Nasa mamimili na kung saan niya gustong bumili. Pero siyempre kung saan ang mas may murang paninda ay ‘yun ang maraming suki.
Hindi na nakapagtataka kung bakit maraming tindahan kahit saan. Ito kasi ang pinakamadaling paraan ng pagnenegosyo. Basta’t may puwesto ka lang sa harapan ng bahay n’yo ay puwede ka ng magtayo ng tindahan. Kailangan mo lang ay kaunting puhunan at pambayad sa mga permit na kakailanganin. Boom! May instant negosyo ka na.Basta’t masipag ka lang magpupunta sa palengke para mamili ng mga ititinda. Siguraduhin mo lang na matao sa lugar ninyo para ‘di langawin ang mga paninda. Importante ring maging maayos ang pakikitungo sa kostumer para ikaw ang lagi niyang bilhan.
Ang konsepto na rin ng tingi-tingi o ang pagbili ng paisa-isa ang dahilan kung bakit ito tinatangkilik ng mga tao. Paano’y walang pambili ng bultuhan o maramihan ang mga tao. Kaya’t ang maging ang malalaking kumpanya na dati-rati ay ‘di nagtitingi ay nakisabay na rin sa uso.’Di ba’t ultimo deodorant ay nakalagay na sa sachet? Meron na ring pisong toyo at suka na nasa sachet din mula sa sikat na brand. Dati-rati kasi mga home made lang ang meron. Isama pa natin sa dahilan na sa sari-sari store mabibili ang marami nating pangangailangan. Ano pa nga ba ang hahanapin mo sa sari-sari store? Ika nga, para itong one stop shop. Mula sa mga sahog sa ulam, bigas, gatas,sardinas at napakarami pang iba ay narito ng lahat. Basta’t lahat ng puedeng ibenta ay ibinebenta. Kaya nga tinawag na sari-sari store, eh.
Ayon sa mga may-ari ng tindahan hindi naman kalakihan ang kinkita sa pagkakaroon ng tindahan dahil nakadepende lang ito kung maraming bumili sa iyo sa loob ng isang araw. Pero nakatutulong ito ng malaki sa mga gastusin sa bahay at ang maganda nga rito ay nakabase ka lang sa bahay. Nakabawas pa sila sa bilang ng mga walang trabaho dahil sila ang lumikha ng sarili nialng trabaho.Ang kalaban mo lang rito ay pagkainip kapag walang gaanong bumibili. Kaya ang iba ay nagpapautang para mabilis na maubos ang kanilang paninda. Pero kuwidaw lang, siguraduhing marunong magbayad ang pinapautang para ‘di malugi. Huwag ding kayu-kayo lang ang umuubos ng paninda n’yo tulad ng ginagawa ng iba.
Hmm, parang gusto mo na rin yatang magtayo ng tindahan. Bakit hindi? Malay mo, baka maging grocery pa ‘yan balang-araw.
No comments:
Post a Comment