May mga oras na nawawalan ka ng gana sa iyong trabaho dahil routinary na rin ang iyong ginagawa. Kumbaga, ‘yun at ‘yun lang din. Ayos sana kung ito talaga ang gusto mong gawin sa buhay mo. Paano kung hindi? Maaari rin namang nakukunsume ka na sa boss mo o sa mga kasamahan mo sa trabaho dahil ang hirap nilang pakisamahan. Naiirita ka kahit alam mo naman na sa isang organisasyon ay ‘di nawawala ang mai-epal o nakakayamot ang pag-uugali. Pero bago magpasa ng resignation letter, may mga ilang bagay na dapat munang pag-isipan.
Una, tanungin mo muna ang iyong sarili na kung magri-resign ka na ba agad ay maryoon kang perang naitatabi? Kung meron, magkano ito? Makasasapat ba ito para matuguan ang iyong mga pangangailan sa loob ng mga panahon na wala ka pang trabaho? Dahil kung hindi sasapat, paano na ang pambayad ng kuryente, tubig, pagkain at kung anu-ano pang mga gastusin. Tiyak na sasakit lang ang ulo mo. Kaya nga ang iba, nagtitiis kahit maliit lang ang kanilang suweldo. Mas mabuti na ang konti kaysa wala, ‘ika nga. Ang mahirap pa ay kung ikaw ang nagsisilbing bread winner sa inyong pamilya. Mabuti sana kung ang sarili mo lang ang puproblemahin mo.
Sinasabi ng mga eksperto na dapat ay mayroon kang naitabing pera na katumbas ng iyong buwanang suweldo. Ano, kamo? Napapakamot ka na sa iyong ulo dahil mahirap mag-ipon ng ganito. Pero ‘yun ang sabi nila, eh. Kaya’t kung gusto mo na talagang mag-resign, aba’y ipun-ipon muna. Kahit na sabihing laging ubus-ubos ang suweldo. Puwede namang rumaket at iyun ang ipunin dahil magiging magsisilbing excess money na ito.
Bago mag-resign sa trabaho, siguraduhin muna na mayroon sa iyong naghihintay na bagong trabaho. Hindi ‘yung aalis ka lang na wala naman palang kasiguruhan. Alam naman natin na mahirap na ang maghanap ng trabaho sa ngayon dahil na rin sa dami rin ng job hunters. Hindi naman problema sa boss mo kung umalis ka dahil makakahanap agad sila ng kapalit mo. Maling isipin na ikaw lang ang magaling. Dahil sa totoo lang ay mayroon pang mas nakahihigit sa iyo. Mas maganda kung mas malaki ang suweldong makukuha mo sa papasukang bagong trabaho. Ayos din kahit mas maliit, kung dun ka naman sasaya dahil ito ang dream job mo.
Kung nagbabalak naman na mag-freelance na lang, aba’y dapat ay may mga regular ka ng clients para mabigyan ka nila ng projects. Mahirap kasi kung kelan ka nag-resign saka ka pa lang maghahanap. Kung may balak namang mag-negosyo, dapat ay planuhin itong mabuti at ‘di sasabak na lang basta dahil sa huli ay pagkalugi lang ang bagsak mo. Test the water muna, ‘ika nga.
Kung tutuusin ay napaka-praktikal lang ng ganitong mga payo. Pero marami pa rin ang nakalilimot na gawin ang mga ito kaya’t ang resulta. Sa halip na nakabuti sa kanila ay napasama pa. Imbes na magkaroon sila ng freedom ay nabaon naman sila sa sandamakmak na problema. Hindi kasi nila inisip kung ano ang maaaring kahinatnan ng aksyon nila. ‘Di naman sinasabi na huwag mag-resign sa trabaho lalo’t ‘di ka na masaya. Ang punto lang dito ay maghanda muna bago gumawa ng napakabigat na desisyon.
No comments:
Post a Comment