Thursday, November 28, 2013

Pinoy Graphic Novels, Umaariba!

                Sino ang may sabing wala ng komiks sa bansa? Hindi naman ito nawala kundi nag-iba lang ng anyo. Mula sa produkto na nakikita sa bangketa, ngayon ay laganap na ito sa mga bookstore. Kung mapupunta ka nga sa National Bookstore ay makikita mong andaming comics book na gawa ng mga Pinoy artist mula sa Visprint, Precious Pages at iba pa.

                Pagkatapos na mamatay ang industriya ng komiks sa bansa ay sinubukan pa itong ibalik ng batikang manunulat ng komiks na si Carlo J. Caparas katulong ang kumpanyang Sterling. Pero nabigo ang aksyon nilang ito. Sadyang nag-iba na ang panahon at tuluyan nang inagaw ng mga bagong libangan ang komiks na numero unong libangan noon ng masang Pinoy. Naabutan ko pa ang kasikatan ng komiks. Noong bata pa ako ay nahilig din ako sa pagbabasa rito. Lahat na yata ng uri ng komiks ay binabasa ko. Mula action, fantasy, comedy, drama at iba pa ay meron ako. Ibang klase kasi ang katuwaang hatid ng komiks dahil lumalawak ang iyong imahinasyon. Dinadala ka ng komiks kung saan-saan at tulad ng panunuod ng pelikula ay para bang kaharap mo lang din ang mga tauhan. ‘Ika nga ay nararamdaman mo sila.

                Nang mawala ang komiks, siyempre marami ring mga comics creator ang nawalan ng trabaho. Marami ang naghirap sa kanila nang mawala ang kabuhayan nilang ito. Ngunit may mapapalad pa rin naman na nagamit pa rin ang kanilang talento. Ang ibang manunulat ng komiks ay bumaling sa pagsusulat ng pocketbook at diyaryo. Ewan ko lang kung ano na ang nangyari sa mga dibuhista. May debuhistang ‘di pinangalanan akong napanuod sa TV at pinasok niya raw ang pagdu-drowing ng hentai o anime na bold ng mga hapon.

                Dahil na rin sa pagkakaroon ng event para sa mga gumagawa at nagbabasa ng komiks partikular na ang Komikon ay nabuhay ang komiks sa bansa. Pero siyempre, kinabibilangan na ito ng bagong henerasyon. Ipinapa-xerox nila ang kanilang mga gawa at saka ibinibenta sa naturang kumbensyon. Pero ‘yung mga may budget ay naka-imprenta ang kanilang gawa. Tinangkilik naman ito ng mga kabataan. Bukod dito ay may mga Pinoy komiks din na lumabas sa Internet at naging positibo rito ang feedback ng mga tao. Kaya’t  ‘di na rin nakapagtataka na naging visible na ang Pinoy komiks sa mga bookstores. Dati-rati kasi ay puro komiks lang na gawa ng mga dayuhan ang makikita.


                Kung ikukumpara ang komiks noon sa ngayon ay ibang-iba na talaga ito. Hindi na ito pang-masa, ‘ika nga. Mahal na rin kasi ang presyo ngayon ng mga komiks. Pero natural lang ito dahil nasa book form na ito at mahal ang mag-produce ng ganitong uri ng babasahin. Marami rin sa mga ito ay sa Ingles na nakasulat. At kung papansinin, ang ilan ay katulad sa istilo ng mga dayuhan, may ala-manga at meron ding  ala-Marvel. Pero ‘di naman natin ito minamasama, ang importante ay kulturang Pinoy pa rin ang itinatampok sa kanilang mga akda. Pero kung husay ang pag-uusapan, walang duda na magagaling talaga ang mga Pinoy. ‘Di ba’t ang ilan pa nga sa kanila ay bahagi ng paglikha ng mga sikat na karakter, ‘di lang sa komiks kundi pati na rin sa paglikha ng anime na pinasikat ng mga hapon. 

Thursday, November 21, 2013

Pagba-blog, May Halaga ba?

                Taong 2008 pa nang umpisahan kong gawin ang blog kong Sanib-Isip at ngayon ay bihira ko na lang ma-update. Pero ‘di naman ibig sabihin na nawala na ang interes ko rito. Nagiging abala lang ako sa ibang bagay. Katunayan, ‘di ito nawawala sa isip ko kaya’t  madalas ko pa ring silipin. Nakatutuwang malaman na araw-araw ay marami pa ring bumibisita. Karamihan siguro ay mga estudyante na nagsasaliksik para sa kanilang asignatura at maaaring naligaw lang din ang ilan. Paminsan-minsan nga ay mga nagpapaalam pa kung puwede raw ba nilang magamit ang aking artikulo. Ang naisulat kong Jejemon:Bagong Wika ng Mga Kabataan ay ginawa pang monologo ng isang estudyante sa kanilang klase. Masaya na ako kapag ganitong may nakikinabang sa mga naisulat ko. Huwag lang aangkinin ang mismong akda katulad ng ginawa ng isang babae na ipinangalan sa kanya ang tula kong Pagtatalik ng Bolpen at Papel na ipinaskil pa niya sa fan page ng Facebook kung saan ay siya ang administrator.

