Singlamig ng Disyembre ang bawat umaga
Nababasa't giniginaw sa pag-iisa
Dinidilaan ng hamog ang aking mga paa
May tinig na bumubulong sa aking tainga
Nagpapaalalang pag-ibig mo'y wala na.
May ligaya bang uusbong sa aking dila?
Kung namumulaklak itong pangungulila
Dating mayabong na saya ngayo'y nalanta
Nasa'n na ang binhi ng pagsintang napunla?
Bakit labis ang hirap sa pagdaralita?
Sinusundan ko ang iyong dating anino
Ngunit madali palang magbago ang mundo
Iba ng kapiling mo sa bagong paraiso,
Iba na ang mahal mo at 'di na ako
Gayun pa man walang karapatang manibugho.
Bakit pa nga ba kita hahanap-hanapin?
Kung wala na akong puwang sa iyong damdamin
Sapatna ang minsang ikaw ay naging akin
Ibabaling na lang sa iba ang pagtingin
Ang isa't isa'y labis naming mamahalin.
Ang pag-ibig mo man sa akin ay nagkulang
Ba't ang pagkatao ko pa ri'y nadadarang?
Tila ka isang nakakatusok na subyang
Ngunit malaki na ngayon ang ating patlang
Sa pag-ibig ko 'di ka ba nanghihinayang?
No comments:
Post a Comment