Friday, November 7, 2014

Opisina sa Bahay


       Hindi madaling magtayo ng opisina sa loob ng bahay dahil bukod sa iniintindi mo ang iyong trabaho ay inaasikaso mo rin ang iyong pamilya. Maaaring mahirap ang ganitong sistema pero nasa pagbabalanse lang ‘yan. Ang kainaman dito ay ‘di ka na namamasahe at ‘di pagod sa pagbibiyahe. Katunayan, marami na ngayon ang mga homebase business. Kung isa ka sa mga nais magtayo ng opisina sa loob ng bahay ay narito ang mga bagay na dapat mong gawin:



    Unang-una, kinakailangang maglaan ng sapat na espasyo para sa gagawing opisina sa loob ng tahanan. Maaaring gamitin ang isang kuwartong maluwag para magkasya ang lahat ng kakailanganing kagamitan  para sa iyong homebase business. Kung walang bakanteng kuwarto ay humanap ng ibang espasyo para doon mo maitayo ang iyong opisina.Siguraduhin lang na legal ang iyong negosyo para may resibo kang maibigay kapag nakikipag-transaksiyon ka.

    Magpakabit ng hiwalay na linya ng telepono para ‘di makipag-unahan ang iyong pamilya sa paggamit ng telepono. Mainam ang ganito para maging propesyunal ang dating at ‘di halatang nasa bahay ka lang. Kapag bata kasi ang sasagot ng telepono ay baka ‘di sila magkaintindihan ng kausap at maaaring masayang lang ang prospect client. Bukod sa pagkakabit ng sariling linya ng telepono ay maglagay din ng ibang computer, hiwalay sa ginagamit na computer ng pamilya. Dahil kung iisa lang ang inyong gagamitin ay maaaring mabura ang iniingatan mong mga files. Siyempre, uso na naman ang paggamit ng social media, gamitin mo rin ito para mai-promote mo ang iyong negosyo.

    Kahit na sa loob lang ng bahay nagtatrabaho ay umakto pa rin na parang nasa loob ng kumpanya nagtatrabaho para magkaroon ng disiplina. Hindi masamang magpahinga paminsan-minsan tutal sarili mo naman ang iyong amo. Pero ang masama ay kapag mas marami ka pang oras ng pahinga kaysa sa ipinagtatrabaho. Kapag nagkaganito ay ikaw din ang talo. Alalahaning kaakibat ng pagpapatakbo ng sariling opisina ang ibayong sipag.

    Mahalagang magtakda ng regulasyon sa iyong pamilya, na sa oras ng trabaho ay ‘di ka nila maaaring istorbuhin. Maliban na lang kung talagang kinakailangan at kapag may emergency. Ipaalala rin sa kanila na huwag silang mag-iingay lalo na’t meron kang bisitang kliyente. Mahirap kapag may maliliit pang mga anak dahil likas na sa kanila ang maging makukulit. Kaya’t laging ipaalala sa mga bata na ‘di ka lang basta nakapirme sa bahay lang kundi nagtatrabaho ka rin para sa kanila. Ipaunawa sa kanila na huwag silang magkakalat ng laruan sa loob ng iyong opisina.  Para hindi ito mangyari, ugaliing laging naka-lock ang iyong pinto lalo na pagkatapos ng trabaho.

    Siyempre, kahit ano ang pagiging abala mo sa iyong trabaho ay maglaan ng isang buong araw na kasama ang buong pamilya. Kalabisan naman kung ‘di na nga nila makuha ang atensyon mo kapag oras ng trabaho ay hindi ka pa rin maglalaan ng oras sa kanila pagkatapos ng trabaho. Kapag nagkaganoon ay mahihirapan kang makuha ang suporta ng iyong pamilya. Araw-araw ka nga nilang nakikita pero ang isip mo ay nasa trabaho lang.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...