Hawak-hawak ni Freely ang karakter niyang si Kulas.
Kung pahusayan lang din sa pagguhit ang pag-uusapan ay ‘di pahuhuli si Freely Abrigo, isang freelance cartoonist na maipagmamalaki ng ating bansa. Masasabing kahanay siya ng iba pang magagaling na kartunista sa atin gaya nina William Conteras, Bladimir Usi at iba pa.
Taong 1994 pa nang unang mailathala ang kanyang comics strip sa isang national tabloid at kinalaunanan ay ginawa na niya itong karera. Buhat noon ay kung saan-saang tabloid at magazine na siya nakapag-drawing. Bukod kasi sa napagbibigyan ang hilig ay nakapagbibigay pa siya ng kasiyahan sa mga tao. Kung kaya’t ‘di na niya kaya pang bitawan ang pagdra-drawing dahil ito talaga ang kanyang linya.
Ang pagkahilig sa sining ay waring namana niya sa kanyang ama na dating manunulat. Ang sa kanya nga lang ay sa pagguhit, pero ang maganda kay Freely ay sanay na siyang magbitaw ng mga comics dialogue. Patok ang kanyang mga jokes, nakatutuwa rin ang hitsura ng kanyang mga comics character. Ayon sa mga kapwa niya kartunista, ang hitsura ng kanyang mga character ay parang gawa ng foreigner. Pero Pinoy na Pinoy naman ang oryentasyon. Si Freely ang may likha ng pamosong comics character na si Kulas, ito ay regular na lumalabas sa Manila Bulletin. Nailathala pa nga ito bilang isang aklat noong taong 2007, sa ilalim ng Visual Print Enterprises.
Pagdating naman sa pagguhit ng editorial cartoons, nakukuha agad niya ang gustong palabasin ng nagpapaguhit sa kanya. Pero kahit ‘di pa utusan ay kayang-kaya niyang bigyan ng interpretasyon ang mga mensahe na ipinapabasa sa kanya. Mahusay din siya sa paglikha ng caricature ng mga sikat na personalidad man o hindi at ang kakayahan niyang ito ay nagagamit niya sa kanyang propesyon. Bukod sa pagdra-drawing sa iba’t ibang uri ng babasahin ay naranasan na rin niyang mag-drawing para sa t-shirt na idinidisenyo ng Spoof Unlimited.
Ngunit kung titingnan ay malayo sa personalidad ni Freely ang kanyang mga iginuguhit dahil kadalasan ay tahimik ito at seryoso. Kumbaga, hindi pa-kengkoy kung kumilos. Ang katangian niyang ito ay maaaring iugnay sa kanyang pagiging seryoso sa trabaho.
Sa puntong ito ay sadyang nakadadaya ang panlabas na kaanyuan. Dahil sa kanyang kalooban ay isang masiyahing Freely ang naghahari, na kapag humirit ay siguradong kuwela!
Sa kasalukuyan ay abala si Freely ‘di lamang sa pagguhit ng kanyang Kulas komiks, marami pa siyang ginagawa. Kabilang na rito ang pagguhit sa Filipino Magazine na ang distribusyon ay nakabase sa Guam. Gumuguhit din siya sa lokal magasin na Pambata Magazine. Pinagtutuunan din niya ng pansin ang paggawa ng indie komiks, ang sinasabing bagong mukha ng industriya ng komiks. Ito na rin ay para maitaguyod pa niyang lalo ang pagmamahal sa sining. Isa rin siya sa mga aktibong kasapi ng Samahan ng mga Kartunista sa Pilipinas(SKP).
‘Yan si Freely Abrigo, panalo!
3 comments:
magaling talaga 'yang si freely. hindi lang sa larangan ng pagguhit at pagpapatawa kundi, isang magaling ta mabait na kaibigan. kaya hindi malabo na magkasundo kami niya tulad ni william contreras. isa rin akong tagahanga ng mga gawa nila. at siyempre pa, mas lalo akong humangasa yo, william rodriguez. isa ka sa maituturing na pinakabatang manunulat na may kakaiba at sariling style sa pagsusulat. sana lalo mong ipangalandakan ang iyong nasa sa loob na ideya. salamt sa blog mo. lubos na gumagalang... bladimer usi.
Blad, maraming salamat at napadpad ka sa blog ko. Naka-trabaho ko na rin si Freely kaya masasabi kong ibang klase talaga siya. Pareho kayong may naiibang istilo sa pagguhit. Sa dami n'yo nang naiguhit ay napakarami nang libro ang katumbas niyan. More books to come sa inyong dalawa.
Hi william, nice blog & good post. overall You have beautifully maintained it, you must submit your site for free in this website which really helps to increase more traffic. hope u have a wonderful day & awaiting for more new post. Keep Blogging!
Post a Comment