He is Arvin Jimenez, also known as Tado, a truly MarikeƱo although he is a native of Leyte. If you know him personally, you will learn that he is not just a comedian. Maybe he looks funny because of his style: a long haired guy with thick sunglasses. But this man has a lot of skills and talent. Aside from being a comedian, he is also a host, event organizer, businessman, biker and many more.
Saturday, February 15, 2014
Thursday, February 13, 2014
Tips sa Pagpapapayat
Nahihirapan ka bang magpapayat? Tuloy, hindi mo matupad ang kagustuhang maging balingkinitan ang pangangatawan tulad ng mga hinahangaan mong modelo sa magasin o ‘di kaya’y sa telebisyon. Ayos lang ‘yan, hindi mo naman sila kailangang gayahin. Ang importante ay mabawasan ang taba sa katawan para naman magkasya ang mga dati mong damit at pantaloon na ngayon ay ‘di na masuot dahil sa sobang sikip. Narito ang ilang ilang simple subali’t makatutulong sa pagpapayat.
Ayon sa mga fitness instructor ay huwag basta kakain kung hindi ka naman nagugutom. Pero hindi nangangahulugang laktawan na ang pagkain. Magpigil lang muna hanggang sa makaramdam ng gutom. Naging ugali na kasi ng iba na kain lang ng kain kaya’t ang resulta ay tumataba. Para hindi matukso ay ilayo ang mga pagkain sa paningin. Huwag mag-iimbak ng mga biskuwit, tsokolate at kung anu-ano pang minatamis na pagkain sa loob ng refrigerator. Kung talagang hindi kayang pigilan ang sarili ay bumili lang ng paisa-isa.
Kapag nagbabawas sa pagkain ay mahirap punan ang kinakailangang bitamina at mineral sa katawan. Kaya’t ang mabuting gawin ay uminom ng vitamin at mineral supplement. Para kahit nagdi-diyeta ay mananatili pa ring malakas ang pangangatawan. Iawasan din ang mga pagkaing mayaman sa calouries dahil nakapagpataba ito. Habang kumakain ay ugaliing uminom ng basong tubig. Maaari ring uminom ng isa o dalawang tasa o tsaa sa loob ng isang araw.
Kung sakali namang sa kabila ng ginawang pagsisikap ay wala pa ring nangyari para pumayat ay hindi dapat mabawasan ang kumpiyansa sa sarili. Ika nga, nasa nagdadala lang ‘yan.
Mga Sintomas ng Typhoid Fever
Ang typhod fever ay sinasabing isang bacterial infection na nakukuha sa maruming tubig, gatas, sea foods at iba pang pagkain. Ito ay dulot ng salmonella organism na maaaring magbuhat sa dumi ng tao. Karaniwang nakukuha ang sakit na ito sa panahon ng tag-ulan.
Kumplikado ang typhoid fever dahil bukod sa marami kang iindahing sakit sa katawan ay mahaba rin ang araw na inaabot kapag taglay ang sakit na ito. Karaniwan itong tumatagal ng dalawang linggo. Ang mga sintomas nito sa unang linggo ay ang pagsusuka, pagtatae, ubo, pananakit ng ulo, mababang timbang, panghihina ng katawan, mahaba at tuloy-tuloy na lagnat na may kasama pang panginginig. Sa ikalawang linggo naman ay magkakaroon ng pantal, dehydration o pagkatuyot ng tubig sa katawan, pagbagal ng pulso at pagbaba ng bilang ng white blood cells.
Kapag mataas ang lagnat dapat na uminom ng maraming tubig at fruit juices. Importante rin ang bakuna laban sa typhoid fever. Maaari ring bigyan ang may sakit ng ampicilin at chloraphemicol para pigilin ang bakterya hanggang sa tuluyang mawala ang sakit. Dapat na iwasan ang paggagamot base sa sariling opinyon lamang, mahalagang magpatingin sa duktor para marisitahan ng kaukulang gamot.
Pero simple lang naman para maiwasan ang sakit na ito kinakailangan lang ay ibayong pag-iingat sa kinakiain at iniinom na tubig. Maiiwasan din ito sa pamamagitan ng paghuhugas ng kamay bago at pagkatapos kumain. Siyempre, importante na panatilihing malinis ang kapaligiran para makaiwas sa anumang uri ng sakit.
Ang Galing ng Kamote!
Kilala ang kamote dahil maraming luto ang nagagawa rito. Puwedeng gawing camote cue, camote chips, camote fries at kung anu-ano pa. ‘Yun nga lang pagkataps mong kumain ng kamote lalo na ang nilagang kamote ay naglalabas ng masamang hangin ang nakakain nito. Pero kahit ganito ay maraming mahilig kumain ng camotwe dahil sa masarap nitong lasa.
Kaya lang naman ito naglalabas ng hangin dahil may uri ng carbohydrate na hindi natutunaw sa bibig. Ang carbohydatre na ito ay tinatawag ba soluble fiber at resistant starch na sa malaking bituka lamang natutunaw. Ito ay sa tulong na rin ng mga micro-organism na nasa loob ng malaki nating bituka. Habang tinutunaw ang kamote ay gumagawa ito ng methane gas at hydrogen. Pero ang maganda rito ang soluble fiber at resistant starch ay tumutulong para linisin ang mga dumi sa loob ng ating bituka. Kaya’t mainam kainin ang kamote ng mga taong nakararanas ng constipation o hirap sa pagdumi.
Ang kamote ay sadyang masustansiya kahit ano’ng kulay o klase ng kamote pa ‘yan. Bakit hindi? Ang kamote kasi ay mayaman sa beta carotene, potassium, vitamin A, vitamin C at Vitamin B6. Base sa pag-aaral ng mga eksperto, ang kamote ay nagsisilbing panlaban sa diabetes dahil tumutulong ito para manatiling maayos ang sugar level sa ating katawan. Panlaban din ang kamote sa pagkakaroon ng heart stroke. Ang vitamin C na nakapaloob dito ay nagsisilbing proteksiyon sa coronary heart disease. Pero mainam lang ito sa puso kung ang kamote ay walang halong fat o hindi niluto sa mantika. Nag-aalis din ang camote ng mga heavy metals o toxics sa loob ng ating katawan gaya ng cadmium, copper at lead.
