Iba't iba ang kadahilanan ang 'di pagkakaroon ng asawa ng isang tao. Mayroong nabigo sa pag-ibig kaya't ayaw ng mag-asawa, mayroon ding dahil sa pagiging abala sa karera gaya ng ilang titser, ayaw magpatali o mapakialaman at iba pa. Pero hindi totoo ang dahilang walang magkagusto dahil sa pagkakaroon ng 'di kaaya-ayang hitsura. Tandaang malaking aspeto ang pagtataglay ng mabuting ugali o kabaitan para maibigan ng iba. 'Di ba't kahit yaong mga may kapansanan sa katawan ay nakakapag-asawa pa?
Halos lahat ng aking mga nakausap na matatandang binata at dalaga ay masaya naman sa kanilang buhay. Tanggap diumano nila kung ito ang kanilang naging kapalaran at wala silang pinagsisisihan. Ganun daw talaga, ang pag-aasawa ay 'di para sa lahat ng tao. Minsan naman daw sa kanilang buhay ay naranasan nilang magmahal at mahalin din. May pagkakataong nalulungkot din sila kapag naaalala ang kanilang nawaglit na pag-ibig. Ngunit ang lahat ng ito ay bahagi na lamang ng nakaraan kaya't sa huli ay napapangiti na lang sila kapag ito ay naaalala. Ang mahalaga diumano ay ang kasalukuyan kasama ang mga kaibigan at kamag-anak na tapat. Kahit sila ay mga single ay 'di nangangahulugang ang kanilang pag-iisip ay nakatuon na lamang sa mga sarili. Bagkus ang mga pamangkin na lang ang itinuturing nilang mga anak na kanilang tinutulugan sa pinansiyal na pangangailangan. Nililibang na lang din nila ang kanilang sarili sa trabaho at sa iba pang bagay na kapaki-pakinabang.
Kaya bakit kailangang mabahala ng iba at magmadali sa pag-aasawa, na para bang mauubusan lalo na silang mga nasa huling biyahe? Kung 'di makakapag-asawa ay ano'ng problema? Puwede pa namang maging masaya; ika nga nilang nasa ganitong kalagayan nasa nagdadala lang 'yan.
No comments:
Post a Comment