Ang matamaan ‘wag magalit
O bato-bato bato sa langit
Ang matamaan ay
wag masyadong halata.”
-Upuan
Bibihira ka lang makaririnig ng mga kantang may pulitikal na mensahe sa mainstream music dahil halos karamihan ng kanta ay nakasentro sa usaping pampuso o mga kantang pampakilig. Dahil ito diumano ang kantang tanggap ng nakararami at hindi ang mga kantang pumupuna sa maling sistema sa pamahalaan. ‘Di nga ba tanggap ng mamamayan o baka naman sarado lang talaga ang isipan ng mga producer dahil mayroon silang mga masasagasaan? Maliban sa namayapang master rapper na si Francis M at sa bandang Asin noong araw. Sa ngayon, ilan lang ba sa kanila ang naglakas loob na umawit ng mga kantang may bahid-pulitikal? Maririnig mo lang ang ganitong uri ng musika sa mga alternatibong kanta o underground scene.
Napapanahon ang kanta ng sikat na rapper na si Gloc 9, na ang titulo ay “Upuan.” Ilang araw na lang kasi ay eleksyon na naman at maraming mga pulitiko ang nangangako ng pagbabago. Sa dami na ng mga taong lumipas, nakapagtataka kung bakit ito na lang lagi ang bukambibig nila. Ibig bang sabihin ay wala naman talagang ipinagbago o kung mayroon man ay baka ito ay ‘di sa maganda? Ang bawat isa na rin ang makakasagot sa katanungang ito kung mayroon nga bang pagbabago sa bayang kinalalagyan at sa mismong bansa natin.
Marahil ay pamilyar na kayo sa kantang nabanggit. Ito ay patungkol sa mga nakapuwesto sa gobyerno. Kung pakikinggan ay napakasimple lang ng liriko pero mayroon itong mabigat na mensahe. Habang namumuhay ng mariwasa ang pulitiko ay ‘di naman nito pansin ang mga mahihirap na kanyang nasasakupan. Kumbaga, puro sariling interes lang ang nasa isipan. Kung minsan, ang nakakapagtaka ay isinusuka na ng mga tao ay bakit nananalo pa rin? Dapat ba ritong sisihin ang mga botante dahil sila rin naman ang nagluluklok sa puesto sa pulitiko. O baka naman kaya ito nangyayari ay dahil na rin sa pandaraya o ‘di kaya’y paggamit ng dahas. Sana ay matigil na nga ang dayaan sa eleksyon sa pamamagitan ng paggamit ng kauna-unahang automated election sa bansa natin.
Ano nga ba ang mayoon sa isang upuan at marami ritong nag-aagawan. Mabuti sana kung ito ay para talaga kagalingan ng bayan at hindi para sa samu’t saring benipisyo na rito ay makukuha. Hindi sana porsiyento sa mga proyekto ang habol o ‘di kaya’y impluwensiya o kapangyarihan lang ang habol. Sabi nga sa kanya ni Glog 9, “Sabi pa nila ay dito mo rin matatagpuan/Ang tao na nagmamay-ari ng isang upuan/Na pag may pagkakatao'y pinag-aagawan/Kaya naman hindi niya pinakakawalan.”
No comments:
Post a Comment