Wednesday, February 18, 2015

Fallen 44, Gagawan ng Pelikula ni ER Ejercito?

 
           Nakatakdang gawin ang pelikula ng pakikipagsapalaran ng Fallen 44 na nasawi sa engkuwentro sa Mamasapano laban sa tropa ng mga Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bansangmoro Freedom Fighters (BIFF). Ito ang ipinahayag ng dating gobernador ng Laguna na si ER Ejercito sa kanyang Facebook fan page.

            Nais diumano ni Ejercito na sa pamamagitan ng pelikula ay mabigyang pugay ang Fallen 44 at para na rin mabigyan ng tamang pagkilala ng publiko hinggil sa kanilang kabayanihan.  Ang nasabing pelikula ay pagbibidahan mismo ni Ejercito na minsan na ring gumanap sa mga makasaysayang pelikula gaya ng buhay nina Aguinaldo at Asiong Salonga. Ito naman ay ididirehe ni Pedring Reyes.


            Umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens ang balak na pagsasapelikula sa Fallen 44. Mayroong natutuwa at mayroon din namang nagsasabi na sumasakay lang sa usapin si Ejercito. Marami ang nagtatanong kung saan iikot ang istorya gayung ‘di pa tapos ang imbestigasyon kung ano talaga ang nangyari noong Enero 25. 

          May mga nag-iisip tuloy na baka gamitin ni Ejercito ang pelikula para banatan ang administrasyong Aquino lalo na't marami ang naninisi sa pangulo hinggil sa pagkamatay ng fallen 44. Dahil pinaniniwalaan nilang si P-Noy at ang dating PNP Chief na si Alan Purisima ang nagplano ng misyon sa Mamasapano na tinawag na Operation Exodus. Matatandaang nasibak sa puwesto si Ejercito dahil sa labis na paggastos sa kampanya sa eleksyon. Naniniwala siyang posibleng ang Malacanang ang nasa likod kung bakit siya napatalsik sa puwesto. 

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...