Ibang digmaan ang kanilang hinaharap, ito ay ang makamit ang mga benipisyong ipinangako sa kanila ng bansang Amerika, na hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayari. Ito ay ang panukalang Equity Act o pagkakaroon ng pantay na benipisyo ng ating mga beterano sa mga sundalong Kano na nakipaglaban dito sa Pilipinas noong World War II. Dahil hindi ito ang prayoridad ng US Congress kaya't naisasantabi lang ito. Bilang pamalit, ang ibinigay nila ay ang pagkakaroon ng karapatan ng ating mga beterano na maging American Citizen. Marami sa kanila ang agad na nagpalit ng nasyonalidad; pumunta pa sila sa Amerika at gumastos ng malaki. Imbes na makakuha ng benipisyo lumalabas na sila pa ang kinuhaan ng pera ng mga Kano. Nagbayad din sila para maipetissyon ang kanilang mga anak. Ang mahirap ay napakatagal ng proseso ng pagpapapetisyon dahil over age na ang anak ng mga beterano. Kapag pumanaw sila ay kasama na ring maililibing ang kanilang pag-asa na mai-petisyon pa ang mga anak. Kakaunti na nga silang natitirang US Veterans sa ating bansa.
Ayon kay Mang Joe, anak ng beterano hangad lang nilang magkaroon ng magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya. Hindi naman daw nangangahulugan na ayaw na nilang maging Filipino. Sa taong 2009 pa nila inaasahan na makakapunta na sila sa Amerika samantalang noong 1992 pa ito sinimulan ng kanilang ama. Ngunit nangangamba siya dahil 90 taon gulang na ang kanyang ama baka makamatayan na lang nito ang pagpapapetisyon sa kanila. Umaapila siya sa mga beteranong patuloy pa ring naghahangad na mapagtibay pa ang Equity Act na huwag na itong asahan. Asikasuhin na lang daw nila ang pagkuha ng American Citizenship para na rin sa kinabukasan ng kanilang mga apo. Ang tanong nga lang, makaabot pa kaya silang mga beterano?
No comments:
Post a Comment