Una kong nakilala si Tado nang makapanayam ko siya tungkol sa Limitado, 2008 'yun. Kahit seryoso ang usapan ay ginagawa pa ring biro. Kaya naman magaan siyang kausap. Natanong ko pa nun kung purong rakista ba siya dahil nga madalas maimbitahan mag-host sa mga rock concert. Hindi naman daw dahil kahit ano pinakikinggan niya. Obvious nga dahil ang background music nun ay love song na parang tipong Careless Whisper. Pero isa lang ang sigurado isa rin siyang musikero. Pamatay 'yung kanta sa banda niya dati na Live Tilapia, na wala kang ibang maririnig kundi blah blah blah. 'Pag napakinggan mo ay mapapamura ka at parang gusto mong magwala.
Bumalik ako sa store ni Tado year 2010 na, para magpalagay ng isang kong libro. Pumayag naman siya. Doon ko nakita na suportado niya ang mga manunulat na kagaya ko. Kaya pala dahil isa rin siyang manunulat at publisher pa ng diyaryo. Nalaman ko rin na makata pala siya nang imbitahan niya ako sa poetry reading sa Kapitan Moy, Marikina City. Matalinghaga pala si Tado sa likod ng kamera. Kahit ang mga anak niya bata pa lang ay iminumulat na niya sa sining. Paborito niya sina Pablo Neruda at Rio Alma. Pero ang maganda ‘pag may poetry reading, nanlilibre siya ng fishball, hehe.
Nakatutuwa dahil nagpaunlak pa na magbigay ng blurb si Tado sa libro kong Adik sa Facebook. Pagkalathala ng libro agad ko siyang pinuntahan para bigyan ng kopya. Nagtanong siya baka puwede ba siyang magkalibro sa Psicom. Eksakto, interesado rin ang publisher na pagawin siya ng libro. Ayos si Tado dahil inimbitahan pa niya akong mag-promote ng libro sa programa niya nung andun pa siya sa Dig.com, isang internet radio. Kahit biglaan ang pagpunta ay welcome sa kanya.
Akala ng mga tao nagpapatawa lang si Tado at naalala lang ng iba na minsan ay nakasagutan ni Vice Ganda. Pero marami pa palang alam gawin ang taong ito. Mula sa pagiging artista at DJ, isa ring negosyante, event organizer at kung anu-ano pa. Aba daig pa niya ang kape na three in one sa dami ng kakayahan. Pero ang maganda kay Tado kahit isang celebrity ay kayang abutin ng kahit na sino. Masang-masa kasi ang dating niya. Kaya dapat maging pulitiko na siya sa kanyang bayan.Dala-dala nga niya ang imahe ni Ninoy sa kanyang t-shirt at sa unang libro. Kung kay Ninoy ay Di Ka Nag-iisa, sa kanya naman ay Nag-iisa Lang Ako. Pero napansin ko sa kanya na 'pag pulitika ang pinag-uusapan ay seryoso siya. Interes na kasi ng mga tao ang pinag-uusapan kaya't di na ito biro sa kanya. Katunayan ay isa rin siyang aktibista at bahagi ng NGO na aktibong nakikilahok sa mga napapanahong isyu. Di ko malilimutan nang tumugtog kami sa rally ng PALEA sa may NAIA Terminal courtesy of Tado. Walandyo naka-motor lang kami ng ka-duo ko , umikot kami sa Taguig at puro lubak at tubig pa ang nadaanan namin. Pero ayos lang naniniwala naman kami sa ipinaglalaban ng grupo.
Sana ay mabuhay pa nang matagal si Tado para marami pa siyang mapasaya at maipagpatuloy pa kung anuman ang kanyang inoorganisa. Kahit maaga pa lang ay gumawa na ng libro na tribute para sa kanyang sarili. Advance lang talaga siyang mag-isip
No comments:
Post a Comment