Monday, September 1, 2014

Tips Para Ganahang Kumain

  Nawawalan ka ba ng ganang kumain? Maaaring ang dahilan nito ay masama ang iyong pakiramdam o ‘di-kaya’y dahil sa mga iniinom na gamot. Maaari ring ang sobrang pag-inom ng alak at paninigarilyo ang dahilan nito. Kapag sobra rin ang pagod ng isang tao ay nawawalan din nang ganang kumain. Napakahalaga pa naman ng pagkain dahil ito ang nagbibigay ng lakas sa ating katawan at isipan. Ano na lang ang mangyayari kung laging kulang ang ating ating kinakain?


            Para ganahang kumain ay kailangang palakasin natin ang ating panlasa. Pumili ng mga pagkaing sa tingin pa lang ay maeengganyo nang kainin at tunay namang masarap sa panlasa. May mga nilutong pagkain kasi na sa tingin pa lang ay nakakaumay na. Baka ganito naman ang pagkaing nakahain sa mesa. Kapag paulit-ulit din nang ulam ay nakawawalang gana. Kaya’t mas mainam na magkaroon ng iba’t ibang putahe sa araw-araw.

            Huwag munang uminom ng anumang likido bago o habang kumakain dahil mapupuno agad ang tiyan. Malamang ay konti na lang ilalaman sa tiyan. Pakiramdam mo ay busog ka na pero hindi pa pala. Dapat ding iwasan ang ‘di pagkain sa napakatagal na oras dahil maaaring makaramdam ng panghihina kaya’t mawawalan nang ganang kumain. Bukod dito ay makararamdam pa nang pangangasim ng sikmura dahil nalipasan na ng gutom.

         Kung nagbibisyo, makabubuting tigilan na ang paninigarilyo at pag-inom ng alak para ‘di makaapekto sa kalusugan. Para maibalik ang dating gana sa pagkain ay ugaliing mag-ehersisyo. 

          Kumain ng mga pagkaing mayaman sa calories tulad ng saging, mani, mais, patatas at iba pa. Uminom din ng mga inuming sagana sa calories tulad ng cranberry juice, prune juice, grape juice at iba pa. 

          Mainam kung pupunuin ang imbakan ng mga paborito mong pagkain. Basta ba siguraduhin mo lang na healthy food ang mga ito. Dahil alam mong marami kang pagkain ay kakainin mo ito kaysa naman masayang. ‘Di bale nang bumigat ang iyong timbang kaysa naman sa walang ganang kumain at mauwi pa ito sa pagkakasakit. 


          Gawing komportable sa pakiramdam ang hapag-kainan para maging maayos ang pakiramdam. Maaari ring kumain kasama ang taong iyong kinagigiliwan para ganahang kumain. Habang kumakain ay samahan ng konting kuwentuhan hanggang sa ‘di namamalayan na marami ka na palang nakain.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...