa kisame. Parang ganito rin, siya matindi ang kapit. Ayaw niyang basta na lang magpahulog sa mga puwersang humihila sa kanya pababa.
Ilang baso rin pala ng kape ang kanyang naitumba bago niya natapos ang kuwentong kaniyang isinulat. Ang ilang eksena rito ay hinugot niya sa kanyang karanasan at ang iba naman ay sa karanasan ng kanyang mga kakilala. Nilagyan lang niya ng kaunting twist para maiba ng kuwento. Tutal bilang isang manunulat nasa kanyang pagpapasya kung ano ang nais niyang palabasin sa kanyang kuwento. Kung tutuusin ay para ka na ring hari sa sarili mong sistema. Habang pinagdudugo ang isip sa pag-iisip ng pamagat ay biglang nag-brown out. Nalintikan na, ‘di pa niya na-save ang kuwentong kung ilang oras niyang pinag-isipan. Pero umaasa siyang mare-recover pa ito. Ngayon, hindi na ang pamagat ang prinoproblema niya kundi ang mismong kabuuan ng kuwento niya. Na bagama’t alam niya ang tem ay mag-iiba na ito kapag isinulat uli niya ito ng panibago.
No comments:
Post a Comment