Friday, February 8, 2008

Huseng Batute: Dakilang Makata


            Isa si Jose Corazon de Jesus o Huseng Batute na maipagmamalaki nating mga Filipino sa larangan ng Panitikan. Nakaukit na sa dahon ng kasaysayan ang kanyang pangalan at hindi napaparam sa paglipas ng panahon.

Isinilang siya noong Nobyembre 22, 1894 sa Sta. Cruz, Manila. Anak siya nina Dr. Vicente de Jesus at Susana Pangilinan at pangalawa sa tatlong magkakapatid. Siya ay kinilala bilang isang mahusay na makata, mang-aawit at artista noong kanyang kapanahunan. Wala diumanong dalaga noon na hindi malalaglag ang puso kapag siya ang timutula o umaawit sa entablado dahil na rin sa kisig at ganda ng kanyang tinig. Subalit ang kanyang pag-ibig ay inilaan niya kay Asuncion Lacdan, ang kanyang naging asawa.

Bagama’t nagtapos si Jose Corazon dela Cruz ng abogasya, hindi siya kumuha ng pagsusulit sa bar. Mas pinili pa niya ang maging isang manunulat. May kolum siya ng mga tula sa Taliba noong 1920, ang Buhay-Maynila at dito niya ginamit ang sagisag na Huseng Batute. Nagkaroon din siya ng sariling kolum sa Liwayway, ang Mga Butlig ng Panahon. Nag-ambag siya ng mga tula sa Ang Mithi, Bagong Lipang Kalabaw at Sampagita. Hindi na mabilang ang kanyang tula sa dami. Likas na kay Huseng Batute ang pagka-romantiko kaya’t umaapaw sa dami ang mga tula ng pag-ibig na kanyang naisulat. Pinasikat niya ang tulang Ang Pamana, Ang Pagbabalik, at marami pang iba.

Si Corazon ay nakapag-aral din ng musika sa Unibersidad ng Pilipinas kung kaya’t maalam din siya pagdating sa musika. Bilang isang lirisista at mang-aawit, paborito siyang mahilingang gumawa ng titik para sa mga kilalang kompositor noon. Siyempre, kabilang na dito ang imortal na awiting Bayan Ko na naging makahulugan noong EDSA 1.

Nakapagsulat din si Corazon ng mga tulang may temang politikal. Isa siya sa mga nangungunang kritiko ng mga pulitikong sa palagay niya’y gumagawa ng kabalbalan. Ngunit alam ba ninyo na minsan ay nagnasa din siyang maging pulitiko? Ito ay nang kumandidato siya bilang presidente (tawag sa mayor noon) sa Sta. Maria, Bulacan noong 1928 sa ilalim ng Bagong Bayan (partidong lokal ng koalisyong Nacionalista-Democrata) subalit siya ay nabigo. Muli siyang sumubok tumakbo noong 1931 pero wala ding nangyari dahil sa maimpluwensya ang kanyang kalaban.

Nakapagsulat din si Corazon ng iskrip sa pelikula at siya rin ang gumanap dito, ang Sa Pinto ng Langit. Isinulat niya rin at nilabasan ang Oriental Blood kung saan ay nakatambal niya ang reyna ng kundiman na si Atang dela Rama.

Sadyang prolipiko at may dedikasyon si Corazon sa kanyang propesyon. Kaya nga lang ay nasobrahan. Mahilig kasi siyang magpalipas ng gutom, hindi siya agad kumakain bago o matapos ang pagtatanghal, kung kaya’t naagkaroon siya ng ulser. Pinayuhan siya ng doktor na ipatistis ang ulser subalit tumanggi ito. Isang araw ay nanigas na parang tabla ang kanyang tiyan at siya ay agad na namatay. Ito ay noong Mayo 26, 1932. Sa gulang na 37 ay binawian ng buhay ang dakilang makata.


2 comments:

dukha said...

http://mgatulanihusengbatute.blogspot.com/2010/09/manggagawa-ni-jose-corazon-de-jesus.html

dukha said...

Ang KURUS sa Manggagawa at iba pang tula

http://mgatulanihusengbatute.blogspot.com/2010/09/manggagawa-ni-jose-corazon-de-jesus.html

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...