Monday, April 21, 2014

Panganib na Dulot ng Malarya

     Ang malarya ay kasing mapanganib ng sakit na dengue dahil nakamamatay ito. Kung ang dengue ay inihahatid ng lamok na tinatawag na aedes aegypti, na umaatake sa araw. Ang malarya naman ay dala ng babaing lamok na anophele, na karaniwang umaatake sa gabi. Ang ganitong lamok ay namamalagi sa masusukal na lugar at maging sa maruruming kapaligiran. Mapupunanang kapag kumakagat ito ay nakataas pa ang dalawang paa sa likod. Laganap ang malarya sa mga liblib na lugar, sa sakit na ito namatay si Lester Langit, anak ni Rey Langit matapos itong magtungo sa isang bahagi ng Palawan.


     Ang malarial parasites ay dahilan ng pagkakaroon ng malarya. Dumadaloy ito sa dugo at pumapasok sa red blood cells. Ang rbc ay lumalaki at dumadami hanggang sa pumutok. Kapag pumutok ito ay kumakalat ang malarial parasite at pumapasok din sa iba pang rbc. Sabi ng mga duktor ay mayroong apat na uri ng malarial parasite at ang mga ito ay ang plasmodium vivax, plasmodium ovale, plasmodium malariae at ang plasmodium falciparum. Dito sa ating bansa ang nabanggit na huli ang pinakalaganap at pinakamalala.

     Ngunit anu-ano nga ba ang sintomas ng pagkakaroon ng malarya? Nagsisimula ito sa trangkaso, makararamdam ng sakit ng katawan, ubo at sipon, sakit ng ulo at masususndan ng pagtaas ng lagnat. Pagkaraan ng ilang oras pagpapawisan nang husto at maya-maya lang ay mawawala na ang lagnat. Kinakailangang magamot agad ito dahil mauuwi sa maraming komplikasyon. Maapektuhan nito ang iba't ibang parte ng ating katawan. Halimbawa, sa kidney mapapansing nag-iiba ang kulay ng ihi, nagiging kulay pula dahil nga sa dami ng nasisirang rbc. Apektado rin ang utak kaya't nag-iiba ng ugali ang taong may malarya at minsan pa ay hindi nakakakilala ng mga dati nang kakilala. Isa pa, nahihirapang dahil sa hindi maayos ang daluyan ng hangin sa baga. Nasisira rin ang atay, mapapansing naninilaw ang mata dahil ang atay din ay puntahan ng malarial parasdites kaya't nasisira ito.

     Kapag tinamaan na ng malarya ay puwede pa itong maulit kapag nakagat uli ng lamok na nagdudulot ng malarya. Kaya't kinakailangan ng ibayong pag-iingat at para maiwasan ito ay maging malinis sa kapaligiran. Tiyaking may takip ang imbakan ng tubig para 'di pangitlugan ng lamok. Siyempre, kapag nakaramdam ng mga nabanggit na sintomas magtungo agad sa hospital para maagapan nang hindi na mauwi pa sa komplikasyon at kamatayan.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...