Ang mansanas ay isang uri ng prutas na talaga namang napakalinamnam dahil sa manamis-namis ang lasa. Kaya nga’t naging paborito itong kainin ng marami at laging isinasama sa diet. Bakit hindi? Bukod sa masarap na ay masusutansya rin ito. May kasabihan nga na “An apple a day keeps the doctor away!” Mayroon itong katotohanan dahil kung uugaliin lang ang pagkain ng mansanas ay makaiiwas tayo sa maraming sakit.
Mayaman sa antioxidants ang mansanas kaya’t nagpapalakas ito ng ating resistensiya. Mayroon din itong complex carbohydrates na nakapagpapalakas ng ating katawan. Tandaan lamang namas maraming sustansiyang makukuha sa mansanas kung kasama ring kakainin ang balat nito. May mga tao kasi na ayaw kumain nito dahil sa matigas diumano.
Punung-puno rin ito ng soluble fiber na tinatawag na pectin , ito ay tumutulong upang mapababa ang cholesterol level sa katawan at binabawasan ang panganib sa cardiovascular disease at stroke. Nakatutulong din ito para makapagbawas ng timbang. Kaya’t ang mansanas ay sadyang mainam sa mga gustong huwag tumaba o bumigat nang husto. Ang fiber din sa mansanas ay tumutulong para malimitahan ang asukal sa dugo. Mayroon kasi itong taglay na galacturonic acid na nagsisilbing insulin sa katawan. Kaya’t rekomendado itong kainin para sa mga mayroong diabetes. Bukod dito ay nagpapaganda pa nito ang daloy ng ating dugo.
Nagtataglay din ito ng tinatawag na malic acid at tartaric acid na tumutulong sa pagkasira ng atay at tumutulong sa ating panunaw. Dahil din sa pagkain ng mansanas ay maaaring makaiwas sa pagkakaroon ng colon cancer, lung cancer at maging ng prostate cancer. Mainam naman ang pag-inom ng apple juice para makaiwas sa pagkakaroon ng sakit sa bato. Nagsisilbi ring itong proteksiyon sa buto dahil sa taglay nitong boron at flavonoid na tinatawag na phloridzin. Kaya’t rekomendado ito sa mga kababaihan para huwag tamaan ng osteoporosis.
Base sa pag-aaral ng mga eksperto ay tumutulong din ang mansanas para mabigyan ng proteksiyon ang utak ng tao para labanan ang mga free radicals na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng problema sa memorya kapag tumatanda na. Kumbaga, tumutulong ito para manatiling malinaw ang ating mga memorya.
No comments:
Post a Comment