Si Jun Cruz Reyes ay isang mahusay na guro, manunulat at isa ring pintor. Siya ay tubong Hagonoy, Bulacan, isa sa bayan sa Pilipinas kung saan nagmula ang mga kinikilalang muhon ng panitikan sa Pilipinas tulad nina Francisco Balagtas, Jose Corazon de Jesus, Virgilio S. Almario at iba pa.
Marahil ay natatandaan n’yo pa siya. Dahil ang ilan sa kanyang mga akda ay pinag-aralan natin sa subject na Filipino noong haiskul pa lang tayo. Kabilang na rito ang Utos ng Hari na tumatalakay sa pagiging dominante ng mga guro sa eskuwelahan. Ang kanyang akda ay isa ring protesta laban sa mga tradisyonal na sulatin. Ang pagiging alagad ng sining ni Amang Jun ay hindi tulad ng iba na nakasentro lang sa kalikasan. Bagkus ay mas pinagtuunan niya ang pansin ang paglalarawan o pagbibigay-buhay sa mga tao na kumikilos sa kapaligiran.
Ang kanyang mga akda ay tumatalakay sa mga isyung panlipunan. Naging aktibo siya noong panahon ng Martial Law bilang kritiko ng administrasyon ng dating Presidente na si Ferdinand Marcos. Bagama’t maraming takot noon na magsalita ay nagawa niyang magbigay puna laban, tulad sa kanyang aklat na Tutubi, Tutubi Huwag kang Pahuhuli sa Mamang Salbahe. Maging sa maikli niyang kuwento na ang pamagat ay Mga Lumang Kuwento na ang paksa ay tungkol sa mga taong nawawala na lang bigla noong panahong yaon. Nagwagi pa nga ang kuwentong ito sa Patimpalak Palanca noong taong 1973. Ang kanyang libro na Etsapuwera ay nagwagi naman ng National Book Award noong taong 2000. Marami pa siyang natamong mga parangal sa pagsusulat at ‘di na kailangang banggitin pa. Nagpapatunay lang ito ng kanyang pagiging dalubhasa sa kanyang larangan.
Marami sa kanyang mga naisulat ay naglalarawan sa buhay ng mga karaniwang tao. Tulad na lamang ng paraan ng pamumuhay ng mga taga-looban o yaong mga nakatira sa depressed area. Hindi para lamang ilarawan ang kasalatan sa buhay bagkus ay waring parang ipaalala rin na maging sila man ay may puwang din sa lipunan o ‘di-kaya’y sa mga akdang-pampanitikan.
Kung may Bob Ong ngayon na napaka-popular sa mga kabataan, mayroong Jun Cruz reyes noon. Siya ang sinasabi ng iba na kauna-unahang manunulat na Pilipino na nakilala sa kanyang istilo sa pagsusulat ng kuwento, na medyo may pagka-satirikal. Akala mo ay basta nagpapatawa o nagpapakuwela lang. ‘Yun pala ay paraan ito para talakayin ang isang mabigat na isyu sa simpleng paraan para magaang basahin. Nang sa gayun kahit ang mga karaniwang tao ay mauunawaan ang kanilang mga binabasa.Ang maganda pa sa kanya ay suportado niya ang mga manunulat na Pilipino. Ito ay pamamagitan ng pagbibigay ng blurb sa kanilang mga librong isinusulat.
Sa kasalukuyan, siya ay isa sa mga associate ng U.P. Institute of Creative Writing at nagtuturo rin ng Araling Pampanitikan at Malikhaing Pagsulat sa nasabing pamantasan. Siyempre pa, aktibo pa rin sa kanyang pagsusulat at pagpipinta.
Para sa iba pang babasahin.
1 comment:
salamat sa impormasyon tungkol sa kanya..
Post a Comment