Monday, April 21, 2014

Mga Pagkaing Panlaban sa Sipon

Ang sipon ay sanhi ng virus at wala pa talagang gamot na naiimbento para dito. Ngunit ang maganda ay kusa din itong nawawala. Pero mayroong mga paraan para ito ay maiwasan. Kabilang na rito ang mga pagkain ng mga pagkaing nagpapalakas ng immune system. Kapag malakas ang immune system ay mailalayo rin tayo sa pagkakaroon ng sipon. Narito ang ilang mga pagkain na mabisang panlaban sa sipon:
Ang broccoli ay mainam kainin dahil nagtataglay ito ng antioxidants at vitamin A at C. Sagana rin ito ng nutrients gaya ng calcium, potassium at fiber.  Para higit na makuha ang sustansya nito ay mas maganda kung kakainin ito ng hilaw. Kung ayaw naman ng hilaw ay i-steam na lang ito. Epektibo rin ang pagkain ng kamatis dahil nagtataglay ito ng lycopene. Ang lycopene ay hindi lamang sa sipon lumalaban bagkus kaya rin nitong labanan ang pagkakaroon ng prostate cancer sa kalalakihan at lumalaban din sa cardiovascular disease.
Siyempre, mawawala ba naman ang lemon at oranges na kilalang epektibo sa sipon. Pero epektibo ito kapag nag-uumpisa pa lang na maramdaman  ang sintomas ng sipon, hindi kapag malala na. Kung ayaw naman ng maaasim na prutas ay pupuwede rin ang strawberries na nagtataglay din naman ng Vitamin C.
Alam n’yo bang maging ang pagkain ng bawang at sibuyas ay tumutulong din sa pagpapalakas ng ating immune system. Mayaman ito sa phytonutrients na kilala dahil sa pagkakaroon ng antibiotic at antiviral properties. Ang bawang ay mayroong flavonoids na tumutulong sa vitamin C para patayin ang bacteria. Kaya’t ‘di dapat isnabin ang bawang at sibuyas at ituring lang na bilang rekado. May mga tao kasing ayaw kumain ng bawang at sibuyas dahil sa ‘di nila gusto ang lasa.
Kung may mga pagkaing dapat kainin ay mayroon din namang dapat na iwasan. Halimbawang mayron nang sipon ay iwasan ang pagkain ng maalat at ng sabaw. Maari kasing itong maging sanhi ng drainage. Dapat ding iwasan ang pagkain ng tsokolate, mani, hipon, talaba at iba pa. Basta’t kapag may sipon ay uminom lang ng maraming tubig at kailangan ng kaunting pahinga. Kapag nakaramdam na ng kakaiba ay mabuting magpakonsulta na sa duktor dahil baka hindi na ‘yan ordinaryong sipon lang.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...