Monday, November 9, 2009

Pinoy sa Kulturang Popular ng Mga Koreano

 Sa kasalukuyan ay patok na patok sa ating mga Pinoy ang mga tele novella na gawa ng mga Korean. Mapapanuod ito sa telebisyon, mayroon sa umaga, sa tanghali hanggang sa gabi. Bukod sa naisalin na ang mga ito sa Tagalog ay ginagawan pa ito ng Filipino version. Ngunit bago pa man sila ay nauna nang namayagpag ang mga tele novella na gawa sa Mexico .

Isa lang ang ibig sabihin nito, naiintindihan o nakaka-relate tayo sa kanilang mga istorya. Bagama’t magkaiba ang isitilo ng paggawa nila ng kuwento. Dito sa atin ay masyadong maligoy at tumatagal ang isang palabas base na rin sa dami ng sponsor na pumapasok. Samantalang sa Korean ay mabilis ang facing ng kuwento at sa mga main character lamang umiikot ang character. ‘Di tulad sa atin na kahit ang maliliit na character mayroon ding istorya kung kaya’t kung minsan ay nakakaumay na ring panuorin. Ngunit ‘di ibig sabihin na mas magaling silang magkuwento sa atin. Marahil ay mayroon lang isinaalang-alang ang mga producer. Halimbawa ay ang takot gumawa ng naiibang istorya dahil baka hindi masakyan ng marami.

Hindi lamang sa palabas namamayagpag ang mga Koreano. Kasama na rin dito ang musika. Sino ba naman ang hindi nakaaalam ng kantang “Nobody” na pinasikat ng Wonder Girls. Bukod sa maganda na ang kanta ay maganda rin ang steps at ang mga singer ay mistulang manekin na sumasayaw. Isama na rin natin ang grupo ni Sandara Park , isang Koreanang naging artista dito sa Pilipinas, ang grupo diumano nilang 2en1 ay gumagawa ng pangalan sa Korea . Dahil na rin sa nauuso ang K-pop culture sa atin ay marami na rin sa ating mga kababayan partikular sa mga kabataan ang gumagaya sa isitilo ng kanilang buhok na maiiksi ang buhok tapos may bangs sa kababaihan. Samantalang patagilid naman ang bangs sa kalalakihan.


Sabi ng ilang sociologist ang tinatawag na K-pop culture ay ‘di naman talaga sa Korea nanggaling. May bahid na rin ito ng impluwensiya sa mga Kanluraning bansa partikular sa Amerika. Ngunit hindi na ito mahalaga, ipinapakita lang nito na matindi na talaga ang kanilang impluwensiya sa atin. Kumbaga, nasakop na nila tayo, hindi sa aspetong pisikal kundi sa puso’t pag-iisip. Wala namang masama sa paghanga sa kultura ng iba basta’t huwag lang sosobra. Kung tutuusin ay namumutiktik tayo kung kultura lang naman ang pag-uusapan. Marahil ay darating din ang araw na tayo naman ang gagayahin ng iba. Ngunit ang higit na pagpapahalaga sa sariling kultura ay sa atin mismo manggagaling.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...