Katanghaliang tapat nang maisipan niyang gumawa ng krimen. Wala naman kasing pinilipiing oras ang pandurukot. Mainam na rin ang ganito dahil walang gaanong naglalakad sa kalsada. Walang taumbayan na manggugulpi sa kanya. Di pa nagtatagal sa pag-aabang ay may nakita siyang babae na nag-iisa lang at may hawak-hawak na cellphone. Di na siya nag dalawang-isip pa at agad na hinablot ang cellphone. Mabilis naman siyang nakatakbo papalayo sa babae.
Natuwa siya at ni hindi man lang nagsisigaw ang babae. Dumiretso agad siya sa nagba-buy and sell ng mga cellphone. Kahit bilhin lang sa kanya ng limang daan ang cp ay ok na sa kanya. Sa tingin niya ay mukhang maayos pa naman ito. Di kamukha ng cp niya dati na mukhang pamato sa tatsing. Iniabot niya ito sa bantay ng shop at sinipat na mabuti ang item. Binuksan ang cp pero ayaw gumana. Pinalitan pa ng battery pero di pa rin gumana. "Sira na itong cp mo, brad, ah." Di ba bumibili rin naman kayo ng sirang cp?" Desperado na talaga siyang magkapera. "Ano boss, magkano mo kukunin 'to?" "Singkuwenta." Parang gusto niyang maiyak dahil yun lang pala ang ang halaga ng pinagpaguran niya. Parang gusto niyang magwala at ihagis ang buwakang cp na nadukot niya. Masama man ang loob ay kinuha pa rin niya ang 50 pesos. May pang value meal na siya.
No comments:
Post a Comment