Ang pagtanda ay sadyang ‘di natin maiiwasan. Kapag tumatanda tayo ay kasabay din nitong humihina ang iba’t ibang bahagi ng ating katawan. Ngunit may mga pamamaraan para ‘di maging mabilis ang pagtanda.
Kumain ng mga pagkaing sagana sa bitamina para mapanatiling malakas ang pangangatawan tulad ng mga gulay at prutas na mayaman sa fiber, calcium, iron magnesium at anti-oxidants. Mahalagang tiyaking wasto ang pagkain para maging wasto rin ang ating timbang. Ugaliing ding uminom ng maraming tubig para maging malusog ang balat at hindi ‘yung nanunuyo. Siyempre, huwag kalilimutang mag-ehersiyo dahil bukod sa nagpapalakas ito ng katawan at ng buto ay nagpapalakas din ito ng ating panlasa upang maging ganado sa pagkain. Bukod dito ay nakatutulong din ito upang maging maganda ang ating panunaw at maging maayos ang daloy ng ating dugo.
Kapag nasa labas ng bahay ay gumamit ng salamin sa mata para maiwasan ang sunburn. Bukod dito ay protektagan din ang ating balat sa pamamagitan ng paglalagay ng mga cream oil na kumukontra sa sunburn. Ayon sa mga eksperto, ang pagkairita o pagkasunog ng balat sa araw ay nakakapagpabilis sa pagtanda. Kung naninigarilyo ay mabuting itigil na ito. Iwasan din ang secondhand smoke. Sinasabi kasing ang sigarilyo ay nakapagpapataas ng tsansa para magkaroon ng kanser at sakit sa puso.
Iwasan din ang sobrang pagpapagod at pag-iisip ng mga problema. Kapag lagi kasing ganito ay mabilis ka ngang tatanda dahil sa madalas na pagkunot ng noo at pagsimangot. Kapag may problema, imbes na dibdibin ay harapin ito ng maayos at huwag masobrahan sa reaksyon na para bang wala ng solusyon. Ugaliing mag-isip ng positibo at mga bagay na makapapagpasigla sa buhay. Maaring maghanap ng mga bagong mapaglilibangan. Pagbutihin din ang pakikitungo sa mga taong nakapaligid sa iyo. Kapag kasundo mo kasi ang lahat ng tao ay wala kang mararamdamang stress. Importante ito dahil kapag may kinikimkim na galit sa kalooban ay ‘di rin maganda ang epekto nito sa kalusugan.
Kaakibat din ng pagtanda ang pagkakaroon ng mahinang memorya. Bago pa ito mangyari ay palakasin ang memorya sa pamamagitan ng pagsagot sa mga cross word puzzle at mga kahalintulad nito na nakakalulong para tumalas ang isipan.
Maging alerto kapag nakararamdam ng sakit. Iwasan ang paggagamot sa sarili bagkus ay komunsulta sa duktor. Ang kaunting sakit na nararamdam ay ‘di dapat ipinagwawalang-bahala para ‘di na ito mauwi pa sa malalang situwasyon.
Hindi naman talaga dapat pinoproblema ang pagtanda bagkus ay dapat pa nga itong tingnan bilang biyaya dahil nabubuhay pa sa mahabang panahon. Ang sa atin lang, ingatan ang kalusugan para ‘di mapabilis ang pagtanda.
No comments:
Post a Comment