Posible bang pagsabayin ang dalawang magkaibang larangan, ‘di ba’t parang ito ay paglilingkod sa dalawang panginoon? Ngunit kung sining ang pag-uusapan ay puwedeng-puwede ito, ang eskultura at pagpipinta ay magkaugnay dahil pareho itong nagmumula sa malikhaing pag-iisip ng isang artist. Ang dalawang ito ang humahati puso’t isip ni Seb Chua, bukod sa mahusay na painter ay isa ring maipagmamalaking eskultor sa ating bansa. Ang mga gawa niya ay matatagpuan sa Artasia na nakapuwesto sa isang sikat na mall sa Mandaluyong, Metro Manila.
Siya Seb ay isang post modern artist na nahihilig sa istilong abstract sa kanyang mga ipinipinta. Kung pahapyaw lang ang pagkaunawa sa sining ng titingin ay maaaring hindi niya ito magustuhan. Kapag sinabi kasing abstract ang unang maiisip agad ng mga tao ay ang pagiging malayo nito sa katotohanan. Ngunit mapa-abstract man o hindi, ang lahat ng ito ay hinugot sa mayamang imahinasyon ng artist. Ang mga painting ni Seb ay punung-puno ng buhay dahil sa makukulay ang mga ito. Iba ang hagod ng kanyang mga kamay, kayang-kaya niyang paghalu-haluin ang iba’t ibang kulay. Kung anu-ano’ng klase ngang hugis ang kanyang nabubuo, ang kailangan lang ay pansinin ang mga ito.
Kung abstract naman ang hilig niyang ipinta, pagdating sa kanyang eskultura ay mapapansin agad ang nais niyang ipahiwatig. Ang kanyang medium ay marble at bronze. Lahat diumano ng kanyang mga inilililok ay nagpapakita ng pagiging postibo tulad ng pag-aalaga, pagmamahal, pakikiisa at iba pa. Kung dami lang din ang pag-uusapan ay ‘di na mabilang ang kanyang mga naililok. Ilang beses na rin siyang kinomisyon ng iba’t ibang mga ahensiya para gumawa ng eskultura sa kanila. Kabilang na rito ang Unicef, binuo niya ang kanyang obra na pinamagatang “Mother Love” na tumatalakay sa programang paglaban ng neonatal mortality ng naturang ahensiya. Ginawa rin niya ang “The Serving Lion” na sumisimbolo sa pagtulong ng kapwa ng mga kasapi ng Lion’s Club, San Juan Chapter. Inukit naman niya para sa Philippine Animal Welfare Society(PAWS) ang obrang pinamagatang “The Gurdian,” ito naman ay tungkol sa aso na nagsisilbing bantay at kaibigan ng mga tao. Marami sa mga inilililok niya ay mga hayop, nagpapakita lang ito ng kanyang pagmamahal sa mga hayop.
Ang husay sa paglililok ay namana ng kanyang anak na si Eusebio Ehron Kylo Y. Chua, na nagwagi ng 2nd honorable mention sculpture category sa katatapos lang na 42nd Shell National Student’s Art Competition. Tunay ngang ang dugong nananalaytay sa mga ugat ni Seb ay sadyang nakatalaga na para sa sining!
No comments:
Post a Comment