Mainam din ang kamote bilang alternatibong pamalit sa kanin dahil mabigat ito sa tiyan at talaga namang nakabubusog. Paalala pagkatapos kumain ng kamote ay magpasinatabi muna kung nakararamdaman ng kakaiba para na rin makapagtakip ng ilong ang iyong mga kasamahan. Isa pa, hindi totoong mangangamote ka kapag kumain ka ng kamote bagkus ay matututo ka na ang kamote ay hindi lang basta isang root crop!
Benepisyo sa Abokado
Ang abokado na may scientific name na Persea Americana ay kilala rin sa tawag na Alligator Pear dahil sa balat nito na animo’y sa balat ng buwaya. Pero huwag maganda itong hawakan dahil sa makinis ang balat nito. Siyempre, paborito rin ng marami dahil sa manamis-namis nitong lasa. Kung ating aalamin ay marami ritong makukuahang nutrients. Ang abokado ay isa sa ikonokonsidera ng mga eksperto na pinakamasustansiyang prutas sa mundo.
Ito ay mayroong 60 porsiyentong pottasium, mas maataas kapag sa saging ikukumpara. Ang potassium ay ngsisilbing pangontra sa mga sakit gaya ng hypertension, sakit sa puso at stroke. Mainam ito pangontra laban sa diabetes dahil tumutulong itong mapanatili ang sapat na antas ng asukal sa ating dugo. Nagtataglay din ito ng Vitamin E na nagsisilbing nakapgpapatagal sa pagtanda at nagsisilbing proteksiyon din sa pagkakaroon ng cancer tulad ng breast cancer at prostate cancer.
Itorin ay nagtataglay ng oleic acid, isang uri ng monounsaturated fat na tumutulong para mapababa ang cholesterol. Mayaman din ito sa beta-sitosterol, isang natural sangkap para sa pagpapababa ng cholesterol level. Mayroon din itong folate , isang mahalagang nutrients para sa pagkakaroon ng malusog na puso. Ang folate ay isang mahalagang mineral na maganda para sa kababaihang nagdadalangtao dahil inaalagaan nito ang mga cells at tissue. Dahil dito ay magiging maayos ang kalagayan ng sanggol na nasa sinapupunanan ng ina at lalabas na wala itong depekto tulad ng tinatawag na spina bifida o isang tipo ng depekto sa neuron.
Nagsisilbi ring pampalinaw ng ating mga mata ang abokado dahil maganda itong pagkuhanan ng lutein na kilalang pantulong para sa pagkakaroon ng maayos na paningin. Tulad din ng mga gulay ay mayaman din ansa fiber ang avocado kung kaya’t maanim din itong gamot sa mga nahihirapan sa pagdumi. Nagsisilbi rin itong pampalakas ng resistensiya. Bukod sa benepisyo sa kalusugan ay mainam din ang abokado na pampaganda ng balat dahil nakapagpapawala ito ng dry skin. Base sa pag-aaral ang pagkain ng kalahating abokado kada araw ay nakatutulong para kuminis ang balat.
Swimming Makatutulong sa Pagbabawas ng Timbang
Ang swimming ay isang nakalilibang na uri ng physical fitness. Ngunit bukod dito ay isa rin itong paraan para makapagbawas ng timbang.
Sinasabi ng mga eksperto na hindi gaanong epektibo ang swimming kumpara sa ibang cardiovascular exercises pagdating sa pagsunog ng calories at taba sa loob ng katawan. Pero ito na rin ay nakadepende kung gaano ba katagal ang iyong ginawang paglangoy. Ang paglangoy ay nagpapalakas ng mga muscle sa puso at maging ng baga. Kaya naman nakapagpapaganda rin ito ng pagdaloy ng hininga. Ang mabagal na paglangoy sa loob ng ttlumpung minuto ay nakababawas ng 300 calories. Samantalang ang mabilis na paglangoy ay nakababawas naman ng 400 calories sa ganundin oras.
Halos hindi rin ito nalalayo sa pagtakbo sa loob ng kalahating oras , sa bilis na 1 mile kada walong minuto na nakapagbabawas ng 450 calories. Hindi biro ang lumangoy at tumakbo sa loob ng tatlumpung minuto. Pero kung gusto mo naman talagang makapagbwas ng timbang ay mainam itong gawing ehersisyo. Ngunit mas mainam pa rin ang paglangoy kumpara sa pagtakbo dahil ang water pressure ay nakapagpapalakas ng iyong pang-itaas na bahagi ng katawan pati na rin ng mga binti. Mainam ang paglangoy sa mga nakakraranas ng arthritis dahil hindi naman akma sa kanila ang pagtakbo.
Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto, ang mga taong lumalangoy sa malamig na tubig ay mas maraming calories na nababawas sa kanila kumpara sa mga taong lumalangoy sa hindi malamig na tubig. Ang malamig na tubig kasi ay nakadadagdag ng gana sa manlalangoy para lalo pang magbabad sa tubig. Pagkatapos nga lang lumangoy ay maaaring magutom kaya’t ang ginagawa ng iba ay kumakain ng madami kaya’t balewala rin ang pagbabawas ng timbang. Kontrolin lang ang kain para ‘di masayang ang ginagawang pagbabawas ng timbang.
Para maging epektibo ang pagbabawas ng timbang ay mas mabuting samahan na rin ito ng pagtakbo, jogging at ng mabilis na paglalakad. Tiyak na mas maraming calories ang mababawas sa katawan at mapapalakas pa nito ang ating metabolismo.
