Saturday, December 13, 2014

Samuel Evangelista: May Asenso sa Pagtitinda ng Saging

    Dating marino si Samuel Evangelista, kilala sa palayaw na Sam bago pumasok sa negosyo. Nakapagtapos siya ng Bachelor of Sciense Marine Engr. sa University of Visayas. Pagka-graduate ay nagtabaho muna sa isang marketing firm na gumagawa ng LPG safety device. Nagsimula bilang trainee hanggang siya ay maging supervisor. Pero kahit mataas na ang posisyon ay gusto niya pa ring magamit ang pinag-aralan kaya’t nang makaipon ng sapat na salapi ay nag-apply siya sa pagka-marino.  May tatlong taon din siyang nagtrabaho sa barko. Umalis lang siya rito nang hilingin ng kanyang misis na lumagi na lang siya sa Pilipinas.

    Pagkababa ng barko ay bumili siya ng multi-cab na pampasada. Noong una ay ayos naman dahil nakakaraos pa rin kahit paano. Kaya lang makalipas ang isang taon nang pamamasada ay humina ang kanyang kita dahil na rin sa mabilis na pagtaas ng gasolina. Kaya’t naisipan na lang niyang ibenta ang sasakyan. Pagkatapos ay pumunta muna siya sa kanyang kapatid sa Bohol na nagmamay-ari ng fishpond kung saan ang pangunahing produkto ay bangus at tilapia. Nagsilbi siya roon bilang tagapamahala ng self-generator. Wala kasing kuryente sa palaisdaan ng kanyang kapatid. Nakita niya ang pagganda ng kabuhayan ng kanyang kapatid. Doon niya naisip na ano kaya kung magnegosyo na lang siya gaya ng kanyang kapatid.

    Bumalik siya Gensan para asikasuhin ang lupa ng kanyang misis sa Kiamba. Naisip niyang saging ang itanim nang minsan may nakita siyang farmer na nakapagpaaral ng mga anak sa kolehiyo. Mulat na rin naman siya sa buhay sa bukid dahil magsasaka ang kanyang ama.Cardaba nga lang ang itinatanim sa kanila samantalang sa Kiamba ay Lakatan ang itinatanim. “Yung iba gumagamit ng tissue culture. Pero ako hindi. Parang naka-nursery pa. Tinatawag namin na saha tapos tina-transplant,” aniya. Ang distansya ng pagtatanim niya ng saging ay 2x3 metro. Kapag masyado kasing dikit ang puno ay ‘di makapagbibigay ng magandang bunga. Kapag malayo naman maganda sanang magbigay ng bunga. Pero ang problema ay maraming damo. Kapag malayo rin ang distansya ay kaunti lang ang maitatanim.

   Isang ektarya ang una niyang tinamnan, bale tatlong ektarya ang kanilang lupa. Noong una ay isang libong puno ng saging ang kanyang naging tanim. Sa ngayon ay nakakapagtanim siya ng tatlong libong puno ng saging  at umaabot ng apat na raan at limang daan kapag peak season. Ayon kay Sam, maganda ang market ng lakatan kung ikukumpara sa kardaba. Bukod sa mabigat na ay konti lang ang kita.’Yun nga lang kapag lakatan mahirap alagaan dahil sensitibo ito dahil madaling dapuan ng sakit. Kaya dapat palaging malinis ang farm at ginagamitan din ng abono. Natural na pestidyo lang ang ginagamit ni Sam. Kapag komersiyal na pestidyo kasi ang ginamit ay malaki ang posibilidad na masira ang lupa. ‘Di magtatagal ay magiging acidic pa ito. Maganda pa naman ang kalidad ng lupa sa kanilang farm. Mabato ito ng konti, ito ang tipo ng lupa na magandang pagtamnan ng lakatan. Ang ginagawa niyang pampataba ng lupa ay ang dumi ng itik. Meron din kasi siyang itikan dahil nagsu-supply siya ng balot sa Kiamba. Ang mga natabas na damo at mga dahon ng puno ay binubulok niya para magsilbing pataba sa lupa.

    Noong una ay sa mismong farm lang siya nagbibenta. Hanggang sa naisipan niyang magdala ng produkto sa Gensan tutal naman ay palagi siyang umuuwi rito. Nagdi-deliver siya ng lakatan sa palengke. Ayos naman ang kita. Kaya lang nang mapag-aralan ni Sam ang kanilang marketing strategy ay nag-iisip-isip siya. “Pag may nagtanong ng price sa kanila, malaki ang sasabihin nila. Samantalang kalahati lang ang kuha nila sa akin. Eh, mag-antay lang naman silang mahinog ang saging,” aniya. Natutunan din ni Sam kung paano ang teknik nila ng pagpapahinog ng saging at ginaya niya ito. Gumagamit siya ng atril na isang bagong teknolohiya sa pagpapahinog ng saging. Isang araw mo lang ibabad sa tubig na may atril ang saging ay nag-iiba na agad ang kulay nito.

    Naisipan naman niyang pumuwesto sa kanilang bahay at naghanap din siya ng babagsakan sa palengke. Sa iba niyang binabagsakan ay porsiyento lang ang ibinibigay niya. Hanggang sa dumating ang araw na nagkaroon siya ng problema sa isa niyang binabagsakan. May pagkakataon na ‘di nito kukunin ang mga saging ni Sam. Doon siya nanlumo nang husto. Kaya naisipan niyang magbenta na lang sa kalye. Hanggang sa nakilala niya ang may-ari ng bahay kung saan siya kasalukuyang nakapuwesto, sa may bungad ng kanilang subdivision. Dati itong tindahan at inalok sa kanya na upahan na lang niya. Natuwa siya dahil malakas ang kanyang outlet na ito. Bukod sa lakatan ay meron din siyang iba’t ibang klase ng saging, meron ding durian at rambotan. May nakilala rin siyang gumagawa ng banana chips kaya nagsu-supply siya ng raw material saka niya ibinibenta sa kanyang outlet.

    Ayon kay Sam, “Ang sikreto ko ‘di kami nagha-harvest na hindi pa siya gaanong magulang. Dapat nasa 70-75 days ang edad ng saging. Kapag nasa 60 days lang, mapipilit mong mahinog pero kapag tinikman mo ay ‘di rin masarap. Ang tamang harvest green-green siya ‘pag pinisil mo malambot.”


     Ang importante sa negosyo para kay Sam dapat ay hands on ka. Kagaya niya na lagi siyang pumupunta sa kanilang farm. Pupunta siya ng Lunes tapos babalik siya sa bahay ng Sabado na dala na ang produkto. Kapag ‘di ka hands on ay mas malaki ang gastos mo. Pero kapag hands on ka lalago ang iyong kaalaman. Kapag nandoon din ang presensya mo maraming magagawa ang iyong mga tauhan kaysa wala ka roon. At higit sa lahat ay maging malapit sa Panginoon. “Kahit ano’ng gawin na pagnenegosyo natin ‘pag wala ang Panginoon sa atin malayo rin ang grasya. Dapat gawin natin siyang business partner. Kapag hindi ay ‘di ka rin niya pagpapalain,” pagtatapos niya. 

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...