Lagi kong nanakasakay sa dyip ang isang estrangherong hindi pangkaraniwan. Bagama’t bulag siya ay nagagawa pa rin niyang magtrabaho. Pero hindi ‘yung tipo ng trabaho na nasa bahay lang dahil nagagawa pa niyang magbiya-biyahe. Hindi ko nga lang alam kung ano ang eksaktong trabaho niya. Isa lang ang sigurado, hindi siya isang musikero o ‘di kaya’y masahista na karaniwan ng trabaho ng tulad niyang bulag. Palagay ko ay nakapag-aral siya dahil pang-professional naman ang kaniyang uniporme. Naka-polo ng kulay blue at naka-slacks. Medyo may kaliitan siya, maputi at payat ang pangangatawan.
Bilib ako sa kanya dahil nagagawa niyang magbiyahe ng mag-isa. Kapag sumasakay siya ng dyip ay inaalalayan lang siya ng kanyang mga ka-trabaho para maging maaayos ang pagsampa niya sa sasakyan. Tapos kapag magbabayad naman ay nakahanda na ang kanyang pamasahe. Barya lang para ‘di na siya kailangan pang suklian ng drayber. Pero minsan ay buo naman ang nakikita kong ibinabayad niya. Ang galing niya dahil alam niya kung magkano ang kanyang perang ibinibigay. Hindi kaya kabisado na niya ang amoy ng pera? Pero hindi rin dahil pare-pareho lang naman ng amoy ito. Kapag bago-bago pa ang pera mabango pa ang amoy. Pero kapag luma, dahil sa marami na ang nakahawak ay sari-sari rin ang amoy. Lalo na kung ang humawak ng pera ay humawak ng isda o ‘di kaya’y basura. Ang mga bulag pa naman ay napakalakas ng pang-amoy.
Kapag nagbabayad ay sinasabi lang niya sa drayber na ibaba siya sa ganitong lugar. Kapag malapit na ang kanyang destinasyon ay ipinapaalala naman ng ibang pasahero na bababa na ang estranghero. Siyempre, inaalalayan siya ng ilang mababait na pasahero. Pero ‘yung iba ay walang pakialam. Parang ‘di nila alam na bulag ang bababa dahil ‘di man lang inuusog ang kanilang mga paa. Mabuti na lamang at hindi natatalisod ang bulag. Pero malay ko rin, dahil ‘di ko naman siya araw-araw na nakakasakay.
Pagkababa ng dyip ay mag-aabang uli siya ng masasakyan at nagpapa-alalay sa mga tao na ipara siya sa huli niyang biyahe dahil hindi nga naman niya nababasa ang karatula ng dyip. Kung minsan kahit ‘di na siya magsabi ay may mga nagmama-gandang loob na isakay siya. Mabuti at walang nakakaisip na pag-tripan siya, ‘yun bang isakay siya sa maling biyahe o ‘di kaya’y agawin ang dala-dala niyang mga gamit. Kung may gagawa man ng ganun ay napakasalbahe naman nila dahil nagawa nilang pagsamantalahan ang isang taong wala namang kalaban-laban.
Pagkababa ng estranghero ay may may lalakeng nag-aabang sa kanya, sa palagay ko kung hindi man niya tatay ay isa niya kamag-anak. Doon na nagtatapos ang biyahe ng estranghero, sa wakas ay makakauwi na rin siya sa kanila. Pero alam ko, hindi ko man siya kakilala ay marami na siyang pinagdaang biyahe bago maging ganun katatag ang kanyang kalooban. Hindi literal na biyahe ang tinutukoy ko kundi ang mga hirap na pinagdaanan niya. Ang matanggap mo lang sa sarili mo na isa kang bulag ay mahirap na. Sino ba namang tao ang gusto ng hindi nakakakita? Paano mo masisilayan ang makulay na mundo ganito ang kalagayan mo? Wala kang ibang aasahan kundi ang iyong pandama, pang-amoy, pandinig at panlasa. Marahil para sa estranghero, ang higit na mahalaga ay mayroon pa siyang isip para mapagkuhaan ng dunong para magsabi sa kanya sa mga bagay na kung ano’ng dapat niyang gawin.
Kung ako ang nasa kalagayan niya siguro ay gugustuhin kong nasa bahay na lang at kung lalabas man ako, ang gusto ko ay mayroon akong kasama para hindi ako madapa sa daanan. Mahirap yata ang magkikilos ng walang nakikita. Pero siya pinipilit pa rin niyang mamuhay ng normal sa kabila ng kawalan niya ng paningin. Hindi niya hinahayaan ang kanyang sarili na magpatalo sa dagok ng kapalaran. Wala akong ideya kung paano siya nabulag, kung inborn ba ito, dahil sa katarata o naaksidente lang siya? Dahil hindi ko nga naman siya kakilala ng personal. Pero isa lang ang sigurado ibang klase rin ang kanyang fighting spirit batay na rin sa nakikita kong katangian sa kanya.
Saka masarap pa rin palang isipin na hindi lahat ng tao ay walang pakialam sa tulad niyang bulag. Sila ang mga taong walang sawang umaalalay sa kanya. Mula sa kanyang pamilya, kasamahan sa trabaho at mga nakakasakay niya sa dyip. Dahil kung wala rin ang kanilang malasakit malamang ay hindi rin makapagbibiyahe ng matiwasay ang estranghero. Ayokong magbulag-bulagan lang sa nakikita ko sa kanya. Kaya ko nga siya ikinukuwento ngayon sa lahat dahil alam kong may nais siyang patunayan. Oo nga’t bulag siya pero hindi ‘yun hadlang para hindi siya mamuhay ng normal at makuntento na lang sa napakadilim niyang mundo. Kaya nga’t kapag nagdidilim ang isip ko dahil sa mga negatibong bagay, isipin ko lang siya ay lumiliwag na uli ang lahat sa akin.
No comments:
Post a Comment