Tuesday, February 11, 2014
Masamang Dulot ng Sobrang Pagsa-shampoo
Araw-araw ka bang gumagamit ng shampoo kapag naliligo? Pero marami sa atin na ganito na ang naging kaugalian, sa pag-aakalang nakabubuti ang ganito sa kanilang mga buhok. Pero ang tao ay may iba’t ibang klase ng buhok at hindi nababagay para sa lahat ang araw-araw na pagsha-shampoo.
Karaniwang kapag nasobrahan sa paggamit ng shampoo ay nakakapagpa-dry hair-dahilan para magtayu-tayo at mag-fy away ang buhok. Bukod dito ay ginagawa ring dry ang ating anit at nawawala rin ang natural na kintab at kulay ng buhok. Kung minsan pa nga ay nagiging dahilan pa ito para lalo maging oily ang ating buhok at ang masaklap ay nagiging dahilan ito para magkalagas-lagas ang buhok. May mga tao ring paiba-iba ng gamit ng shampoo at hindi rin maganda ang nagiging epekto nito sa kanila. Ang dapat lang na gamitin ay kung saan hiyang ang iyong buhok.
Kung ikaw ‘yung tipo na masyadong oily ang buhok, dapat ka ngang gumamit ng shampoo araw-araw. Pero hindi nangangahulugan na dapat mong lagyan ng shampoo ang kabuuan ng iyong ulo. Dapat lang na tumutok sa bahagi ng anit na pinagmumulan ng maraming oil. Pero kahit pa masyadong ma-oily ang anit ay nawawala o nababawasan din ito sa sandaling humahaba na ang buhok.
Kung mayroon ka namang dry hair ay makabubuting huwag araw-arawin ang pagsha-shampoo dahil lalo lang itong magiging dry. Kahit pa ang shampoo na ginagamit ay yaong para sa dry hair, hindi rin ito maganda kung madalas na gagamitin. Kapag binawasan ang pagsha-shampoo mapapansing mas maganda at makintab ang iyong buhok dahil hindi ito expose sa detergent na taglay ng shampoo.
Ngunit may mga sitwasyon na kailangan ding gumamit ng shampoo ng madalas. Ito ay kung madalas kang magbabad sa swimming pool, mahalagang mahugasan ang chlorine dahil ito ay nakakapag-dry ng buhok at nakakapagpapahina din ng kulay ng buhok. Kapag ganito ang kaso, pumili ng shampoo na walang halong chemical sulfates. Ang mga kemikal na ito ang itinuturong responsible sa pagkakaroon ng hindi magandang epekto ng shampoo sa buhok. Kapag nagsha-shampoo ay huwag ding masyadong pakadamihan ang paglagay, dapat ay ‘yung katamtaman lang. May kasabihan nga tayo na ang lahat ng sobra ay nakasasama.
Saan Nagmula si Santa Claus?
Ang Pasko ay itinuturing na pinakamasayang pagdiriwang sa buong taon. Lagi itong inaabangan ng lahat, lalo na ng mga bata, dahil ito ang tanging panahon na nakatatanggap sila ng mga regalo.
Maging tayo, noong ating kabataan, may isang persona na lagi nating inaabangan tuwing Pasko: ang pagdating ni Santa Claus. Nariyang sumusulat tayo ng mga bagay na gusto nating matanggap, at umaasang siya ay dadalaw at ibibigay ang ating mga hiling.
Minsan, naghihintay pa tayo ng hatinggabi at inaabangan ang kanyang pagdating, ngunit sa kabila ng matagal na paghihintay ay hindi man lamang natin nasilayan ang kanyang anino.
Ngunit pagsapit ng umaga, pagtingin natin sa mga medyas na nakasabit, magugulat na lang tayo sa ating makikita: mga kendi, tsokolate, pagkain, at mumunting laruan. Puno ng katuwaan, mapapasigaw tayo sa tuwa: “Yehey! Hindi ako nakalimutan ni Santa!”
Minsan naitatanong din natin,” Totoo bang may Santa Claus?” “Nakasakay ba talaga siya sa isang paragos na hila ng walong usa , na pinangungunahan ni Rudolph na may mapulang ilong?” “Totoo bang may dala siyang tsokolate galling sa North Pole?”
Ang maalamat na kuwento ng tagapagbigay ng regalong ito sa mga bata ay kilala bilang St. Nicholas, Niclaus, San Nicolaas, Sinter Klaas at ng huli ay naging Santa Claus. Ngayon ay kilala siya sa mundo sa iba’t ibang pangalan: Sa Canada, siya ay si Pere Noel o Father Christmas; sa France, Le Petit Noel; sa Germany, Christkindl o Christ child; Yule Man sa Denmark; sa England, Australia at South Africa, Father Christmas; sa Spain, Papa Noel; sa Italy, Babbo Natale; at sa China, Shen Dan Lao Ren o Christmas Old Man.
Si Santa Claus o St. Nicholas ay isang simbolo sa Pasko ng mga Amerikano. Siya ay kombinasyon ng mga tradisyong Europeo, partikular na sa Amsterdam . Ang mga early Dutch settler ang unang nagpakilala ng ideya ni Santa Claus. Ang kanyang pagkakakilanlan na snow, reindeer at North Pole ay may pinagmulang Scandinavian o Norse.
Sa America, ang kanyang pagdalaw (na pinapaniwalaang sa hatinggabi, kung saan bumababa siya sa tsiminea at nag-iiwan ng mga regalo habang tulog nag mga bata) ay mas nakikilala sa Pasko kaysa sa Araw ni San Nicholas, na ipinagdiriwang sa Europa tuwing Disyembre 6 bilang kanyang kapistahan.
Ayon sa lumang alamat, may nabuhay na isang totong Santa Claus na ipinanganak sa Parara, isang syudad ng Lycia . Ang kwento ni Santa Claus ng kasaysayan ay isang obispo ng Myra sa Asia Minor noong ikaapat na siglo.
Sa lahat ng mga Kristiyanong santo, si St. Nicholas ang pinaka-popular at iginagalang dahil na rin sa kanyang reputasyon ng pagiging mabait at mapagbigay. Sinasabing nagbigay siya ng tatlong bag ng ginto para sa dowry ng tatlong mahirap na magkakapatid na babae na ikakasal upang iligtas sila sa kahihiyan. Mula rito, si St. Nicholas ay kinilala bilang patron at bantay ng mga bata.
