Iba't iba ang dahilan ng mga tao kung bakit nagbabasa ng diyaryo. Mayroong hanap talaga ay balita, magbasa ng tsismis, sports, literatura o 'di kaya'y magsagot ng palaisipan. Pinagsama-sama na yata ang lahat sa diyaryo para magustuhan ng mga tao. Mainam itong pampalipas-oras kapag walang ginagawa. Sinasabing ang tabloid ay pang-masa dahil sa Tagalog ito nakasulat bagama't ilan dito ay ingles ang midyum. Hindi katulad sa broadsheet na ang target readers ay Class A at B. "Yun nga lang sa tabloid ay masyadong binibigyang-diin ang tungkol sa sex at karahasan kaya't tinagurian itong 'sensationalized journalism.' Bihira lamang maibalita ang magagandang kaganapan sa ating bansa. Ito kaya ay dahil sa itinuturo ng aklat ng dyornalismo, na ang katangian ng magandang balita ay nasa masamang balita?
Sa kasalukuyan ay mayroong 21 na national daily tabloid at apat lang namansa weekly tabloid na nagsi-circulate sa bansa. Huwag ng isama ang mga diyaryo na wala sa merkado na kaya lang nakakapagpatuloy ay dahil sa pagpi-PR sa mga politiko. Ang ilang tabloid ay konektado rin sa broadsheet at mayroon ding mga publishing na dalawa o tatlo pa ang hawak na diyaryo. Mapapansing marami sa mga tabloid na ibinebenta ay pawang nagtatampok ng mga istoryang ukol sa sex at nagpapakita ng mga larawang hubad ng kababaihan; pangiliti lang daw. Ngunit ang totoo ay pinupuntirya nila ang libido ng tao para lang makabenta. Tuloy, mababa ang tingin ng iba sa mga tabloid dahil sa ganitong kalakaran. Pumasok din sa eksena ang mga smut tabloid na sagad sa kalaswaan!
Mahalaga pa naman ang ginagampanan ng media sa paghubog ng kaisipan ng mamamayan. Kaya nitong bumuo at magwasak ng isang indibidwal o kahit institusyon. Mabuti na lamang at may matitino pa ring tabloid. Siyempre, kabilang na rito ang PINAS na nagtataguyod ng alternatibong pamamahayag.
No comments:
Post a Comment