                Marahil ay may mga nagtatanong kung ano ba naman ang napapala ko sa pagba-blog? Siyempre, bilang isang manunulat ay mahalagang maramdaman ang iyong presensya online para na rin makasabay sa agos ng panahon. Para kapag may nag-Google sa iyo ay mahahanap ka nila. Kagaya rin ng sinasabi ng maraming blogger na kaya sila nagba-blog ay para makapag-iwan ng bakas sa mundo. Kumbaga, may ebidensya na nabuhay ka at maaari pang makaimpluwensya sa iba.

                Ang isa pang tanong, ani naman ang naging impact ng Sanib-Isip sa buhay ko? Dahil dito ay naitampok ang inyong lingkod para sa manunulat episode ng Nescafee Classic  sa Kape at Balita, dating programa sa Channel 11. Napadpad kasi ang kanilang researcher matapos mag-search ng tungkol sa Pinoy crafts. Tungkol daw sa OPM music  ang keyword na kanyang tinipa. Pero ang topic nga ay nauwi tungkol sa manunulat matapos niyang mapag-alaman na nagsusulat din ako ng libro.


                 Ang isa pang achievement ay naisama ang artikulo ko na Tabloid: Isang Pagsusuri sa aklat ng panitikang Pilipino para sa Grade 8. Kay sarap isipin na pinag-aaralan ng mga estudyante ang iyong akda. Dati ay isa lamang itong ilusyon ngunit ngayon ay naging ganap na katotohanan. Sino ba naman ako para malagay sa textbook? Nataon lang siguro na naghahanap ang mga researcher ng DepEd ng artikulo tungkol sa kontemporaryong panitikan at sa blog ko sila napadpad. Sa nasabi ring aklat ay nabanggit ang pangalan ko na nagbibigay ng depenisyon sa kahulugan ng ‘dagli’ na sinasabing bagong anyo ng pagsulat ng kuwento. Ito naman ay galing sa artikulo kong Mga Kuwentong Daglisa Nagmamadaling Panahon.

                Masaya rin ako at nakasali ako sa Blogapalooza 2013 kung saan nagsama-sama ang nasa kulang-kulang 500 na most influential blogger para i-blog ang mga  negosyo na lumahok sa naturang event. Naniniwala kasi sila na mabisa ang pagba-blog dahil marami talagang nagbabasa sa Internet. Kaya nga’t ang mga advertiser ay naglalagay na rin ng ads sa mga blog. Napagpagpasyahan kong gumawa ng ibang blog para sa negosyo. Maaari rin kayong bumisita sa http://buhay-negosyo.blogspot.com.

Narito ang Top 10 na may pinakamaraming views sa Sanib-Isip:

      

                

Monday, November 18, 2013

Blogapalooza: Kapangyarihan ng Mga Blogista

Noong Nobyembre 16 ay ginanap ang ikalawang taon ng Blogapalooza sa may SMEX Convention Center ng SM Aura Premier sa Taguig. Ito ay inorganiza ng WheninManila.com at AwesomePlanet.com sa pangunguna nina  Vince Golangco at Anton Diaz. Nagsama-sama rito ang limang daang bloggers na may pinaka-maimpluwensyang blog sa bansa para suriin at i-blog ang iba’t ibang klase ng produkto na kanilang magugustuhan.

Ilan sa mga negosyong lumahok dito ay PLDT, Chocks to Go, Hungry Juan, Ambient Digital, Slenda, Chef’s Noodles, Viewpark Hotel, Figaro, The Coffee Beans, Guska.com at marami pang iba. Naging masaya ang naturang event dahil maraming freebies ang ipinamigay para sa mga blogger.