Si Santa Claus ay maaring isang alamat lamang para sa iba, o totoong tao para sa iba; ngunit ang kanyang mataba at masayahing pigura ay mananatiling naka-marka sa ating mga puso at isipan. Ang kanyang personalidad ay mabait, kakaiba, makulay, at mananatiling simbolo ng masayang pagbibigayan tuwing kapaskuhan.
Gardening: Isang Uri ng Pag-iehersisyo
Hindi lamang ang paglalakad, pagtakbo-takbo at iba pang physical activities ang maituturing na ehersisyo kundi maging ang pagga-gardening ay isa ring mabisang paraan ng pag-i-ehersisyo. Sadyang ito ay matipid dahil wala kang ibang pagkakagastusan dahil sa loob mo lang ng bakuran gagawin kaya’t hindi mo na kailangan pang pumunta sa gym. Pero kailangan pa bang magkaroon ng tinatawag na green thumb para ito ay maisakatuparan? Hindi naman, ang kailangan mo lang ay magkaroon ng interes dito lalo na’t hindi biro ang pagga-garden. Pero saan ba at mai-enjoy mo rin ito?
Ipinapayo ng mga eksperto na maglaan ng kahit 30 minuto sa pagga-gardening araw-araw. Pero mas maganda kung mas matagal pa rito dahil siguradong mai-exercise nang husto ang katawan. Mainam ang ganitong uri ng ehersisyo dahil halos lahat nang mga muscle sa katawan ay siguradong mababanat gaya ng kamay, binti, leeg, likod at iba pa. Ito ay sa pamamagitan ng pagbubunot ng mga damo, pagkakalkal ng lupa at mismong pagtatanim ng mga gulay at halaman. Para ka na ring nag-lift weighting kapag may buhat-buhat na mabibigat katulad ng wheelbarrow na may lamang lupa. Dahil dito ay lalakas ang iyong pangangatawan at masusunog pa ang mga calories. Tinatayang sa pagbubunot lang ng damo ay 182 calories agad ang nababawas, samantalang sa paghuhukay ng lupa ay 202 calories naman ang nawawala.
Ngunit bago ito isagawa ay kailangang mag-strech-strech muna bago at pagkatapos mag-gardening para maiwasan ang pananakit ng mga muscle. Bukod sa mga nabanggit ilan pa sa magandang dulot ng gardening ay nakababawas ito ng blood pressure at cholesterol levels at nilalabanan din nito ang pagkakaroon ng diabetes at maging ang pagkakaroon ng steoporosis.
Ang mainam pa, hindi lamang ang ehersisiyo ang mapapakinabangan mo sa pagga-gardening. Siyempre, lulusog din ang pangangatawan mo dahil sa mga tanim na gulay dahil makasisigurong sariwa ito dahil ikaw mismo ang nagtanim. Siyempre pa, magiging presko at maganda rin ang paligid kapag mayroon kang garden sa loob ng inyong bakuran.
Oks Ang Okra
Ang okra (Abelmoschus escuclentus Linn.) ay isa sa mga gulay na sangkap sa pagluluto. Kilala ito dahil sa magsapang na balat at madulas din ito sa panlasa. Ngunit alam ba ninyo na ang okra ay may katangiang pampaginhawa ng balat, pampapawis, pampalamig, pampaalwan ng paghinga at pampakalma?
Ang okra ay may taglay na Vitamin A at C. Mainam din itong pagkunan ng iron at calcium. May taglay din itong starch, fat, ash, thiamine at riboflavin. Ang pinakuluang ugat at dahon ng okra ay maaring inumin bilang tsaa. Ang pinakuluang dahon ay mainam sa sakit ng sikmura. Ang pinakuluang mura o hilaw na bunga ay nakatutulong sa pamamaga ng ilong at lalamunan, maging sa mga problema sa pag-ihi.
Ang syrup mula sa malagkit na bunga nito ay ginagamit sa sore throat. Ang ugat nito ay dinudurog at pinaiinitan upang pampagaling ng sugat. Ang mga murang buto ay gamot sa lagnat, hirap sa pag-ihi, at pagtatae. Ang buto ng okra ay ginagamit din bilang coffee substitute. Ang buto din nito na inihalo sa gatas ay maaring itapal sa makating balat.
Sunday, February 9, 2014
Isang tula ni Tado Jimenez
Note: Si Tado Jimenez ay 'di lang isang artista kundi isa rin siyang makata. Ang tula na ito ay ipina-critic sa akin ni Tado para sa diyaryo niya noon na Asintado. 'Di nga lang niya nilagyan ng pamagat ang tula niyang ito. Bukod sa aking interprestasyon kayo na rin ang bahalang magbigay ng kahulugan nito. Isang bagsak para sa tula ni Tado!
Dighay ay katumbas ng sermong umaalingasngas
Sa aking pagpikit
Lintik ang pihit na sumisilip
Agaw-agaw ay idlip
Ipit ang letra sa malaimbudo kong isip
Patak-patak, sumasaling, lumalagapak
Akala mo’y alak ‘yun pala ay halakhak
Pakyawan ang mga katagang ‘di ko mabili
Patay-malisyang nagmamasid
Pilit kong sinusulsi mga ideyang maurirat
Maski kaluluwa’y binubusisi
Bawat dampot sa alpabeto ay humaharurot
Kapalit sa paglaho ay surot
Titiniris nang kakarampot
Umaga na. Sa aking diwa ay gumagabi pa
Gusto kong ipamalita
Naisalin ko na sa tula
Ang pinakamahabang buntong hininga.
Ang tulang ito ay isinulat ni Tado isang araw matapos siyang matulog. Karaniwan, kapag natutulog ang isang tao ay napapahinga rin ang isipan. Kaya’t paggising ay nagiging aktibo ang utak. Walang duda na sa kaso ni Tado ay ganito ang nangyari kung kaya’t ang kanyang imahinasyon ay nagluwal ng isang tula.
