Kanina pa niya gustong manigarilyo pero pinipigilan niya ang kanyang sarili. Sayang din kasi ang barya na ipambibili niya rito. Mahirap nga talagang alisin ang isang bagay na nakasanayan na. Kahit ayaw man niya ay patuloy pa rin siya sa bisyo niyang ito. Mabuti pa siguro kung ipambibili na lang niya ng kendi ang barya. At least may ngangatain pa siya. Hindi puro yosi, na bukod sa pinapangitim ang kanyang labi ay maaari pa siyang magkasakit. Puwede ring tsirtsirya na lang kaso hindi na siya bata para mahilig pa sa mga junk food. Ano kayang madaling gawin sa kanyang barya?
Nag-iisip siya ng malalim nang may matandang pulubi na nangalabit sa kanya. Nakakaawa ang hitsura nito dahil dahil bukod sa matandang-matanda na ay sira-sira pa ang damit nito at nanggigitata sa pawis. Nakaramdam siya nang matinding pagkahabag at biglang nakalimutan ang kagustuhang manigarilyo. Kaya't agad na iniabot ang baryang nasa bulsa. Taos puong nagpasalamat ang pulubi sa kanya sabay talikod nito. Biglang lumuwag ang kanyang pakiramdam. Kay sarap palang tumulong sa kapwa. Hiling pa niya na sana ay malayo rin ang marating ng kanyang barya. Maya-maya lang ng konti ay nakasalubong niya ang pulubi na naninigarilyo. Malayo nga ang mararating ng usok ni Tatang habang tuyung-tuyo ang kanyang lalamunan.
No comments:
Post a Comment