Ipinapakita ng naturang event na ang media ay hindi lang telebisyon, radio at print bagkus kabilang na rito ang online. Ito ang modernong paraan ngayon ng pamamahayag, pagbibigay ng impormasyon at entertainment. Kinikilala ng mga nag-organisa ng Blogapalooza na mga blooger din ang kahalagahan ng pagkakaroon ng blog sa panahong ito. Maganda rin  itong paglagyan ng patalastas ng mga kumpanya dahil maraming blogger ngayon ang maraming tagasunod o mambabasa. At ang anumang produkto na kanilang isinusulat o niri-rebyu ay nakakaimpluwensiya sa kanilang mga mambabasa. 
Bogart Da Explorer at Jako De Leon

Mikey Bustos

Nagkaroon ng iba’t ibang talakayan sa Blogaplooza. Una na rito ay ang pagtatampok ng tinatawag na Vlogging o video blogging. Ibinahagi ng mga YouTube sensation na sina Mikey Bustos at Boggart ‘D Explorer ang kanilang karanasan kung paano naging patok ang kanilang mga ginawang video sa publiko. Sinabi nila na kailangan ay i-enjoy mo lang ang iyong ginagawa at siyempre kailangan ay maganda o interesante ang nilalaman ng iyong video. Importante rin ang pagkakaroon ng trademark kagaya nila. Halimbawa, si Boggart ay nakilala sa pagkakaroon ng Australian slang at si Mikey naman ay sa pakuwelang pagtuturo ng kulturang Pinoy sa mga dayuhan. Kapag ikaw daw ay naging isang brand ambassador, kinakailangan na naniniwala ka sa produkto at talagang ito ay iyong ginagamit. Hindi lang dahil sa binabayaran ka. Sa huli ay sinabi ni Mikey na gamitin ang Vlogging para sa kabutihan at huwag abusihin kagaya diumano ng kanyang suot na mala-anghel na pakpak.

Nagsalita rin si Jayson Cruz, Director for Community Management ng MRM Worldwide Manila.Ang kumpnayang kanyang kinabibilangan ay nagsisilbing online ad agency na nagbibigay serbisyo para sa malalaking brand sa bansa. 

Nagpakitang-gilas naman sa pagpapatawa sa entablado ang mga taga-Comedy Cartel na sina Tim Tayag, Marlon Olivan, James Caraan at Derf Hebrado. Sinasabing si Tim Tayag ang nagpasimula ng observational comedy sa entablado. Sino’ng may sabing mga bakla lang ang marunong magpatawa? ‘Di na nila kinailangan pang manlait ng tao para lang makapagpatawa katulad nang ginagawa sa maraming comedy bar.

Ana Santos


Nagsalita rin ang kilalang columnist at tagapagtaguyod ng kababaihan na si Ana Santos at kanyang ibinahagi ang kanyang buhay-manunulat. Dati siyang opisyales sa isang banko hanggang sa nabagot sa kanyang trabaho at ninais gawin ang gusto niya sa buhay, ano pa ba kundi ang magsulat. Ikinukuwento niya kung paano niya unti-unting natapatan hanggang sa malagpasan ang dati niyang sinusuweldo sa banko. Kayang-kaya naman diumano itong gawin basta’t marami kang pinagsusulatan. Katulad niya na bukod sa pagsusulat sa magasin ay aktibo rin siya sa pagsusulat sa online at tagapagsalita rin sa mga seminar na may kinalaman sa pagsusulat. Importante rin diumano ang networking o pakikipagkaibigan sa mga kapwa manunulat para makakuha ng proyekto.


Karen Bordador

  Ibinahagi naman ng FHM Hottie, Dj, Host at columnist na si Karen Bordador kung paano siya napasok sa paghu-hosting. Aniya, dati lang daw siyang modelo at nagkataon na wala ang maghu-host sa isang event kaya’t hinatak siya para magsalita sa entablado. Alam naman kasi ng organizer na siya ay maboka kaya’t dito nagsimula ang kanyang hosting carrer. Hanggang maging host siya sa malaganap na nagpapalabas ng live streaming sa internet- ang Flippish.com, na ngayon ay may mahigit nang kalahating milyong likes. Sinabi ni Karen na siya ang tipo ng tao na mahilig sumubok ng bago. Kaya’t heto siya ngayon at natuklasan niya ang iba pa niyang kakayahan. Ipinapayo niya sa mga blogger na maging proud lang kung ano ang mayroon ka at pagyamanin ito. Kagaya niya diumano, ipinagmamalaki niya ang kanyang pagiging morena na kulay nating mga Pinoy.