Mistulang may nais pang sabihin si Tado higit pa sa mga nakasaad sa tulang ito. ‘Yun nga lang ay nakakulong ang mga letra. Balintuna pa ang kanyang paggamit ng mga salita, “Ipit ang letra sa malaimbudo kong isip.” Kapag sinabi kasing malaimbudo ay mahuhulog lang ang anumang ipasok mo rito tulad ng mantika. Ngunit ang letra nga ay nakaipit pa at kung may lumalabas man ay pakunti-kunti lang. Kaya nga nasabi niya na, “Patak-patak, sumasaling, lumalagapak/ Akala mo’y alak ‘yun pala ay halakhak.” Ang alak ay waring sumisimbolo na lamang sa diwang nalasing na may hatid na ampaw na halakhak.
Marahil sa isip ni Tado ay nagsasalpukan ang maraming ideya. Sa dami ng nais niyang sabihin ay hindi niya malaman kung ano ang uunahin. Tulad ng sinasabi niya, “Pakyawan ang mga katagang ‘di ko mabili.” Oo, nasa dila at isip ng makata nakasalalay ang paglikha ng tula. At hindi mabubuo ang mga salita sa kanyang sarili lamang. Subali’t sadyang may pagkakataon na masalimuot ito. Sa iyong pagsusuri ay parang ikaw mismo ang inuurirat. Ngunit magkagayun man ay hindi sumusuko si Tado sa paghabi ng mga kataga, “Pilit kong sinusulsi mga ideyang maurirat/ Maski kaluluwa’y binubusisi.”
Dangan nga lang ay lubhang mailap ang mga letra kay Tado. Para siyang humahabol sa isang sasakyan na mabilis ang andar. Sabi pa niya, Bawat dampot sa alpabeto ay humaharurot/Kapalit sa paglaho ay surot/ Titiniris nang kakarampot. Sa pakikipaghabulan niya sa mga kataga ay mistulang nanliit ang kanyang pakiramdam na parang surot. Ngunit taglay ng surot ang katangiang sumiksik kung saan-saan katulad ng pagsumiksik ng kanyang isip sa dapat suotan.
Oo, bagong gising si Tado, ngunit nalalambungan pa ng dilim ang kanyang isipan, “Umaga na. Sa aking diwa ay gumagabi pa.” Marahil ay maraming iniisip si Tado na mga bagay-bagay, marami siyang gustong sabihin. Maaaring ito’y tungkol sa mga problemang kinakaharap ng kanyang bayan lalo na’t si Tado ay may kamalayan sa mga nangyayari sa lipunan. Hindi niya mapagkasya ang lahat ng ito sa isang tula lamang. Kipkip-kipkip na niya ang mga ito bago pa man matulog.
Kung papansinin, nagsimula at nagtapos sa hangin (dighay at buntong-hininga) ang tulang ito ni Tado. Magkaiba man ang sanhi nito, pareho itong hinugot mula sa ating kaloob-looban. Bagama’t ang tulang ito ay tumutukoy sa kailapan ng mga kataga ay ‘di nangangahulugang hindi siya marunong manghuli ng mga kataga. Eh, ang tulang ito ay patunay lamang kung gaano kapulido maghanay ng mga kaisipan si Tado sa tula.
Kaya’t dapat nating asahan na sa mga susunod na araw ay may hatid na panibago na namang tula para sa atin si Tado!
Wednesday, February 5, 2014
Facebook sa Buhay ng Mga Pinoy
Sampung
taon na pala o isang dekada na pala sa kasalukuyan ang Facebook. Kung hindi ako
nagkakamali kasabayan lang ito ng Friendster. Pero siyempre mas unang pumatok
ang Friendster. Karamihan naman siguro sa atin ay merong accont dito. Sa
pagkakaalam ko, taong 2008 pa bago unti-unting pumasok sa buhay nating mga
Pinoy ang Facebook.
Sa
umpisa, and’yan pa rin naman ang Friendster at hindi basta nasasapawan. Pero
mas maraming innovation ang Facebook kaya’t nagustuhan natin ito. Una, meron
itong chat at meron ding real news feed. Kaya’t alam mong on time ang post ng
iyong mga ka-FB. Puwede ring gumawa ng fan page kaya’t marami sa atin ang bigla
na lang mga naging instant celebrity. Dahil na rin sa dami ng likes o followers.
Sa ganitong paraan na nga sinusukat ng ilan ang kasikatan ng isang tao,
organisasyon at iba pa. Naging daluyan din ang Facebook ng promotion ng iba’t
ibang bagay. Bakit hindi? Eh. Ang daming makakakita kapag nag-post ka rito. Basta
ang daming puwedeng gawin sa Facebook kumpara sa Friendster. Kaya’t dumating
ang araw na tinanggap na lang nila na natalo na sila ng Facebook. Mula sa
pagiging social media ay naging pang-games na lang ito. At least, hindi sila
nagsara. Hindi lang naman Friendster ang pinataob ng Facebook pati na rin ang
Multiply, My Space at iba pa. Kahit pa may Twitter ay ‘di nito napapataob ang
Facebook.
Sinasabing
ang Facebook ay nilikha lamang ng founder nito na si Mark Zuckerberg sa kanyang
kuwarto noong siya ay nasa kolehiyo pa lamang. Dahil sa imbensyon niyang ito ay
naging bilyonaryo na siya. Puwede nang ihanay kina Bill Gates at sa namayapa
nang si Steve Jobs. Kung may magkakapareho man silang mga katangian, marahil
ito ay ang pagiging malikhain at hindi basta-basta sumusuko. Pang-estudyante
nga lang ang Facebook noong una. Hanggang sa lumawak na ang saklaw nito at
naging pang-buong mundo na. Sa kasalukuyan ay meron na itong mahigit isang
bilyong user. Kung magiging republika nga raw ang Facebook ay susunod na ito sa
Tsina na may pinakamalaking populasyon sa mundo. Siyempre, malaki ang ambag
nating mga Pinoy sa bilang na ito. Sa dami ba naman ng mga adik sa Facebook sa
Pilipinas. Halos lahat ng kakilala natin ay may account na sa Facebook. ‘yung
iba nga, higit pa sa isa ang account. Puwedeng sobrang dami nilang mga kaibigan
o ‘di-kaya naman ay may ibang purpose kung saan gagamitin ang ibang account.
