Tuesday, September 2, 2008

Buhay-Rehab

Sa mga rehabilitation center o rehab, hindi lang mga lulong sa ipinagbabawal na gamot ang pwedeng ipasok, pati sugapa sa alkohol at mga taong nagbibigay sakit ng ulo sa pamilya. Pero ano nga ba ang pinagdaraanan ng isang drug dependent sa loob ng anim na buwang gamutan sa loob ng isang public rehabilitation center?

Sa pagpasok ng pasyente, ina-isolate ito sa loob ng isang linggo. Hindi pwedeng kausapin at lapitan ng ibang pasyente. May posibilidad kasi silang magwala dahil hindi pa nila tanggap na ipinarehab sila bagama’t may iilan-ilan na boluntaryong nagpapa-rehab. Pagkakataon din ito para mapag-isip-isipan nila ng ang mga kamalian nilang nagawa habang nasa labas pa. Matapos ang isang linggo, dadaan ang pasyente sa tinatawag na Emotional Interview (EI). May piring ang mga mata ng pasyente. Dito kino-konsensya siya at ipinapaalala ang mga kasalanang nagawa niya sa kanyang pamilya. Kapag matigas ang loob, hindi man lang naiyak o hindi kinakikitaan ni munting pagsisisi ia-isolate uli ito. Kasunod ng EI ang pagwe-welcome ng mga kapwa-pasyente. Magiging bahagi na rin siya ng kanilang FAMILY. Bilang miyembro ng pamilya, ang tawagan nila ay "brother".

Ang pasyente sa rehab ay kinakalbo at dapat ahit lagi ang bigote. Ang pinaka-uniporme ay t-shirt na kulay yellow.

Tuwing umaga ay nag-eehersisyo ang mga pasyente para mailabas ang mga chemical drug sa loob ng katawan. Wala silang iniinom na gamot maliban sa gamot sa sakit ng ulo, sipon, lagnat at trangkaso.

Sa loob ng isang araw ay nagkakaroon ng meetings; mayron sa umaga, sa hapon at sa gabi. Pinangungunahan ito ng mga opisyales na sila rin ang nagtatalaga. Binubuo ang ‘morning meeting’ sa pamamagitan ng pag-aawitan ng mga kantang pang-ispiritwal. Mayron ding special number kung saan pwede silang magpakita ng talent at mayron pang ‘joke time’. ‘Di ba ang saya-saya? Dito na rin ipinapaalala kung ano ang kanilang function o gawain sa araw na ‘yon. Binibigyan din sila ng ‘word for the day’ na kakabisaduhin – isang Tagalog at isang English. Kapag hindi nakabisado, bibigyan sila ng parusang ‘pumping’.

Pagkakain ng tanghalian ay magsisimula na ang siesta nila hanggang alas-dos ng hapon. Papasok ang mga pasyente sa kani-kanilang ward para magpahinga. Mayroon ring maiiwan sa labas ng ward, yung mga nakatoka para manood ng tv at ang madalas na ipanood sa kanila ay National Geographic Channel.

Sa ‘afternoon meeting’ naman ay magkakaroon sila ng ‘Reflective Thinking. May mga nakahanda nang topic na pag-uusapan na may kinalaman sa kalagayan nila. Pagkatapos ay magpapalitan ng kuru-kuro at magkakaroon ng activity. Pwedeng lecture o palaro para magkaroon sila ng self-reliance at team-building. Madalas mayron ding Bible study para manumbalik sa Panginoon ang mga pasyente.

Ang evening meeting ay hindi naman naiiba sa umaga at sa hapon. Bago matulog ay pinapatugtugan sila ng classical music para ma-relax at bilang bahagi na rin ng therapy.

Hindi naman nagugutom ang mga pasyente sa rehab dahil maayos naman ang supply ng pagkain. Sabi nga ng nakausap kong pasyente, "Noong unang araw ko dito ay ang payat ko talaga pero ngayon gumanda na ang katawan ko." Ang kalaban lang daw nila dito ay pagkainip at ang hirap nang mawalay sa pamilya. Pero every weekend ay may schedule naman ng dalaw. Paminsan-minsan ay may mga taga-eskwelahan na dumadalaw sa rehab bilang bahagi ng educational tour at para kumustahin sila at marinig ang kanilang mga kwento kung paano sinira ng bawal na gamot ang kani-kanilang mga buhay.

Kaakibat ng pagkapasok sa loob ng rehab ay ang pagkakaroon ng ibayong disiplina. Kung astig ka sa labas, dito hindi. Kailangang sumunod sa rules kung hindi may katapat na parusa. Halimbawa, sa oras ng meeting at hindi maayos ang pag-upo, nagkakamot o hindi nakikinig, ipapahiya sa harapan ng mga ka-brother at sasabit sa rehas na parang ungooy sa loob ng ilang minuto. Kapag matigas talaga ang ulo at walang kadala-dala, isang linggong "face the wall" ang parusa; pwede ring isang araw na nakatayo na may nakasabit na plackard na may nakalagay na, "Huwag ninyo akong tutularan."

Napakahalaga ng tungkulin ng rehabilitation centers para sa ikapagbabago ng mga kababayan nating nangaligaw ng landas. Kapag walang mga rehab, paano pa magagamot ang mga lulong sa droga? Lalo na sa panahon ngayon na maraming drug den ang nagkalat.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...