Tuesday, February 3, 2015

Ang Sarap Mong Pisakin

“Akala mo kapag nabigo ka sa pag-ibig ‘yun na ang pinakamasakit. Pero mas masakit pa pala kapag tinubuan ka ng pigsa sa puwet.”
 
    Taena, bakit sa dami ng sakit na dadapo ay bakit pigsa pa? Tapos sa puwet pa tumutubo ang lintek na pigsa na yan? Kapag sinabi mo na meron ka nito ay pagtatawanan ka pa ng iba. Naging payaso ka ng wala sa oras. Sila kaya ang magkapigsa sa puwet, tingnan ko na lang kung matawa pa sila. Hindi naman talaga nakatatawa ang pigsa dahil ang sakit-sakit lalo na kapag umuupo ka. Pero paano kaya kung sa dalawang pisngi ng puwet mo ito tumubo? Magagawa mo pa kayang umupo? Ang pag-upo pa naman ang isa sa maituturing na relaxation. Na hindi magawa ng mga sales lady sa mall dahil bawal sa kanila ang umupo habang naka-duty. Pero mas gugustuhin ko pang magkaroon ng kalyo sa paa kaysa tubuan ng pigsa sa puwet.
 
    Siguro ang pigsa ay puwede nang ikumpara sa almoranas. Pareho kasi sila ng teritoryo, e. Pareho silang makapanginig tumbong. Parehong makati at may kirot at hapdi. Madugo nga lang ang isa. Pero iba naman itong almoranas dahil nakukuha ito sa pagkain ng maanghang. Kung papipiliin ka sa dalawa kung ano ang gusto mo malamang ay wala kang pipiliin. Pero ako pinili ko ba ang pigsa kaya nagkaroon ako nito? Ganyan talaga ang bagay may mga bagay na dumarating nang hindi mo inaasahan. Kaya wala tayong ibang maaaring gawin kundi tanggapin ito ng buo sa ating mga kalooban.
 
    Akala ko nung una simpleng kati lang ito kaya ayun kinamot ko. Meron ba namang tao na hindi magkakamot kapag nangangati. Kahit itanong mo pa sa mga taong makakati ang dila at mas makati pa sa higad. Pero nevermind ibang kati naman ang sa kanila. Pero nasobrahan yata ako sa kamot, ang sarap kasi magkamot, e. Naramdaman ko na lang isang araw na parang naging bukol na siya. Ah, iba na ito malamang pigsa na ito. Tama nga ang aking hinala. Ano pa nga ba kung hindi ito pigsa? Alangan namang tumor na ito. Pero meron ba namang nagkakanser sa puwet? E, di ampangit tingnan nu’n kapag tinapyasan.
 
    Putsa nang tingnan ko ang puwet ko mamula-mula na. Para tuloy akong napalo sa puwet. Buti pa yung palo ng nanay ko noong bata pa ako mabilis lang mawala ang pagkapula pati na rin ang sakit. E ito ilang araw din kaya ang itatagal nito? Marami pa naman akong gustong gawin pero di ko magawa. Gusto kong makipagpatentero sa kalsada. Pero mahirap mamaya ay matalo pa ako sa ganitong walang kawawaang laro.
 
    Sa aking pag-iisa, hinahanap ko ang sinasabing mata ng pigsa pero napisak na. Paano hindi mapipisak panay ang upo ko. Ang hirap nung nasa dyip ako dahil panay siksik ng katabi kong pasahero. Mahirap ring makipagsiksikan sa matataong lugar dahil di maiiwasang may makabunggan ka ng puwet. Wala talagang kalaban-laban ang isang tao kapag mayroong pigsa. Mahirap naman kung lagi kang nakatayo siguradong mangangalay ang binti mo. Ganun din naman kapag lagi kang nakahiga mangangawit din ang katawan mo sa kahihiga. Pero mas mabuti na rin ang nakahiga at least di mapipisa ang pigsa. Pero siyempre pag tulog ka na mababago ang puwesto mo. Pero tulog ka naman, e. Paggising mo nga lang balik uli sa daitng sakit.
 
    Ewan ko ba kung bakit ako pa ang napagtripan ng pigsang ito. Putsa, araw-araw naman akong naliligo. Kaya hindi ko puwedeng sabihin na marumi ako sa aking katawan. Pero siguro dala na rin ito ng init ng panahon. Ang hirap talaga ng may pigsa nagmumukha kang penguine na iika-ika kung maglakad. Tapos mapapangiwi ka pa sa sakit. Paano ba naman kapag naupo ka dala ng puwet mo ang bigat ng katawan mo. Plus kung mataba ka pa. Patay kang pigsa ka. Ayaw mo nu’n pisa agad ang pigsa.
 
    Kung puwede nga sanang lumutang na lang ay ginawa ko na. Magpapanggap muna ako na si Chris Angel na mahusay pagdating sa elevation. Pero mabuti sigurong inuman ko na lang ng anti-biotic saka pain reliever kaysa kung anu-ano ang iniisip ko.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...