Siyempre,
ang Facebook ay may mabuti at masamang epekto. Depende na lang kung saan natin
ito gagamitin. Ang maganda rito, kahit gaano pa kalayo ang pagitan natin sa
isa’t isa, kapag nag-uusap tayo sa Facebook ay para bang magkaharap lang tayo.
Mula balitaan hanggang walang kawawaang mga status ay ipinu-post natin sa
Facebook. Para tuloy naging bukas na libro na ang buhay ng marami sa atin.
Anumang emosyon ay ating ibinabahagi, maging pagkatuwa, lungkot, galit at iba
pa. Ang mga walang imik sa personal ay nagiging madaldal sa Facebook. ‘Yung iba
naman kung makapagsalita ay akala mo ay kung sino nang matapang. Hindi naman
sigurado kung kaya bang panindigan ang kanyang sinasabi sa personal. Dahil din
sa Facebook ay nahahanap natin ang mga taong matagal na nating ‘di nakikita. Nagkaroon
na ng maraming reunion dahil dito.
Ang
nakatutuwa pa sa Facebook ay lumalabas ang pagiging masayahin nating mga
Pilipino. Kasi halos lahat ng pumuputok na isyu ay ginagawan ng iba ng meme o ng
mga kuwelang litrato. Sa ganito na lang kasi nailalabas ng iba ang kanilang
komento sa nangyayari sa lipunan. Nagsisilbi itong parody para manatili tayong
may pakialam sa isyu. Huli na nila ang isyu ay huli pa nila ang kiliti ng mga
user. Ang ilan nga dito ay sadyang katuwaan lang. Kaya’t makitawa na lang para
makasabay kung ano ang in. Pero napatunayan na rin na ang Facebook ay kayang
magpakilos ng mga tao. Naging bahagi na ng kasaysayan ng bansa natin ang Milion
People March na bunsod na rin ng sentiyemento natin hinggil sa usaping pork
barrel scam.
Pero
sadyang may mga tao na ginagamit sa kalokohan ang Facebook. Nand’yan ang
magkalat ng kung anu-anong nakakaiskandalong larawan o video. Ginagamit din ito
ng iba para siraan ang mga taong kagalit o kaaway nila. Ilang buhay na rin ang
nasira dahil sa ganitong klase ng gawain. May mga nagtatago rin sa mga pekeng
litrato at pangalan. Kung tawagin natin sila ay mga poser. Nand’yan ‘yung
mambuwisit sila kapag nagku-comment sa post ng iba. Meron ding mga nang-i-scam
sa ginagawa nilang transaksiyon sa Facebook. At ang masakit, may mga
nangyayaring karumal-dumal na krimen dahil dito. Kaya’t ibayong ingat lang ang gawin dahil karamihan
sa ating mga ka-FB ay hindi naman natin kilala ng personal.
Anuman
ang epekto ng Facebook sa buhay natin ay dapat natin itong ipagpasalamat sa
gumawa nito. Nasa atin na rin naman kasi kung paano natin ito gagamitin. Para
lang itong itak, puwede mong gamitin pangsibak ng kahoy o pansibak ng tao.
Masaya ako at nakalikha ako ng libro tungkol sa Facebook. Ang librong ito ay
may pamagat na Adik sa Facebook na inilabas ng Psicom Publishing noong Mayo
2011. Lahat ng aking obserbasyon ay nakasulat sa librong ito. Mula nang
malathala ang librong ito ay marami na ring naging pagbabago ang Facebook. Pero
ang gawi at pag-uugali ng mga user nito ay ganun pa rin naman. Kaya’t masasabi
kong ‘di pa naluluma ang nilalaman ng librong ito.
Marahil
magtatagal pa nang husto ang Facebook dahil naging parte na ito sa ating
pang-araw-araw na buhay. Pero sana lang ay huwag kalilimutan na ang virtual na
mundo ay hindi ang mismong realidad kundi bahagi lang ito ng realidad. Kaya’t
mabuting huwag masusobrahan ng paggugol ng oras sa Facebook. ‘Ika nga, lahat ng
sobra ay masama. Bago ko malimutan, nais kong batiin si Mark Zuckerbers sa
napakagaling niyang imbensyon. Hey, Mark I want to salute you. Happy 10 years
anniversary of Facebook!!!
Tuesday, February 4, 2014
Gusto Mo bang Maging Band Manager?
May mga banda na ang ginagawa ay do it
yourself. Pero mas maganda kung mayroon silang manager. Para na rin may
mangalaga sa kanilang karera. Pero bago
magkainteres na pasukin ang ganitong uri ng negosyo dapat ay mahilig ka sa
musika. Paano ka papasok sa industriya ng musika kung wala ka namang
ka-music-music sa katawan?
Kung kukuha ng talent kailangan ay bilib ka
sa kakayahan ng banda o sabihin na nating ikaw ang number one fan nila. Para ka
rin kasing endorser ng produkto. Paano mo iiendorso ang isang produkto kung
hindi ka naman naniniwala na magandang klase nga ito? Bago tumayong manager ng
isang banda, mabuting magkaroon kayo ng kontrata. Kahit kaibigan mo pa sila ay
maganda na rin ang ganito para maging ligal at propesyunal ang samahan n’yo.
Maaaring kada-isang taon ang bisa ng isang kontrata. I-extend lang ito nang
i-extend kapag maayos pa rin ang inyong samahan. Respeto lang naman sa bawat
isa ang kailangan para magtagal ang samahan. Kapag manager ka maituturing na rin
na ikapang-limang miembro ng banda.
