Kapansin-pansin na parang kabuteng nagsipagsulputan ang negosyong buko shake. Kahit saan ka kasi magpunta ay makakakita ka ng cart na ganito ang produkto. Iba-iba ang kanilang pangalan gaya ng Bukolicious, Buko Pandan, Buko Extreme, Buko Corner, Facebuko, Buko Madness, Buko Juan, Buko Maxx, Buko Stop, Buko Martin, Buko Station at marami pang iba. Kung tutuusin matagal na ring patok ang buko. Makikita mo na maraming nagtitinda ng palamig na buko sa kalye. Pero siyempre, iba ang buko shake dahil pinaganda o pinasosyal ang dating nito.
Sino ba naman ang ‘di maeengganyong bumili ng malinamnam na buko shake? Lalo na’t tayo ay nasa bansang mainit lagi ang panahon. Mabibili ito mula bente hanggang singkuwenta pesos. Nakadepende sa sukat kung small, medium ba o large. Mas mahal kumpara sa palamig pero ‘di hamak na malinamnam ang lasa ng buko shake. Puwede na sigurong itapat sa halo-halo na matagal na ring kinahuhumalingan nating mga Pinoy.
Isa sa nagnenegosyo ng buko shake ay si Junjun Banaas, franchisee ng Buko Station. Nakapuwesto ang kanyang cart sa tabi ng hi-way sa Brgy. Muzon, Taytay, Rizal. Ayon sa kanya ay nagbayad siya ng franchise sa halagang dose mil. Pero ‘di ito kumpleto. Nagpagawa lang siya ng cart sa kanyang tatay na ginastusan niya ng tatlong libong piso. Tinuruan lang siya ng Buko Station kung paano gumawa ng produkto tapos siya na ang bahalang dumiskarte. Mas mahal kasi ang bayad kapag full package. May walumpung libong piso, may pitumpung libong piso. May mas mababa o mas malaki pa rito ang bayad. Depende na rin sa patakaran ng kumpanya.
Nagkaroon ng ideya si Junjun na pasukin ang pagbu-buko shake nang minsang magawi sila ng kanyang misis sa palengke. Bumili sila roon ng buko shake at nasarapan naman sila. Napansin nilang mag-asawa na marami ang bumibili ng naturang produkto. Nasabi ng kanyang misis na mukhang maganda itong maging negosyo, na agad naman niyang sinang-ayunan. Tamang-tama naman na may pera silang naipon kaya’t ‘yun na ang kanilang ginawang puhunan.
Bago mapasok sa pagnenegosyo si Junjun ay naging promodizer at stock man siya sa isang grocery. Naranasan niya ring maging service crew sa isang kainan. Ramdam niya na walang asenso sa pag-iempleyo kaya’t nagpasya siyang magnegosyo. Dito kasi ay may tsansa na umunlad ang buhay kumpara kapag namamasukan ka lang.
Noong una ay naglagay lang si Junjun ng cart sa harapan ng kanilang bahay. Malakas naman ang benta dahil maraming tao sa kanilang lugar. Naikuwento niya na sa mga unang araw nang magtinda siya ng buko shake ay tumutubo siya ng dalawang libong piso. Nagpasya siyang magbukas ng isa pang outlet. Ang cart niya sa harapan ng kanilang bahay ay ipinaubaya na lang niya sa kanyang ina dahil wala itong hanapbuhay. Sa ngayon, ang gusto na lang niyang mangyari sa kanyang negosyo ay makapagbukas siya ng isa pang outlet para magkaroon ng dagdag na kita. Usung-uso kasi ito, ‘ika nga strike while the iron is hot. Pero sa tingin niya ay magtatagal ang ganitong uri ng negosyo sa merkado. Gaya ng pagkain kailangan din natin ng inumin.
Para kay Junjun, halos pare-parehas lang naman ang lasa ng buko shake. Dahil pare-pareho lang naman ang sangkap na ginagamit sa paggawa rito gaya ng buko meat, gatas, syrup at siyempre pa kinaskas na yelo! Sa kanyang palagay ay nagkakatalo-talo na lang sa tamis. Sinabi pa niya na maganda ang pag-inom ng buko dahil nagsisilbi itong gamot sa UTI at nagpapaganda rin ng daloy ng dugo.
Nang tanungin naman siya kung ano ang balak niya kapag tag-ulan, sinabi niya na ‘di muna siya magtitinda dahil sayang ang yelo at matutunaw lang. Pero alam naman natin, dito sa atin kahit na tag-ulan ay mainit pa rin ang klima kaya’t meron at meron pa ring bibili ng buko shake.
Walang ibang maipapayo si Junjun sa mga gustong magnegosyo kundi magtiyaga lang. Aniya, “Maraming pagsubok na dumarating sa pagnenegosyo. Kung ‘di ka magtitiyaga babagsak agad ang negosyo mo.”
1 comment:
Galing naman! Mukhang okay na business...
tama na kailangan may tyaga sa kahit anong negosyong papasukin
Post a Comment