Tony, Slick Rick at Sam YG
        
Nagsalita rin ang Dj na sina Toni Tony, Slick Rick at Sam YG. Kinilala nila ang mabuting dulot ng internet sa buhay natin ngayon partikular na sa tulad nilang mga Dj. Dati-rati diumano ay boses lang nila ang pamilyar sa tao. Pero ngayon sa pamamagitan ng social media ay bigla silang naging parang mga rockstar. Ang dati-rating naririnig lang sa radyo, ngayon pati ang kanilang mga mukha ay nakikilala na rin. Napagpasyahan nilang gumawa ng podcast sa internet- ang Boys Night Out kung saan makakasama nila ang internet action star na si Ramon Bautista. Dapat daw itong subaybayan ng mga tao dahil lahat ay puwedeng pag-usapan. Walang scensorship na mangyayari kagaya sa radyo at telebisyon. Positibo ang pananaw ng tatlo na darating ang panahon sa Pilipinas na magmumura rin ang paggamit ng internet kaya’t mas dadami pa lalo ang mga Pinoy na tatangkilik dito. Dahil diumano sa internet ay nabigyan ng pantay na opurtinidad para makilala. Sa huli ay nagbigay sila ng payo sa mga blogger na huwag daw mahihiyang mag-interbyu ng mga sikat na personalidad sa kanilang mga blog. Dahil gusto rin naman ng mga ito na maisulat online. Nagpapanyaya pa sila na makipag-ugnayan lang sa kanilang grupo kung nais mag-promote ng mga blogger sa bago nilang programa.

Pagkatapos ng mga talakayan ay nag-presinta naman sa entablado ang iba’t ibang kinatawan ng mga kumpanya para ipakilala ang kalidad at kagandahan ng kanilang mga produkto. Sinabayan din ito ng mga pa-raffle at ang mga nanalo ay tumanggap ng mga premyo sa mga kumpanya. Kabilang sa magagandang pa-papremyo na ipinamigay ay ang mamahaling alak mula sa Guska.com, Hotel accommodation sa View Park Hotel at GC mula sa SM Aura.


                                   Kinatawan ng Wheat Grass            

   

Joel Cruz ng Chef's Noodles habang nagdi-demo





                    Brownbag Coffee Solutions

Thursday, November 14, 2013

Pinoy Reads Pinoy Books: Libro para sa mga biktima ni Yolanda

                Nito lang nakaraang gabi ay nakilala ko ang ilang mga taga-Pinoy Read Pinoy Books, ang nag-iisang grupo sa Goodreads.com na sumusuporta sa mga librong gawa ng Pinoy. Merong proyekto ang grupo kung saan ay mangangalap ng libro upang ipagbili online. At ang mapapagbentahan ay idu-donate sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda sa Visayas. Ito ay idadaan sa pamamagitan ng Sagip-Kapamilya ng ABS-CBN. Isang napakagandang ideya ng isang book club kaya’t ang inyong lingkod ay ‘di nagdalawang isip na makiisa. Nangangahulugan lamang na ‘di lang puro basa ang maaaring gawin bagkus ang aklat ay maaari rin maging tulay para makatulong sa kapwa.

                Ayun nga at nakilala ko ang mga moderator ng PRPB na sina K.D. Surely at Biena pati na rin sina Juan, Diane, Chibivy, Glaiza at Anna. Nagkikita-kita kami sa McDo sa may Quezon Ave. Dito kinalap ang unang batch ng mga libro. Unang salang pa lang ay isang bag na ang nakolektang libro. Bukod dito ay marami pang pledges at may mga nagkakaloob pa ng libro. Kaya’t inaasahang uusad ang proyektong ito at nawa’y marami pang magkaloob at bumili ng libro.  

                Pagkatapos naming magkita-kita sa McDo ay tumuloy kami sa isang resto para uminom. Apat na lang kaming magkakasama, sina K.D., Biena at Juan. Nakadalawang bote rin ako ng Red Horse. Salamat sa treat na ito ni K.D. Masaya ako’t nakilala ko sila dahil nakatagpo ako ng mga bagong kaibigan na kapareho ko ng interes. Ano pa nga ba ang pag-uusapan namin kundi ang sarili nating panitikan. Siyempre, naging maganda ang daloy ng usapan. Naudlot nga lang ng may banda nang sumalang sa harapan. Ang gara lang dahil may lalaking nasa kabilang mesa na mukhang nagse-senti habang lumalaklak ng isang pitsel ng ice tea. Pero ‘di ko maintindihan kung nakikinig ba talaga siya dahil may nakapasak na earphone sa tainga. Nasabi ko ito kay Biena, pero una na palang napansin ni K.D. Ibang klase talaga, hehe.  


                Sa mga nais tumulong sa proyekto ng PRPB, maaaring magtungo lang sa aming Facebookfan page at i-like ito at antabayan ang mga ibebentang libro. Maaari ring mag-donate ng libro. Ang proyektong ito ay magtatagal hanggang Disyembre 15. Gawin natin ‘to para sa mga naging biktima ni Yolanda at para na rin sa ngalan ng pagbabasa! 

               
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...