Kabisado mo dapat ang tipo ng musika ng
banda na hinahawakan mo. Dapat meron silang genre para meron silang
pagkakilanlan. Saka para alam mo rin kung ano’ng klase ang kanilang magiging
audience. Know your market. ‘Ika nga, alam mo kung ano ang inilalako mong
produkto. Kapag manager ka ng banda dapat ikaw ‘yung tipo ng jack of all
trades. Kumbaga, lahat alam mo. Isipin mo kung kaya mo bang ibenta ang banda na
hawak mo? Hindi naman kinakailangan na sobrang taas ng taste mo sa music. Ang
kailangan lang ay alam mo kung papatok ang isang kanta o hindi. Maaaring
magbigay ng opinyon sa banda kung ano’ng klase ng kanta ang sa tingin mo ay
tatangkilikin ng mga tao.
Alamin din ang kapasidad ng banda baka ‘di
nila kayang tumugtog ng maramihan o mahabaan. Kaya’t maigeng pagpondohin sila
ng maraming kanta. Para makasabay sila sa demand ng aarkila sa kanila. Sabi ng
mga eksperto, kapag kakaunti lang ang kayang tugtugin ng live ng banda ay wala
silang gaanong mararating. Kaya’t bilang manager, alamin mo ang
limitasyon ng grupo. Kung makakitaan mo ng kahinaan ay sama-sama kayo ng banda
na madebelop ito. Paalalahanan din sila lagi na huwag kalilimutang magpraktis
bago sumalang sa gig.
Importante rin na pakinggan ang mga
tagahanga ng banda. Tanungin mo kung ano pa ang gusto nilang mapangkinggan mula
sa banda. Hindi puwedeng sa isang negosyo ay ‘di isinaalang-alang ang
kagustuhan ng mga kostumer. Importanteng pangalagaan ang mga tagahanga
nang sa gayun ay maging loyal ang mga ito sa banda. Alalahaning maraming mga
banda na sumusulpot na magagaling din naman.
Dalawang klase ang pagbu-book sa banda. Ito
ay ang tinatawag na incoming at call out. Kapag sinabing incoming, ikaw ‘yung
tatawagan ng mga gustong magpa-book o aarkila sa iyong banda. Sa call out
naman, ikaw ang tatawag o maghahanap ng kanilang puwedeng pagtugtugan. Kapag
tumatawag siguraduhin lang na alam mo kung sino ang hahanapin at kakausapin mo.
Kapag may mga imbitasyon, alamin ang lahat ng detalye. Kung saan ang lokasyon,
kung kailan at ano’ng oras gaganapin ang gig, etc. Saka kung bagay ba ang banda
sa okasyon. Halimbawa, rakista ang hawak mong banda tapos maiimbitahan sila sa
pangsayawan na tugtugan. Dyahe yata ang ganun. Mahalagang maging visible lagi
ang banda mo para nakikita at nakikilala sila ng mga tao. Nang sa gayun kapag
may organizer na nagkainteres ay makatatanggap ng imbitasyon.
Ang pagpi-presyo kung magkano ang ibabayad
sa banda ay nakadepende na rin sa kanilang status. Kung marami bang nanunood
kapag may gig sila o kakaunti lang. Sa madaling salita, kung kilala na ba sila
o hindi. Sa mga baguhang banda, karaniwan ay mga tumutugtog ng libre. ‘Yung iba
nga, sila pa ang pinagbebenta ng tiket ng organizer kapalit ng kanilang
pagtugtog. Pero hindi dapat laging ganun dahil ‘di lalago at masasanay ang mga
organizer sa libre. Kahit paano ay may kaonti rin namang maiuuwi dahil gumagastos
din naman kayo. Isipin mo na lang, na ang pinasok mo ay isang negosyo. Kaya’t
tatagal ba kayo kung walang pumapasok na pera sa inyo? Pagdating sa kitaan,
hati-hati kayo ng banda. Kapag sa bar naman tutugtog, karaniwan dito na ang
bayad ay may porsiyento ang banda sa kung magkano man ang napagbentahan ng
tiket. Kaya mainam na mag-imbita ng mga kaibigan at kakilala para pandagdag sa
audience.
Kapag tutugtog ang banda, isipin ang
pagkakaroon ng magandang exposure. Makabubuting huwag na lang magpa-line up
kapag sobrang dami ng bandang tutugtog. Sayang lang kasi dahil ‘di rin
matatandaan ng mga tao. Maging sigurista rin, ugaliing manghingi lagi ng
downpayment bago patugtugin ang banda. May mga insidente kasi na nagogoyo o ‘di
nababayaran ang ilang banda. At least kapag nangyari ito, kahit paano ay meron
kayong nasingil. Para makasiguro gumawa ng kontrata para may panghawakan. Para
kapag nagka-aberya ay may habol kayo. Maaari rin namang ikaw ang mag-organisa
ng gig. Umarkila ng venue at doon patugtugin ang mga banda na hawak mo. Bukod
sa mga mahihilig manuood ng concert, mag-imbita rin ng mga taong may kaugnayan
sa music industry para mai-market mo ang iyong mga talents.
Huwag ismolin kahit konti lang ang crowd na
nanunood kapag may gig. Dahil ‘di mo sila kilalang lahat. Malay mo meron palang
talent scout o producer na nanunood. Paalalahanan ang banda na konti man o
marami ang nanunood sa kanila ay huwag mawawalan ng gana. Paghusayan pa rin ang
kanilang pagtugtog. Magpaka-professional sa lahat ng oras, ‘ika nga.
Bilang manager tungkuling mo rin na
magpadala ng demo sa mga record label, sa mga establisyemento kung saan mo sila
gustong patugtugin, sa mga radio station at iba pa. Ikaw din ang responsable sa
paglalabas ng mga release sa dyaryo, magasin at kung saan mang babasahin para
maging pamilyar ang iyong banda sa mga tao. Ugaliing maging ma-PR sa lahat ng
oras para makakuha ng suporta ang iyong banda sa media at sa mga nagtatrabaho
sa musika ng industriya. Unti-unti na ring lumalaganap ang internet radio sa
atin na bukas para sa OPM. Puwedeng magpadala ng demo sa kanila. Idagdag na rin
natin ang paggamit ng social media para makakuha ng mga tagahanga.
Siyempre, maglaan ng sapat na pondo para sa
operasyon ng banda. Maaari ring mag-prodyus ang banda ng cd na EP at ibenta ito
kapag meron silang gig, magdisenyo ng t-shirt na may pangalan ng banda saka
ibenta. Lahat ng posibleng pagkakitaan ay puwedeng gawin.
Car Wash Business
Kapag papasukin mo ang pagka-car wash
kailangan ay may alam ka sa sasakyan kahit basic lang. Siyempre, dapat marunong
kang maghugas ng sasakyan. Kung paano ka maghugas sa sasakyan mo ay ganun din
ang gagawin mo sa sasakyan ng kostumer mo. Bago pasukin ito ay magtanong muna
sa business licesence sa inyong
munisipyo kung ano ang kakailanganin para sa pagtatayo ng ganitong negosyo. Sa
Manila, kailangan ay 300 sqr. meter ang lugar mo para payagan kang magkaroon ng
car wash.
Kailangan mong mag-provide ng water pump o
water spray na nasa 1.5 hanggang 2 hose power. Kailangan mo rin ng pam-foam
wash, ‘yung iniispray na bula sa sasakyan. Kailangan mo rin ng compressor na
ikakabit sa pang-foam wash. Tapos ang kailangan mo na lang ay sabon, ‘yung
pang-car shampoo. Panghuli, kalangan mo ng vacum para malinis mo ang loob ng
sasakyan. Ang pagba-vacum kasi ay kasama na sa ibinibigay na serbisyo ng mga
nagka-car wash. Pero kapag sobrang dumi ng sasakyan ng kostumer ay doon na
nagkakaroon ng karagdagang bayad. Tinatawag itong general vacum.
Sa ngayon, nasa 80 pesos ang pagpapahugas
ng kotse samantalang ang van ay 150 pesos. Karaniwang umaabot sa 40 minuto ang
paglilinis ng sasakyan. Mabilis na ‘yun at may kalidad. Kasama na rin doon ang
pagba-vacum. Kapag nagka-car wash ka para ka rin lang naglalaba at naghuhugas
ng pinggan. Aanlawan mo muna dahil may mga dumi nga saka para lumambot ang
nakakapit na dumi. Pagkatapos ay sabunin mo saka mo babanlawan.
Maganda ang ganitong klase ng negosyo lalo
na’t meron kang sariling lugar. Siyempre, dapat nasa tabing kalsada ka para
nadadaanan ka ng mga sasakyan. Bukod sa car wash puwede ka ring mag-alok ng auto
detailing katulad ng pagwa-wax at
pag-i-engine wash ng sasakyan, paglilinis ng upholstery, mga dashboard,
mga vinyl o leather at iba pa. Puwede ka ring magtinda ng car accessories. Kung
marunong kang mag-mekaniko ay mas mainam. Samahan mo na rin ng vulcanizing.
Kumbaga, one stop shop na ang iyong car wash.
Malaki ang bentahe kapag marami kang alam
sa sasakyan. Kapag nagtanong kasi sa iyo ang kostumer ay masasagot mo.
Halimbawang may problema sila sa sasakyan nila mabibigyan mo pa sila kung ano
ang dapat gawin. Kung kaya mo namang gawin ay ialok ang serbisyo sa kostumer.
Tandaan mo na kaya nagpapa-car wash sila sa iyo ay dahil wala na silang panahon
o di-kaya’y limitado lang ang kanilang kaalaman sa sasakyan. Para sa kanila,
ang dumi ay ‘di na matatanggal pa. Pero sa murang halaga ay kaya pa pala itong
tanggalin. Kapag nakuha mo ang tiwala nila, ito na ang umpisa para sila ay
iyong maging regular costumer.
Kailangan mo ring maging wais sa ganitong
negosyo. Dapat ay magpaskil ka ng karatula na ang nakalagay ay ‘Take at your
own risk’. May mga nagpapahugas kasi na iiwanan ang susi sa car wash. Tiwala
sila sa tauhan na mahusay magmaneho.
Kumbaga, iaatras-abante ng tao. Minsan kailangan din kasing tanggalin ang
sasakyan para ilipat ng puwesto, ‘di puwedeng
andun lang. Kapag ganito kasi ang nangyayari, sa kakaatras abante ay nabubunggo
o nakakabunggo ng ibang sasakyan. Kaya kung ayaw magbayad ng damage ay maglagay
ng take at your own risk.
Hindi lang nagtatapos sa pagkakaroon ng
kaalaman sa sasakyan ang lahat. Kailangan mo rin na maging ma-PR, kaibiganin mo
ang iyong mga kostumer para makapalagayan ka nila ng loob. Kailangan din na
maging magalang ang iyong tauhan. Kapag nakikipag-usap sila ay laging may ma’am
at sir. Kung magagalang sila matutuwa ang kostumer at makakakuha pa sila ng
tip. Sabihan din sila na bago maghugas ay paalalahanan ang kostumer baka may
naiwan silang gamit. Kapag may nawala kasi bilang may-ari ay sa iyo ang balik
niyan kung sakali mang may mawalang gamit sa loob ng sasakyan ang kostumer.
Sa negosyong ito, dapat ay maging hands on
ka rin. Hindi puwede na iaasa mo lang ang lahat sa tao mo. Importanteng
mabantayan mo ang kalidad ng iyong car wash para makita mo na ‘di ito
nagbabago. Huwag mag-aalala kung malaki man ang babayaran sa tubig dahil ibig
sabihin lang nito ay marami ang nagpapalinis sa iyo ng sasakyan.
Subscribe to:
Posts (Atom)